Thursday, June 22, 2017

Kuya Mark

camp.aquino.sunsetKinahapunan ng unang araw ng Abril, natanaw ng mga namamaga kong mata ang malungkot na paglubog ng araw. Sa tanawing iyon ko naalala ang malungkot na pag-akyat ng isang ina sa entablado upang tanggapin ang medalya't diploma ng anak na kasalukuyang nakahimlay sa malungkot nilang tahanan. Isang bagay na alam kong matagal nang pinapangarap na maabot ng kanyang anak, na kailan man ay hindi na mapagbibigyan.

"Hindi po kapani-paniwalang balita: nauna na po siyang grumadweyt." Madamdaming winika ng isang pari ng DBTI-Tarlac na minsan nang naging ama sa namayapang binata saka napaiyak, gayon din ang mga iniwang kamag-aral--ang buong blue patch Grade 10 Vigano, lalo na nang ipakita sa madla ang isang slideshow na naglalaman ng mga masasayang alaala ng binata.

Pasensya na kung ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob para magsulat. Mula nang mabalitaan ko, isang umaga ng ika-22 ng March 2017, ang nakapanlulumong sinapit ni Kuya Mark (kahit ako ang mas matanda) ay hindi ako matahimik. Hindi siya maalis sa isip ko, at hindi ko kayang tignan at isipin ang isang ina na naghihinagpis sa pagkawala ng kanyang anak sa hindi katanggap-tanggap na paraan. Namatay siya sa isang car accident.

Nahaplos ang puso ko nang magtagpo kami ni Tita Theresa (mommy niya at iyan ang gusto niyang itawag ko sa kanya) sa huling gabi ni Kuya Mark. Napayakap ako sa kanya saka umiyak, lalo na nang makita ko ang mga labi ni Kuya Mark. Parang dinurog naman ang puso ko noon nang mapansin ang isang live video chat kung saan naroon ang kanyang ama na nasa ibang bansa, hindi pa makauwi at ipinapaalahanan ng kaanak na magpakatatag ng loob sa kabila ng masamang balita.

Nakiisa ako sa araw ng libing ni Kuya Mark, umaga ng unang araw ng Abril. Kasama namin ang mga pari, faculty, at staff ng Don Bosco Technical Institute - Tarlac (kung saan siya nag-aral), at syempre, hindi nawala ang kanyang mga kamag-aral; na tulad ko, ay nanghihinayang din sa kanyang pagkawala.

Maganda ang umaga noon at naalala ko pa nga na parang pati ang mga dilaw na bulaklak ng Narra ay nakikidalamhati dahil sa kanilang paglagas. At habang ibinababa na siya sa ilalim ng kanyang libingan ay hindi ko na naitago pa ang hagulgol kong doon na kumawala at ganoon na rin ang iba. Parang bangungot at napakabigat sa dibdib.

Nilapitan namin si Tita Theresa. Sinabi ko sa kanya na kahit hindi naman namin kilala ang isa't isa ay lubos akong nakikidalamhati at nanghihinayang. Sinabi ko sa kanya na hindi ko matanggap ang pagkawala ni Kuya Mark at parang ako pa ang mas higit na nawalan. Sabi ko, parang nakita ko sa kanya si Kuya Kiko (bunso kong kapatid) na muntik na ring mawala sa amin dahil din sa isang car accident, at ayaw ko namang mangyari iyon sa kanya.

Nagkaroon kami ng pagkakataon na magkuwentuhan. Ang nakamamangha naman niyang sinabi sa amin ay ipinahiram lang pala sa kanya ng Panginoon si Kuya Mark, ang kanyang anak. Ipinapaalala, na hiram lang natin ang buhay sa Panginoon at iyon na lang ang kanyang iisipin. Pero, alam ko, sa loob lang niya ay hindi niya rin ito matanggap. Masakit.

Niyakap niya si Kuya Kiko bago kami nagpaalam. Nagbilin ito na huwag na huwag niyang sasayangin ang buhay at laging magdarasal. Lalo akong napaiyak dahil alam ko, nami-miss na ni Tita ang yumakap ng isang anak na lalake, pero hindi na niya magagawa pa iyon kahit kailan dahil wala na ang kaisa-isang unico hijo ng kanilang pamilya.

Kinausap siya ni Mommy Yol at ipinaalalang may-awa at mabuti ang Panginoon. Kailangan lang niyang magtiwala na malalampasan din nila ang pagsubok na iyon. Kailangan niyang magpakatatag para sa dalawang anak na babae, at ilaban ang kaso ni Kuya Mark sa nakasagasa.

Iniwan na namin sila habang tinatabunan na si Kuya Mark ng lupa. Bago makalayo, nakita ko, patuloy pa rin na niyayakap si Tita ng mga nakikiramay at mga naging kaklase ni Kuya Mark. Nakita ko, unti-unti nang ngumingiti ang mga kaklase niya hanggang sa sumasabog na ang tawanan. Litrato dito, masayang nagsasama-sama doon. Nababawasan na ang mga nakilibing, at ramdam namin na malamig na ulit ang mainit na hangin ng tanghaling tapat.

Lagi kong nakikita si Kuya Mark noon pa dahil sa pagtambay ko sa school nila Kuya. Kilala ko lang siya sa mukha pero hindi ko talaga kilala at nakakausap. Mukha siyang suplado para sa akin, matangkad, at guwapo. Para sa akin, siya ang tipo ng binata na hindi mo tatanggalin ang tingin kapag nakita mo sa personal. Naging bahagi ng DBYC at former vanguard ng kanilang institution na kinabibilangan ngayon ni Kuya Kiko. Naging mag-aaral at isang kamag-aral. Isang kaibigan at hindi ko alam kung may ka-ibigan. Naging 'kuya' at kapatid, at higit sa lahat, alam ko, na siya ay naging isang tunay na mabuting anak bago siya mawala, ayon sa kanyang mommy.

Kahit iniwan man tayo ni Kuya Mark, alam ko, lagi siyang nasa puso at isip ng mga naulila niya. Pero kahit saan man siya mapunta ay nasisiguro kong baon niya ang pag-ibig ng malalapit sa puso niya, lalo na ang kanyang pamilya. Sabi nga, nawala man siya ay buhay pa rin siya sa alaala ng mga malalapit sa kanya.

Muli ko na namang natanaw ang malungkot na papalubog na araw, habang unti-unting nagpapaulan ng masaganang dilaw na bulaklak ang puno ng Narra. Napakalungkot, lalo na ang mahalagang araw na ito.

Bakit?

Kasi... ngayong araw ang birthday ni Kuya Mark.

mark.hip

Mark Lesther Hipolito†
June 22, 2001 - March 21, 2017

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^