Friday, June 30, 2017

Interviewer

"Anong pangalan mo?"

Sinabi niya. At ang boses, akmang-akma nga sa ganda niya!

Biglang nagpantay ang paningin namin. Nataranta ako pagkakita sa ganda niya.

"Ilang taon ka na?"

"Nasa resumé po."

Batang-bata pa siya at sexy. Ang ganda ng katawan mula ulo, dibdib, baywang, hita, at paa. Teka nga, napansin ko lang naman, ah! At wala akong ibang kahulugan doon dahil kailangan kong malaman iyon para sa kompanya!

"M-may boyfriend ka na? Asawa?"

Nabigla ako, hindi ako nakapagpigil. Agad akong nilabasan... ng pawis, dahil hindi ko dapat iyon itinanong. Nataranta na ako at natakot na baka mag-iba ang tingin niya sa akin pero kailangan ko ring malaman iyon para sa kompanya!

"Single po. Wala rin pong boyfriend. Nasa resumé rin."

Napakagat ako ng labi pero hindi ko na pinahalata. Oo nga naman. Iyon nga ang qualifications ng kompanya, may mali ba?

Nakahinga ako ng maluwag.

"You know what, ang ganda mo. Tapos wala ka pang boyfriend?"

"Ay, salamat po. Oo nga po eh," saka siya natawa.

Pasok ang mga kakayahan niya sa pamantayan ng aming kompanya. Pasok din siya sa mga tipo kong babae. Tinatakan ko ng APPROVE ang kanyang resumé matapos pumasa sa interview at sinabing tatawagan na lang namin siya kung kailan siya magsisimula.

"T-teka, miss, number mo?" Pahabol ko, lakas-loob. Agad na akong nag da-moves. Baka sakaling puwede ko siyang... alam na, ligawan.

"... para ma-kontak ka namin agad, ibig kong sabihin." Excuse ko.

Kinabahan ako.

"Nasa resumé po."

Saglit kaming natigilan at nagkatinginan. Na-blanko ako at walang maisagot.

"Maaari din po ninyo akong tawagin anytime in your own convenience, ma'am," sabi niya sa akin saka siya umalis.

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^