Thursday, June 23, 2016

Waiting Shed

Mag-isa lang ako. Gabi.

"Miss, tricycle?" alok ni kuya. Tumanggi ako. Maya-maya, may isa na namang dumating. Tumanggi ako.

Surprisingly, naulit na naman ito ng apat na beses. Medyo nakakapikon na rin dahil napakahirap mag-abang ng jeepney dito sa waiting shed. Isa pa, gumagabi na rin kaya nakakatakot. At dahil dito, hindi ko na napigilang kausapin ang huling nag-alok.

"Hindi po. Hindi po ako sasakay, kuya," sabi ko sa huling driver.

"Ganoon ba?" umiling si kuya. "Pumapara kasi yung dalawang matanda na katabi mo. Pagod na pagod na daw eh. Ingat kayo ha."

Hindi ako makagalaw sa sinabi ni kuya. Kinabahan ako. Maya-maya, habang tahimik ang paligid, tumaas ang balahibo ko sa mahinahong pag-ihip ng malamig na hangin. Parang may binubulong na nanggagaling pa sa ilalim ng lupa.

Nakaramdam ako ng isang malamig na bagay. Hindi ko alam kung ano iyon na hindi ko naman makita sa dilim.

Friday, June 17, 2016

Ang Dalawang Vu

Déjà Vu
"Naulit na 'to!"

"Ano po iyon?"

"Ang senaryong ito. Naulit na ito!"

"Sir, ngayon lang po tayo nagkita at nagkausap kaya malabo pong naulit na ang senaryong ito."

"Hindi eh. Naulit na talaga. Naulit!"

"Naku, Sir, baka nararanasan niyo po ngayon ang déjà vu."

"Hala, pati ang salitang iyan! Narinig ko na sa iyo noon pa. Nangyari na ulit! Ahahaha!!!"

"Ha?! I-imposible! Aha... ahaha... ahahaha!!!"

"Ahahaha!!! Pati iyang pagtawa mo, nangyari ulit! Nakakatawa!!! Ahahaha!!!"

"Ahahaha!!!"

"Ngiyahahaha!!!"

"PWAHAHAHA!!!"

"BWAHAHAHA!!!

- - - - -

Jamais Vu
"Teka, anong ginagawa ko dito???"

Rush hour. Saglit pa siyang napahinto sa gate ng campus. Tahimik. Nagtataka. Sa loob ng apat na taon, ngayon niya lang ito napansin at naramdaman.

"Bakit ako nandito???" bulong nito sa sarili. "Hindi ito ang eskuwelahan ko!"

Saglit siyang nataranta. Hindi niya makilala ang mga kaklaseng tumatawag sa kanya. Pinagmamadali ito pero hindi niya pinapansin. Wala siya sa sarili. Hanggang sa napahinto ito sa pag-alis nang marinig niya ang kanyang pangalan mula sa isang kaklase. Doon siya parang natauhan.

"Late na tayo!!!"

Doon niya napagtantong wala na pala siya sa dati nitong eskuwelahan. Akala niya, tulad pa rin ito ng dati.

Wednesday, June 15, 2016

Call for Submission

Magandang araw!

Inaanyayahan ng Samahan ng mga Manunulat sa Tarlac (SaManTa) ang lahat ng mga manunulat na Tarlaqueño na magpasa ng orihinal na akda (Best Literary Pieces po sana ang ipasa dahil Award-winning Writers ang mga screeners: Romulo Baquiran, Ferdinand Jarin para sa sanaysay; Edgar Samar, at si Eros Atalia para sa kwento at Mark Angeles at En Villasis para sa tula, Roy Aragon para sa Iluko entry at si Erlinda Mendoza para sa Pampango entry) para sa ilulunsad nitong aklat-pampanitikan. Kaugnay ito sa layunin ng naturang samahan na sanayin at bigyang-pugay ang mga manunulat sa Tarlac na lumilikha o lilikha ng mga akdang nagpapakilala sa kultura ng Tarlaqueño.

Maaaring magpasa ng isa hanggang limang akda sa mga sumusunod na kategorya:
- Dagli
- Maikling kwento
- Sanaysay
- Tula
Liban dito, maaari ring ipasa ang mga akdang nagwagi sa ano mang patimpalak at naililimbag na.

Ang mga akda ay maaaring nakasulat sa mga sumusunod na wika:
- English
- Filipino
- Pampango
- Iluku
(Lakipan ng translation ang Pampango at iluko)

Submission Guideline
- Ang bawat akda ay dapat naglalarawan sa Tarlac, pagiging Tarlaqueño o buhay/kultura sa Tarlac.
- Ang bawat akda ay naka-MS Word file
- Nakagitna sa itaas ang pamagat ng akda at kung ano ang kategorya nito. Huwag isama ang pangalan o alyas ng may-akda sa file upang mapanatili ang pagiging patas sa gagawing blind review
- Letter size document
- 1 inch margin mula sa top, bottom, left, and right
- Font size 12, font style ay Times New Roman, at dapat double-space
- Para sa sanaysay at maikling kwento, hindi bababa sa tatlong pahina (3 pages) ang inyong akda at hindi lalagpas ng dalawampu (20 pages)
- May page number sa gitna ng footer. Halimbawa: 1 of 20
- I-attached sa email ang inyong akda. Kailangang nakalagay sa subject ang kategorya ng inyong entry.
- Isulat sa inyong email ang inyong pangalan at contact number, at ipadala ang inyong mga email entries sa bayanigabriel22@gmail.com

Ang huling araw ng pagpasa ng mga akda ay Thursday, June 30, 2016.

Para sa mga karagdagang katanungan at impormasyon, tumawag o mag-text kay G. Bayani M. Gabriel sa numerong 0922-203-5461.

Maraming Salamat po!

Monday, June 13, 2016

Maliligo Ako sa Ulan

Tanghaling tapat. Tirik ang araw. Mainit. At... maya-maya, napansin kong unti-unting nangitim at kumulimlim ang kumapal na ulap. Pawisan ako mula sa tanghaliang sabaw na niluto ni mama at naginhawaan nang umihip ang malamig na hangin sa labas ng bahay. Saglit akong sumulyap sa labas para alamin kung uulan, saka ko napansing umaambon na pala.

"Magpahinga ka," si mama. "At maligo ka na mamaya, ha," sabi niya sa akin.

Bumuhos ang malakas na...

"Sa ulan?" masaya kong itinanong. "Maliligo ako sa ulan?"

"Hindi," kasabay nito ang malakas na kidlat na sinundan ng dagundong ng kulog at agad niyang nilinaw na hindi daw ako maliligo sa ulan. Galit. "Gusto mong magkasakit?!" dugtong niya.

"Hindi ako magkakasakit. Malakas ako ngayon, diba papa?"

Ganito ang diskarte ko: Kung ayaw ni mama, aba, nariyan si papa na ibinibigay ang lahat ng gusto ko... sa isang salita ko lamang!

"Oo naman. Sige, puwede kang maligo sa ulan," sabi ni papa, tulad ng una kong inaasahan.

"YES!!! Yehey!!!" nagtagumpay ako. Nawala ang talim ng tingin ni mama sa akin. Nakita kong ngumiti naman si papa. Siguro, tulad ni papa, ay payag na rin si mama na maligo ako sa malakas na ulan.

Sa tindi ng kasabikan, agad kong ihinubad ang pang-itaas pero pinigilan ako ni papa. Hintayin ko daw munang lumakas ang ulan kahit para sa akin, malakas na ang ulan.

Sige. Naghintay ako. Napansin ko nga na mas lalong lumalakas ang ulan. Ayos!

Mula sa bintana, nakita ko ang mga kaibigang masayang naliligo sa malakas na ulan. Tinanong ko kay papa kung maaari na akong maligo sa ulan pero hindi pa rin daw puwede. Hintayin ko pa daw itong lumakas.

Naghintay ako. Sa halip na lumakas, napansin kong unti-unti nang humihina ang ulan. Nag-alala nga ako na kung maliligo na ako ay baka hindi na ako matuwa kapag hindi na malakas ang ulan.

Ilang sandali pa ang lumipas, narinig ko ang mga kanta ni Dire Straits sa cassette tape na paborito ni papa. Ito na rin kasi ang oras ng kanyang music trip. At habang nagra-rock n' roll na siya sa sala, doon ko na siya nilapitan at nagtanong kung maaari na ako maligo, hindi ko sinabing sa ulan dahil alam niya na.

Pumayag siya. At doon ko tinanggal ang pang-itaas saka dali-daling lumabas ng bahay.

Pero... nadismaya ako. Umaambon na lang, wala na ang ibang kalarong masayang naliligo kanina sa ulan, at baha na lang sa kalsada ang natira. Pansin kong mayroon na ring araw. At naisip ko, sa baha na lang ako maglulublob.

Maya-maya, natakot ako nang marinig ko ng mga bulyaw ni papa. Bakit daw ako naglulublob sa baha? Napagalitan ako at pinaliguan upang tanggalin ang mga putik sa katawan habang umiiyak sa maya-mayang pagpalo ni mama sa akin.

Wednesday, June 8, 2016

Apat

"Invite kita sa graduation ko, ha."

"Aba! Ikaw? Gagraduate?! Joke iyon???"

Tatango ang lahat saka sasabog ang mga nangunguntyang tawanan.

(--Isang linya ng joke. Mula ba ito sa radyo ng 101.1 YES! FM o sa 90.7 LOVE Radio?)

- - - - -

Apat na taon lang sana ako sa kolehiyo kung hindi lang ako naaksidente at huminto sa pag-aaral. Ito ang dahilan kung bakit umabot pa ako ng anim na taon sa kolehiyo bago magtapos. Nadismaya noon ang mga umasa. Nagdidiwang naman ang mga 'againts' sa akin dahil hindi daw ako nagtapos ng mga panahon na iyon. At ito ako, matindi ang pressure para sa mga naghihintay.

Nagpatuloy ako kahit nahihirapan. Kahit pilit. At kahit ayaw ko na. Suko ako. Hindi ko kaya. Wala na akong tiwala sa sarili lalo na't napag-iwanan na ako ng dalawang batch. Pero mapilit sila kaya nagpatuloy ako dahil gusto nilang magtapos ako. Nagtiwala silang muli. At dahil dito, naisip kong ayaw kong biguin ang kanilang pangarap na ipagtapos nila ako ng pag-aaral. Sa una pa nga lang ay iyon din naman ang gusto ko. Sa Iloco, 'agraraman' eh!

- - - - -

Ngayong araw ko lang napansing sabay pala ang graduation ko at sa apat na taong anibersaryo ng Jay's Quirky World. Marami nang nangyari na hindi ko na naisulat agad sa diary (oo, may diary ako) dahil sa tindi ng abala ko sa kung anu-ano, matinding pagod, at kadalasan, tinatamad magsulat.

Pero heto tayo ngayon, naitaon ang araw ng graduation ko sa araw ng ikaapat na taong anibersaryo ng Jay's Quirky World. Hanep sa paksyit, ne. Double celebration!

Masaya ang lahat. Nagdidiwang. Pero ako, hindi. Ewan ko kung bakit. Basta ang alam ko, hindi ako masaya... hindi ko naramdaman na nagtapos ako ng kolehiyo. At mas lalong hindi ko ramdam ang ikaapat na anibersaryo ng kamukha blog. Sa madaling salita, waaalaaa laaaannnggg!!!

Matibay ang mukha ko dahil nagtagal ako ng anim na taon sa kolehiyo. At mas lalong matibay ang pagmumukha ng Jay's Quirky World. Akalain mong aabot pa ito ng apat na taon sa bakuran ng internet, isn't amazing? Magaling! Congratulations naman sa mga pagmumukha ng mga tao sa paligid! Mabuhay ang kagandahan at kaguwapuhan sa ating mga pagmumukha!

And yes, congratulations din dahil graduate na ang mukha ko. For real. Biro lang pero totoo.

- - - - -

Sinusubaybayan ko na siya simula noong nagwagi siya ng unang parangal sa pagsulat ng tula. Makalipas lang ang ilang semestre ay napabilang din siya sa miyembro ng publikasyon ng pangpamantasan. Magaling siyang magsulat na lubos kong hinahangaan simula pa lang. Hanggang sa natuwa ako dahil siya na ngayon ang nailuklok bilang punong patnugot.

Hindi ko akalain na sa araw ng pagtatapos ko ng kolehiyo ay makakasabayan ko ang isa sa mga iniidolo ko sa pagsusulat. Nang makita ko siyang maglakad sa entablado upang kunin ang diploma ay bahagya pa akong nalito, natuwa, at nasorpresa.

Agad ko siyang hinanap nang matapos ang kalahating araw ng martsa at nagpalitrato kasama siya. At nang dahil sa labis na tuwa, basta na lang kumawala sa akin ang katagang "Bon, ikaw ang idol ko sa pagsusulat! Pa-picture naman!"

Pagkatapos noon, napagtanto kong sumaya naman din pala ako sa pagtatapos kahit hindi dumating ang mahalagang minamahal sa buhay--si daddy--na kasalukyang nasa Mindanao. Pagbati ko ng matamis na "Happy Father's Day" para sa kanya.

Monday, June 6, 2016

Bangag

Mid-night sale at bargain price ang mga ideya sa utak. Hindi ka nila patutulugin hangga't hindi mo daw sila isinusulat kahit inaantok ka na. Pero kapag nakahawak ka na ng papel at panulat, matapos mong bumangon mula sa kama at maantala sa oras kung kailan dapat ay tulog ka na, ay doon naman sila biglang mawawala.

Napagtanto kong para lang pala itong pag-ibig na nahulog sa matamis na pangako subalit napako. Pumapaasa din pala pati ideya.

Letche lang... lalo na paggising mo kinabukasan dahil sa puyat kaya nagmumukha kang bangag.