Thursday, July 28, 2016

Bookmark

Nagkaroon ako ng pagkakataon para makalkal ang mga naiwan niyang gamit sa kanyang kuwarto. Nakita ko roon ang mga iniwan niyang litrato, libro, damit, at magandang higaan. Parang hindi pa rin siya nawala...

Nakita ko sa ibabaw ng sulatang lamesa ang kanyang journal. May takot man akong buklatin iyon dahil baka magalit siya, nagpatuloy pa rin ako sa pagbabasa ng maiikli nitong entry.

Maya-maya, nalaglag sa paanan ko ang blue bookmark na ibinigay ko noon sa kanya bago ko siya iniwan. Nakaipit ito sa isang entry na nagsasabing iyon daw ang araw na hindi niya malilimutan: ang araw ng kasal ko sa aking asawa. Napansin ko din na mayroon itong marka ng kanyang halik saka inipit sa kanyang journal.

Masaya daw siya para sa akin, kahit masakit na nakikita niya ako sa iba. Liligaya na daw ako at hindi na malulungkot. Dagdag niya, habang nasa kanya ang bookmark ko ay hindi niya daw ako kalilimutan.

Kinuha ko ang bookmark nang mabasa ito. Hindi para bawiin ang pagmamahal na ibinigay ko sa kanya kundi, upang lumaya na siya sa lungkot ng pagkawala ko sa kanya.

Friday, July 22, 2016

Bukod Tangi

Sa dinami-dami ng lalake at babaeng naikama ko, siya ang bukod tangi sa lahat. Maganda, sexy, at hindi ko akalaing virgin pa pala siya nang tirahin ko. Inlove na ako sa kanya pero mali ito. Kailangan ko nang tapusin ang nararamdaman ko sa kanya dahil, kahit mabuntis ko man, ay kailangan ko na siyang isilid sa maganda nitong kabaong para sa kanyang burol mamayang gabi.

Saturday, July 16, 2016

Kalo

Masaya kaming naglalakad pauwi ng asawa ko galing sa Moske. Tuwang-tuwa ang nag-iisa naming anak na babae habang nakasalabay ito sa likuran ng asawa ko. Mula naman sa maliit kong bag, kinuha ko ang kalo ng aking asawa saka inilagay sa kanyang ulo.

Masayang masaya kaming tatlo pero naputol ito sa pagdating ng tatlong armadong lalake. Hinila nila ang asawa ko at dinala sa gitna ng kalsada. Napasigaw ako. Nagtakbuhan ang ibang tao. At mahigpit na nakayakap sa akin ang anak ko na matindi ang takot.

Pinaluhod nila ang asawa kong walang laban matapos bigyan ng bugbog at tadyak. Habang nakaluhod, itinutok ng isang lalake ang baril sa ulo ng asawa ko. Mayroon itong ipinapaamin pero ang tanging sagot lang ng asawa ko ay 'wala kaming kinalaman doon.'

Nakikiusap ako na huwag itong paputukin hanggang sa tumakbo ang anak kong babae at yumakap ng mahigpit sa kanyang amang nakatumba, duguan, at wala nang buhay.

Monday, July 11, 2016

Protection

Sumakay ako sa jeepney. At--napahinto nang makita ang nakapaskil sa dashboard ng passenger's seat.

Protection you can see

"Protection you can see."

Ito ang mababasa sa sticker.

Nagtaka ako kung ano ang proteksyon na sinasabi ng sticker na dapat kong makita. Naguluhan ako.

"Ah, por da boys onli!" sabi ng tsuper saka humalakhak matapos kong itanong. Pormal siya noong una pero pumilyo ang mukha niya.

Napakunot lang ako ng noo.

"Paalala iyan kung ayaw mong ma-disgrasya. Yung... nakipaglaro ka sa kama... alam mo na," hihinto si boss tsuper para abutin ang bayad saka bubulong, "Gawin mo yung naka-drowing sa sticker para hindi ka makabuntis!"

Teka, kakaiba iyon ah?!

Hindi ko agad naisip ang ibig ipakahulugan ni boss tsuper pero sa paliwanag niya, doon na lumikot ang isip ko. Natawa na lang kaming dalawa ng sabay. At ngayon, alam ko na.

Friday, July 8, 2016

Ako at ang Gagamba

Ang maliit na gagamba,
Umakyat sa sanga.

Taimtim kong pinagmamasdan ang gagamba na gumagawa ng kanyang sapot sa bintana. Sa lagay kong iyon ay manghang-mangha ako sa paglabas ng kanyang sapot at sa paraan ng kanyang paghahabi. Idagdag pa rito ang nakakamanghang pag-alon ng buong bahagi ng sapot sa mahinahong ihip ng hangin.

Dumating ang ulan,
At naitapon siya.

Nang matapos ang gagamba at gumitna sa kanyang 'bahay' ay agad ko siyang kinuha saka isinilid sa hawak na posporo. Sinira ko ang sapot na ilang minutong pinaghirapan ng gagamba hanggang malinisan ang bintana.

Kinabukasan, nawala ang gagamba. Umulan ng malakas kinahapunan. Humangin, nagbaha, at nasira ang lahat ng bahay dahil sa mapanirang puwersa ng bagyo. Walang natira tulad ng pagsira ko sa sapot ng gagamba sa bintana kahapon.

Sumikat ang araw,
Natuyo ang sanga.

Kinaumagahan, mag-isa akong humahagulgol sa ilalim ng nasirang puno habang nakatambak sa paanan ng puno ang bangkay nila mommy at daddy, ate at kuya. Ganoon din ang ibang kapit-bahay na hindi pa rin makita ang mga nawawalang mahal sa buhay dahil naitangay ng rumaragasang baha.

Sumikat ang araw. Naliliman ako ng mga sanga ng puno na kahapon lang ay luntian at puno ng dahon. Nakita ko sa isang maliit na sanga ang isang gagamba. Abalang-abala sa paghahabi ng kanyang sapot. Palagay ko, iyon ang hinuli kong gagamba noong isang araw.

Kung siya nga ang nahuli ko kahapon ay mabuti pa siya, nakaligtas at nagawang ibangon ang sarili matapos kong huliin at sirain ang kanyang sapot. Pero ako, hindi nakatakas at hindi magawang ibangon ang sarili nang salantain ng bagyo.

At ang maliit na gagamba,
Ay nakaakyat na sa sanga.