Saturday, February 11, 2017

Walang Sikolohiya

Isang propesyunal si mama pagdating sa larangan ng Sikolohista. Marami ang humahanga sa kanya dahil marami na siyang natulungan, gamit ang kaalaman niya sa Sikolohiya.

Ang madalas sa kanyang mga serbisyo ay ang mga group and individual theraphy, mga psychological assessment, guidance and councelling sa mga paaralan, mga pamamalakad sa opisina, at lalung-lalo na sa isang mental ward kung saan siya ang chief ng ospital. Sa madaling sabi, isa siyang adbokasiya ng malusog na pag-iisip.

Masayahin at pala-kaibigan si mama. Pero, hindi siya naniniwala sa mga pamahiin, manghuhula, kulam, barang, o ano mang katulad. Ang pinaniniwalaan lang niya ay ang kanyang mga natutunan at ang Diyos. Isa siyang Born-Again.

Isang araw, dumating sa bahay namin ang dati kong kamag-aral na si Jennilyn. Nagwawala siya habang mahigpit siyang hinahawakan ng kanyang mga magulang at ang dalawang kuya.

"Ano pong nangyari sa pasyente?" Napansin ko kay mama na mayroon siyang hinahandang mga bagay na walang kaugnay sa serbisyo niya.

"Iniwan po siya ng kanyang nobyo na nakasama niya ng sampung taon, doktora. Anim na buwan na po siyang ganito. Tulungan niyo po kami!"

'N-nagkaroon siya ng schizophrenia?!' 'kako sa isip.

"Sige. Anak, kunin mo ang malaking krayom sa cabinet. Dali!"

"Ano?! Aanhin niyo ang krayom?!"

"Kailangan nating palabasin ang masamang espiritu sa loob ng kanyang bungo!"

"Hindi! Sikolohista kayo, tapos maniniwala kayo sa lumang panggagamot? Mamamatay ang pasyente!"

"Pero moderno ang mga kagamitan ko. Isa pa, ano ba ang sikolohista?! Ikaw yata ang kailangan kong butasan ng bungo eh. Madali ka!"

At iyon na nga. Nangyari ang hindi dapat mangyari. Nagkalat ang maraming dugo sa klinika ni mama matapos butasin ang noo ni Jennilyn. Halos masuka ako nang makita ko pa ang ilang lumitaw na parte ng utak saka natahimik ang lahat. Napalabas na daw ni mama ang masamang espiritu.

Ganoon din ang nangyari sa ibang mga  pasyente ng mental ward. Binutasan ng bungo, inilulunod sa ilog, inurasyunan ng mga albularyo, pinapausok ng kung anu-anong kahoy at dahon, at marami pang ibang paraan (na ginamit noong unang panahon) para magtanggal ng sakit sa pag-iisip. Sa kasamaang palad, lahat ay namatay.

Bigla ding nawala ang lahat ng mga sulatin at libro sa mga silid-aklatan at bilihan, ang lahat na patungkol sa sikolohiya. At hanggang sa internet, walang salitang 'psychology' o ano mang katulad.

"Litong-lito na ako noon sa mga nangyayari. Lumalapit na ako noon sa iba't ibang tao para lang sabihin na mayroong sikolohiya pero lahat ay walang alam. Walang naniniwala."

"O sige. Sigurado ka bang nagsasabi ka ng totoo? Wala bang sumasapi sa loob mo?"

"Oo! Maniwala kayo, mama. Isa kayong sikolohista!"

"Kung ganoon..."

Tinawag niya sina kuya at papa saka kinuha ang malaking krayom. Hinawakan nila ako sa kamay at paa saka itinali sa upuan sa loob ng klinika.

"... tatanggalin ko ang masamang espiritu sa loob ng bungo mo, anak."

1 comment:

  1. napaka-ironic
    isang sikolohista na hindi naman talaga nagamit ang kanyang pagiging sikolohista

    yung bandang dulo ng story, parang zombie apocalypse lang :) hindi nga sila naging zombie, pero nawala bigla ang katinuan sa isip :)

    ReplyDelete

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^