Thursday, June 8, 2017

Lima-lima

"May utak naman ako, pero pinili kong maging bobo."
-- ABNKKBSNPLAKo?! Ni Bob Ong

***

3rd year, second semester, school year 2012 to 2013. Ito ang mga sumusunod na kurso para sa programang A.B. Psychology (old curriculum):

PSY 111 - Seminar in Psychology 4: Abnormal Psychology (T/Th afternoon)
PSY 108 - Educational Psychology (W/F morning)
PSY 109 - Developmental Psychology (W/F morning)
PSY112b Lec/Lab - Psychological Assessment/Testing (T/Th half-day)
SS 14 - Basic Research (M morning)

Limang major courses ang dapat kong pasukan sa loob ng limang araw. Limang major courses ang dapat ipasa para sa limang pre-requisite course nito sa 4th year first and second semester (isa lang ang bumagsak sa mga nabanggit, huwag ka nang umasang mag-4th year). Limang bigating kurso ang dapat kong bunuin sa loob ng limang buwan, at, for the first time, limang kurso ang ipinagkasundo kong maging 5.0 sa report card. Wala akong mukha noon na maiharap sa limang galit na galit na naging professor ko. At sa kamalas-malasan ng 5.0 na 'yan, limang buwan akong petiks sa bahay. Pagkain ko kapag walang makain? Hahaha... 555 Sardines! Yes!!!

Nasa akin ang problema, aaminin ko. Heto ang mga invalid excuses (hindi paliwanag) ko:

Una, ayoko talaga ng A.B. Psychology in the first place dahil suuupeeerrr hirap talaga (lalo na't naabutan ako ng new curriculum at humigpit dahil sa retention policy). Kinuha ko lang ito dahil ipinilit lang sa akin ni Mommy Yol. Ang gusto ko talaga ay ang kumuha ng programa para sa media/broadcasting/journalism. Hirap talagang ipilit sa akin ang isang programang hindi ma-fit para sa akin.

Ang pangalawa naman ay... oo, iyon nga, na naging biktima ako ng matinding pambubully pagtungtong ko ng 3rd year. Nilayuan ako ng mga akala kong kaibigan. Lumayo ako sa ibang kaibigan na akala ko ay mapagkakatiwalaan. Doon nagsimula ang 'trust issue' ko at dumipende sa sarili... na sa sobrang pagdedepende ko noon sa sarili ay hindi ko na alam ang mga nagaganap kapag nasa loob na ng TSU. Oo, naging tanga na rin dahil, minsan, pagpasok ko, mid-term examination na pala. Wala man lang kaibigan o professor na nang-abiso sa akin kaya doon na ako naging anti-social.

Pangatlo... problema sa pamilya. Kahit isa sa kanila ay wala man lang akong malapitan o mapagsabihan kapag may problema ako kaya doon ko natutunang mangimkim ng problema ko ng ako lang. Hindi ako humingi ng tulong, ng awa, ng suporta. Black sheep? Ewan. At doon ko talaga napatunayan na mas madali ka lang nilang ibaba dahil mas alam nila ang mga personal mong kahinaan. Tsk.

Pang-apat, ginugulo ako ng kabit ni Daddy Ferds sa Facebook. Ako ang unang nakaalam sa account ni kuya. Naunahan ako noon ng breakdown dahil sa pagkabigla. Hindi ko alam noon kung sasabihin ko iyon kay mom or not, pero agad iyong nakita nina ate. Magaling ang kabit niya dahil pakikitaan ka niya ng iba't ibang litrato na masaya sila, na sama-sama sila (kasama ang tatlong bata na hindi ko alam kung kapatid ko na sa ama), na hindi man lang nagawa sa amin ng tatay kong... hindi ko alam kung naging Ama sa panahong kailangan ko ng Superman habang naroon siya sa Mindanao. Mayroon silang litrato na magkasama sa lupa ng tito ko sa Mindanao (sa Britanya), mayroon na magkasama sila sa SM MOA, at sa bahay ng mga Calicdan sa San Mateo. Naroon pa rin ang mga litratong iyon hanggang ngayon. At ang mas malala? Kaibigan ng babaeng ito sa Facebook ang dalawa kong pinsan at ilan sa mga tito at tita ko dito at maging sa ibang bansa. Sa halip na kumprontahin sila (dahil todo-dinedeny nga ni Ms. Maluyo at ang ilang tiyahin sa email ko nitong 2015) ay naka-block silang lahat sa amin ni kuya. Doon sumibol ang galit ko sa kanilang lahat, galit na galit ako sa kanila, isinumpa ko sila hanggang sa panaginip, hanggang sa mapagod ako dahil wala rin namang nangyari. Walang pagbabago. Napaisip ako noon kung deserve ko ba talaga ang ganito. Ewan ko, pero inisip ko na lang na bilog ang mundo para sa kanilang lahat.

Pang-lima? Hahaha... walang maniniwala sa akin. Oo, dinapuan ako ng matinding depression dahil sa apat na excuse na nabanggit. Ininda ko lang naman ang sakit ko sa loob ng halos isang taon... ng ako lang. Gusto kong magsalita. Gusto kong sumigaw. Wala akong mahingian ng tulong. Wala akong malapitan. Ipinaramdam sa akin ng depression na nag-iisa lang ako. Walang silbi. Walang kaibigan. Walang pamilya. Walang nagmamahal. At wala nang karapatang mabuhay. Disoriented na ang lahat: pag-aaral, kaibigan, pamilya, at sarili. Pressure at sakal na sakal na ako sa lahat. Sobrang hirap, pero isa lang ang hinihiling ko noon: Gusto. Ko. Nang. Mamatay. I wanna die!!! At titigil na ako dahil ayokong mapunta ang usapan sa kung saan.

After four years, nagtataka ako ngayon kung paano dumaan sa buhay ko ang mga nabanggit na suliranin. Mabuti na ang lagay ko ngayon kaysa noong una. Ayoko na sanang alalahanin pa pero bigla ko na lang naalala. Teka, teka nga sandali, ano nga pala ang dapat ipagdiwang ngayong araw?

Oo nga, happy 5th year sa Jay's Quirky World! Sa mga naligaw dito sa bakuran ko at patuloy na maliligaw, sa mga patuloy na nagbabasa dito at magbabasa pa lang, sa ilang followers at magpa-follow pa lang, naku, God bless you all po, more power, and long live para sa atin, mga kamukha!

Ang wish ko lang ay sana... sumipag-sipag na akong magsulat at mag-isip, sumulat ng maayos tulad ng mga iniidolo ko sa larangan ng pagsusulat, at susubukan ding maging responsible blogger as I can. Hindi naman masama diba?

So again, happy 5th year sa Jay's Quirky World! Whohoho!!!

At dahil nagkita kami kanina sa TSU after three months, I'll playing a song coming from Marion's Oo Nga Pala. Hahayaan ko na lang na ang mensahe ng kantang ito ang magpaparating ng mga saloobin ko para sa kanya.

3 comments:

  1. yey! happy 5th year! :) mabuti naman at okay ka na :)

    ReplyDelete
  2. Happy 5th year sa blog mo :) Grabe noh how time flies so fast! True, it is hard to finish a course that you do not really love. Which is why I ended up course hopping in the early part of my college life.

    ReplyDelete
  3. happy 5th year....good luck sa pagsusulat mo dito sa blog..

    ReplyDelete

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^