Friday, December 30, 2016

May Umiibig Sa Akin

Mahal niya daw ako dahil ako daw ang tipo niyang lalake na pasok sa kanyang pamantayan.

Mahal niya daw ako dahil guwapo daw ako at hunk.

Mahal niya daw ako dahil napakalalim ko daw na mag-isip, masyadong makahugan, at no-nonsense type.

Mahal niya daw ako dahil feel at home ang pakiramdam niya tuwing kausap niya ako.

Mahal niya daw ako dahil mabait ako.

Mahal niya daw ako dahil sa lahat ng lalakeng nakausap niya, ako daw ang pinakanagustuhan niya dahil wala akong bisyo maliban sa pagsusulat, pagbabasa ng libro, at blogging.

Mahal niya daw ako dahil tinanggap ko siya bilang isang tunay na kaibigan.

Mahal niya daw ako dahil itinuring ko na daw siya bilang kapamilya at kapatid.

Mahal niya daw ako dahil lagi akong naroon sa kanya sa tuwing nasasaktan siya sa mga lalakeng umiiwan at nagtataksil sa kanya.

Mahal niya daw ako dahil alam ko kung paano ko siya pasasayahin kapag malungkot siya tuwing nasasawi sa pag-ibig.

Mahal niya daw ako dahil ayos lang daw para sa akin na harap-harapan daw niya akong niloloko at pinagtataksilan na lubos na daw niyang pinagsisisihan ngayon dahil mahal niya na daw nga ako.

At higit sa lahat: Mahal niya daw ako dahil mahal ko na din daw siya... na ngayon ko lang din pala nalaman na mahal ko na daw pala siya!

At ngayon niya lang talaga ako inabisuhan tungkol dito. And take note: gusto na niyang magpakasal sa akin dahil handa na siya. Pero ako hindi pa.

"Hindi iyan pagmamahal." Sagot ko. Nanahimik siya. "Sa mga sinabi mo, una pa lang, alam ko nang hindi na pagmamahal iyang nararamdaman mo para sa akin." Kako. "Kung ipagpapatuloy mo pa iyang pagmamahal mo para sa akin, pwes, itigil mo na dahil masasaktan ka lang. At ayokong masaktan ka ng dahil sa akin.

"Alam kong matagal mo nang hinahanap ang isang tulad ko pero sasabihin ko sa iyo ng buong pagpapakumbaba na hindi ako nararapat sa iyo. Alam kong alam mo na kahit ayaw mong maging mali na ibigin ako, nariyan ka pa rin para sa akin. Hindi na tama iyan.

"Humanap ka na lang ng ibang mamahalin na hindi ako. Alam kong makakahanap ka rin ng ibang lalake na mas higit pa sa akin na lubos na magmamahal sa iyo, na aalagaan ka, na hindi ka sasaktan, at hindi ka pababayaan.

"Hindi man magandang pakinggan para sa iyo, masisira lang ang mga pangarap mo para sa sarili mo. Alam kong alam mo na may mga pangarap din ako na gusto ko nang makamtan pero huwag mong sirain ang pagkakataon na makamtan ko ang mga pangarap kong iyon dahil mahal mo ako. Mahal ko ang mga pangarap ko dahil sila ang magluluklok sa akin sa kasiyahan.

"Ikaw lang ang nagmamahal sa atin ng higit pa sa pagkakaibigan. Ikaw lang ang nagbigay ng kahulugan. Ikaw lang ang umasa. Ikaw lang din ang umibig. At ikaw lang din ang masasaktan sa huli. Mahal mo lang ang sarili mo. Hindi kita pinapaasa. Pasensya na pero masyado kang makasarili.

"May mga bagay akong hinahanap-hanap na alam kong hindi ko makikita sa iyo. May mga bagay din na alam kong hindi mo kayang ibigay sa akin na sa ibang babae ko lang makukuha. Alam kong alam mo na sa iba ako liligaya at hindi sa iyo. Alam kong gagawin mo ang lahat, kahit hindi mo kaya, basta mapaibig lang ako sa iyo pero hindi talaga maaari.

"Hindi mo ako mabibigyan ng kaligayahan. Hindi mo ako mabibigyan ng anak, na magiging apo ng mga umaasa kong magulang, na siyang mag-aalaga naman sa akin kapag ako ay tumanda na. Kahit araw-araw mo akong nakikitang pabading-bading sa tabi-tabi ay pangarap ko pa ring maging isang magiting na tatay tulad ng aking ama na lubos kong iniidolo at hinahangaan. Dahil naniniwala akong balang araw, magiging isang ama din ako na dadakilain ng mahal kong anak at ng mahal kong asawa. Iyon ang pangarap ko.

"At kung talagang mahal mo ako, lahat ng iyon ay maibibigay mo sa akin. Sa ganoong paraan ako magiging maligaya at kuntento dahil natupad iyon dahil sa pagmamahalan... na hindi manggagaling sa iyo dahil kaibigan lang kita. Pasensya na pero hindi ako bakla. Pare, kaibigan lang kita."



#23
#jaysquirkyworld

Tuesday, December 27, 2016

Cottage

Maangas na bilin ni C.O. (command officer), duty daw ako ng 6 ng gabi hanggang 6 ng umaga saka siya umalis. Napakunot pa ako ng noo dahil umasta pa siya sa harap ng ibang officer na parang ka-buddy ko lang samantalang siya ang kagalang-galang sa headquarters. Hindi ko naman maintindihan ang huli niyang sinabi na huwag daw akong matakot sa isang rosas.

Alam ko na ang destinasyon ko: doon ako sa cottage. Tatlong minuto lang ang layo kung lalakarin sa likuran ng headquarters. Liblib, maraming puno, at ubod ng dilim tuwing gabi. Magbabantay lang ako doon dahil baka may ibang sibilyan o sino mang outsider na makapasok sa bomb area. Delikado.

Karamihan sa mga kasamahan, ayaw doon mag-duty. Ewan ko kung bakit pero gustong-gusto ko doon dahil malamig, mapuno, at tahimik. Himala nga dahil ngayon lang nila napagbigyan ang kagustuhan kong doon ako mag-duty. Sabi ko nga, tatanggapin ko kahit gabi.

Siguro, alam ko na din ang dahilan kung bakit ayaw ng iba na dito mag-duty: ayaw nila dito dahil walang linya ng kuryente. Walang linya ng telepono. Walang TV o radyo. At higit sa lahat, walang signal. Wala ding ilaw. Paano naman kasi, cottage LANG naman daw ito kaya bakit nila bibigyan ng pansin para pagandahin? Pero mas gusto ko dito kahit ayaw ng iba. Ang problema ko lang ngayon, kaunti na lang ang reserbang gaas na mayroon ako ngayong gabi para sa gasera.

Nagtyaga ako sa liwanag ng mumunting gasera. Inaliw ang sarili sa pakikinig ng ingay ng mga puno na hinihihip ng hangin. Naglaro ng Snake, Space Impact, Bantumi, at Pair II sa cellphone kong Nokia 3310. Inubos ang ringtone playlist ng Type 1 to 35. At nag-compose ng ringtone hanggang hindi ko na ring namalayang na-battery low. Nakakabagot din pala.

Maya't maya ang pagtayo at paglakad-lakad sa paligid ng cottage. Hindi ko makita ang hangganan ng kadilimang wala man lang ibang liwanag maliban sa pagtutok ko ng flashlight sa paligid. At pagbalik ko sa entrance, nadatnan kong wala nang apoy ang gasera.

Muli kong isinindi ang isinarang flashlight saka nabigla matapos makita ang isang rosas na nakapatong sa tabi ng gasera matapos kong ilawan. Sa tindi ng dilim, sino naman kaya ang maglalapag noon ng walang ilaw?

Saglit akong napahinto. Pilit kong pinakikiramdaman ang paligid. Wala akong naramdamang kakaiba maliban sa malamig na pag-ihip ng hangin na parang may bumubulong. Isang bulong na parang malapit lang sa akin. Hindi lang basta bulong. Binibigkas niya ang pangalan ko sa pamilyar na boses. Palapit nang palapit. Palakas nang palakas. At parang... nasa likod ko lang.

Nabitiwan ko ang flashlight at natumba sa sahig. Tumapat sa mata ko ang liwanag matapos gumulong. Kasabay ng pagkawala ng malay ko ay ang pagkawala ng isang nilalang na nahagip ng paningin ko bago nawala sa ere. Kulay itim. Nanlilisik ang mga malalaking mata na pumantay sa paningin ko. At may hawak na isa pang rosas.

Mukhang alam ko na talaga ngayon kung bakit ayaw ng iba dito sa cottage.

Sunday, December 25, 2016

Maligayang Pasko

Belenismo 2016

Inihahandog ang pambato ng Camp General Servillano S. Aquino (kung saan ako nakatira) na siyang nagwagi (at si Pang. Duterte ang nanguna sa awarding) sa taunang patimpalak ng Belenismo Sa Tarlac 2016. O ha, inabangan ko talaga ito pati ang grand opening. Along the McArhur Hi-way lang ito sa San Miguel, Tarlac kaya naman Maligayang Pasko po sa inyong lahat!

Saturday, December 24, 2016

Murder

Lumuwag ang pakiramdam ko nang malamang namatay na si Rhaman. Siya lang naman ang walang awang gumahasa at pumatay sa nobya ko dahil hindi daw niya matanggap ang kanilang paghihiwalay.

Hindi siya kinasuhan dahil kulang ang mga ebidensya na magdidiin sa kanya sa kaso. Hindi namin ito nagustuhan. Nagalit ako ng matindi dahil hindi namin nakamit ang nararapat na hustisya sa pagpaslang niya sa nobya ko. At ang suspek na si Rhaman, malayang-malaya kong nakakasalubong sa kalsada na parang hindi nakagawa ng karumal-dumal na krimen.

Nagalit ako na halos pinangingilagan na ng lahat. Hindi ako nakakatulog tuwing gabi. Mag-isa akong bumubulong na hindi tumitigil habang isinusumpa siya araw man o gabi, at paulit-ulit ko siyang pinapatay sa isip sa lahat ng paraan na kaya kong gawin. Na sana, mapasok ko ang mundo ng kanyang panaginip at doon siya pahirapan hanggang mamatay.

Bumalik ako sa dati nang malaman kong namatay na siya. Isa itong sagot sa nagtatanong naming hustisya. Isa itong tagumpay.

Bangungot ang ikinamatay ni Rhaman. Hindi daw siya magising ng kanyang nanay. Sigaw daw ito ng sigaw at nakikiusap sa akin na huwag ko daw siyang papatayin dahil nagsisisi na daw siya sa kasalanan niya. At pagkatapos noon, wala na. Hindi na siya nagising.

Kinabukasan, kinasuhan naman ako ng kanyang nanay ng murder at dahil walang ebidensya na pinaslang ko nga ang hayop na Rhaman na iyon, hindi ako pinarusahan ng batas.

Thursday, December 22, 2016

Kaibigan Daw

Kababata ko siya.

Pero, nagkaroon kami ng tila isang malaking pader nang magtapat ako sa kanya ng pag-ibig. Nang malaman niya, ayun, nagkahiyaan kami sa isa't isa. Kaibigan lang ang gusto niya. Paalala ko lang na hindi pa ako nanliligaw sa lagay na iyon ha. At wala talaga akong intensyong manligaw sa kanya dahil kaibigan ko siya.

Hindi na kami madalas magkasama di tulad noong una. Wala na ang 'closeness' namin na lagi ko nang namimiss. At ang masaklap, tinatawag niya na akong 'bakla.'

Letse.

Hindi na kami nagkita mula noon. Wala na akong narinig na balita tungkol sa kanya hanggang ngayon. At kahit nagkalayo kami sa isa't isa, aaminin kong namimiss ko pa rin siya, at hindi pa rin nagbabago ang pagtingin ko para sa kanya.

Nagkita kami ng hindi sinasadya makalipas ang maraming taon. Hindi ko maipaliwanag kung ano ang nararamdaman ko ng mga sandaling iyon. Gusto ko siyang yakapin para iparating na hindi ako nagbago at tulad pa rin ng dati. Pero heto siya, medyo lamang ang magandang propesyon kaysa sa akin.

'Ma'am' ang tawag ko sa kanya sa halip ang pangalan niya. Ito ay sa parehong dahilan na 'sir' ang tawag niya sa akin. Napansin ko rin ang mga tingin niyang iyon na parang nagsasabi sa akin na hindi niya ako kilala. Wala kaming nakaraang pinagsamahan. At hindi ko kapantay ng kung ano man ang narating niya. Sa lagay kong iyon, parang napahiya ako o sinampal kaya nanahimik na lang.

Tulad nga ng una kong sinabi, hindi nagbabago ang pagtingin ko sa kanya. Pero sa inasta niyang iyon sa akin ay nagbago ako. Nawala ang pagkasabik ko sa kanya saka ko siya kinalimutan.

At muli, narito na naman kami makalipas ang ilang taon. Masasabi kong hindi na ako ang 'noon' na kaharap niya ngayon. Ibang-iba na. Pero syempre, mapagkumbaba pa rin.

"Sigurado akong masaya ka sa kung ano man ang narating mo ngayon."

"Syempre," sagot ko. "Pero humble pa rin."

"Mukha nga. Pero hindi talaga ako makapaniwalang isa ka nang militar ngayon."

Pinagtinginan kami ng ibang tao sa restobar dahil sa sinabi niya.

"Ha? Bakit?" Tanong ko, naiilang.

"E bakla ka eh!"

Nakarinig ako ng mga patagong hagikhikan at bulungan ng iba.

Tuesday, December 20, 2016

Bagong Pinuno

Kabado ako nang pumasok sa silid ni pinuno. At nang makapasok, nakita ko siyang tahimik na nakaupo sa paanan ng kanyang kama.

"Umpisahan na natin ang seremonya."

Isinara ko ang pinto. Lumapit ako sa kanya at tinanggal ang nakabalot sa aking ibaba. Nakita niya ang katawan kong walang saplot. Tinanggal ko ang suot niyang malaking kuwintas na tanda ng mataas niyang kapangyarihan at sinuot ito ayon sa kanyang utos. Unti-unti ko namang tinanggal ang lahat ng kanyang saplot saka siya bahagyang lumapit at bumulong sa akin: "Paligayahin mo ako."

"Opo, mahal na pinuno," sagot ko saka ko siya pinahiga sa kanyang kama. Nagdikit ang nag-iinit naming katawan nang hinalikan ko siya sa labi, leeg, dibdib, hanggang marating ng naglalaro kong bibig at dila ang kanyang naghuhumindig na ari. Naghuhumindig at napakalaking ari.

Naglikha siya ng ungol nang unti-unti kong dinilaan ang kanyang ipinagmamalaki mula itaas hanggang ibaba. Maya-maya, unti-unti ko itong isinubo hanggang sumagad. Siguro, ng dahil sa sarap na kanyang naramdaman ay napakapit siya sa buhok ko at nanggigil. Sa lagay na iyon, lalo akong nahirapan sa pagsubo't pagluwal.

Maya-maya, narinig ko sa kanyang bibig ang 'Ayan na ako, ayan na ako' hanggang sa isinabog niya sa loob ng aking bibig ang masagana, mainit, sariwa, at malapot niyang katas. Ang katas ng buhay na matagal ko nang hinihintay at inaasam kay pinuno. Wala akong pinalampas ng mga sandaling iyon kundi ilunok ang lahat ng kanyang katas.

Sumarap ang panlasa ko at unti-unting iniluwa ang malaking ari ni pinuno. Nakangiti siya sa akin, hinihingal, at pawis na pawis.

"Magaling!" Pagpuri ni pinuno sa akin. "Napakatapang mong lalake!" Saka niya ako pinainom ng tubig upang malunok ang natirang katas sa aking bibig na kailangan kong lunukin. Ganoon daw dapat ang dapat kong gawin.

Nagsuot kami ng saplot. Lumabas sa balkonahe ng kayang silid at tinawag ang pansin ng mga tao sa ibaba.

"Saksi ang kalangitan, mga bituin, at ang kabilugan ng buwan sa pagtitipong ito. Masaya kong ibabahagi sa inyong lahat na naipasa ko na kay Khalid ang aking masaganang punla ng aking kapangyarihan. Hayaan nating maglakbay ito sa kanyang katawan ng sa gayon, siya ay mabubuhay ngayon bilang panibagong pinuno ng ating tribo!"

Nagpalakpakan ang lahat. Tumugtog, sumayaw, at nagdiwang habang umiikot sa malaking apoy na nasa gitna.

"Binabati kita, Khalid, aking anak," si pinuno, saka niya ako niyakap.

"Maraming salamat po, aking Ama!"

Friday, December 2, 2016

Bagyo

Nagulantang ako nang makarinig ako ng sigawan sa kapit-bahay, na sinundan ng isa, at ng isa pa, at ng iba pa. Bigla akong kinabahan dahil nag-iiyakan yung iba. Hagulgol na parang namatayan. At yung iba naman, masaya't naglulundagan pa. Panay ang 'congratulations', 'ipinagmamalaki ka namin', 'binabati kita', at 'we are so proud of you' sa kung sino man.

Nawala ang intriga ko nang masagot ng isang kapit-bahay ang tanong ko: nailabas na pala ang resulta ng board exam!

Ginapangan ako ng kaba sa buong katawan. Maluha-luha't dali-dali akong pumasok ng bahay, umakyat sa kuwarto ko, isinindi ang modem, wi-fi, laptap, tablet, desktop, at hinanap sa google ang listahan ng mga pumasa. Nagkamali pa ako at naligaw sa isang listahan ng mga pumasa noong nakaraang taon. Nanginginig ang kamay ko sa pagpindot ng keyboard at mouse. Bigla akong naguluhan. Nag-panic na ako ng di oras hanggang sa lumagpas na ako sa pag-scroll ng roller. Nalagpasan ko na ang 'C' at nakarating na sa dulo ng 'N'.

Binalikan ko ang letrang 'C'. At--bigla na lang akong napatanga--nang malamang naroon nga ang apilyedo ko pero sa pangalan naman ng iba. Wala ang pangalan ko sa mga pumasa!

Hindi ako makagalaw. Hindi ako makapagsalita. Nanuyo ang lalamunan ko at natulala. Hindi ko namalayang nagsara ang mga kamao ko saka dali-daling nag-unahang pumatak ang mga luha kong gusto nang kumawala noong una pa lang. Napatanong ako sa sarili: "Ano. Ang. Nangyari?"

Napayuko ako. Humihikbi, hanggang humagulgol ng matinding iyak sa harap ng desktop. Ano na ang susunod na mangyayari? Paano na ako? Paano na ang mga magulang na sa akin lang umaasa? Paano na ang limang taong pinaghirapan ng mga magulang kong halos gumapang at maglupasay sa lupa para lang ipagtapos ako ng kolehiyo? Paano na ang mga buwis-buhay na sakripisyo't paghihirap ko, at ng mga magulang ko, para lang ibagsak ang 850 items na pagsusulit na iyon? Paano na ako?

Naguguluhan ako. Nasasakal ako. Napagtanto ko na mas masakit pala ang katotohanang ito kaysa noong iniwan ako ni Sarah at sumama sa iba. Mas masakit ito. Anong mukha ang ihaharap ko sa mga magulang kong naghihintay ng balita at umaasa sa akin? Nahihiya ako. At hiyang-hiya ako. Dapat ko pa bang iharap ang pagmumukha ko sa kanila? Tingin ko, hindi na... muna.

"Ayos lang iyan," sabi ng isang malapit na kaibigan sa telepono na mukhang hindi namomroblema ng mga sandaling iyon. "Kumbaga sa pag-ibig, may second chance pa naman para sa mga taong nasawi eh. May pagkakataon pang maging tayo," pagbibiro niya pero lalake din siya. "Sigurado, papasa na tayo sa susunod."

Sana nga totoo iyon. Pero pakiramdam ko, napakabobo ko na hindi na dapat pang magtatagal ngayon sa mundong ibabaw. Iyan ang tingin ko sa sarili. Hindi ko matanggap ang nangyari. Mahapdi. Ubod ng sakit. Lalo na nang marinig ko ang isang kapit-bahay kinabukasan na nagsasabing 'hindi daw kasi ako nagbigay ng lagay para pumasa.' Sila daw kasi, ganoon ang diskarte kaya hindi nahirapang pumasa. Kota na eh. Sa umpisa, alam mo nang pasado ka. Nagbayad eh. Wala nang pangamba kung babagsak o hindi. Bahagi na daw kasi iyon ng sistema na bagamat talamak, ay garapalan ang pandaraya. Masyado daw akong nagpakabanal.

Mahigit pitompu't pitong libo ang kumuha ng exam sa buong bansa pero mahigit dalawampu't tatlo lamang ang pumasa. Ang mga natira, bagsak. At kung totoo ngang marami nga DAW ang naglagay para pumasa, palagay ko, kaunti lang talaga ang pumasa. Kumusta naman kaya ang kanilang kredibilidad?

At ito namang mga magulang ko, hindi ko man lang nakitang nagalit sa akin. O sumbatan man lang ako. O murahin, ibigti, lasunin, lunurin sa batya, sunugin, o ipabaril agad-agad sa Luneta. Sa tingin ko, ako lang ang nagsakal sa sarili ko dahil sa totoo lang, masyado na akong nananamantala ng lakas ng mga magulang ko para sa akin. Masyado na akong nahihiya dahil matatanda na sila. Ang gusto ko lang naman ay ang mapasaya sila. Bigyan ng isang malaking pasabog na magandang sorpresa na ikasasaya nila pero ako naman itong nasorpresa sa hindi ko pagkasama sa mga pumasa. Lintik na sorpresa iyan.

Di bale, kahit salantain man ako ng bagyong ito, ayon naman sa isang kanta:

Pinahihina rin ang ulan
Pinahihina rin ang bagyo
Liliwanag din ang kalangitan
At ang araw ay sisikat na muli

Siguro, kailangan ko munang ipahinga ang sarili ngayon dahil sa nangyari. Malalagpasan ko rin ito... tulad ng masakit na pag-iwan sa akin noon ni Sarah.