Sunday, July 2, 2017

Leksyon

Isang umaga ng Lunes, napansin kong nabawasan yata ang dahon ng malunggay ko sa vegetable garden. Halata, na sariwa pa ang pagkakaputol nito sa tangkay, kaya agad kong naamoy ang bango nito. Nabawasan naman ang bunga ng tanim kong siling haba at nabungkal ang ilang ugat ng mabangong kamya. Alam niya kaya na kailan man ay hindi luya ang ugat ng kamya? 'Punyeta,' kako, 'piso tatlo lang ang siling haba at dalawang piso lang ang luya sa tindahan!'

Nabulaga naman kaming mga kapitbahay ni Aling Georgina nang magwala siya. Ang dahilan? May nagnakaw daw ng malaking bunga ng kanyang papaya (hilaw at hinog) na pipitasin din niya sana sa araw na iyon para magluto ng tinola, at gumawa ng salad sa birthday ng kanyang anak. Nang tignan ko, sariwa pa ang tangkay na pinagpitasan nito at pumapatak pa ang dagta.

Iyon din ang oras kung kailan napansin naman ni Aling Amylita na nawawala na sa sinirang kulungan ang dalawang native na manok sa likuran ng kanilang bahay. May nagnakaw. Binili lang niya ang manok na iyon sa palengke para sana katayin at ihawin sa araw ng babang-luksa ng kanyang asawa sa Biyernes.

Doon nawala ang galit ko at napalitan iyon ng pagtataka namin. Sino naman kaya ang gumawa nito? Napakagaling naman niya! Tiba-tiba siya sa ulam niya dahil cumpletos recados na siya, menos gastos pa!

Maya-maya, napansin namin ang pag-usok ng kalang panggatong ng isang kapitbahay. Maaga siyang naggigisa ng luya, sibuyas, at bawang. Siya ang numero unong chismosa sa barangay at himalang wala siyang pakialam sa mga nagaganap. At nananahimik! Bakit kaya? Hmmm...

Kinabukasan, tulad ng inaasahan ay mayroong nagnakaw ng mga aanihin ko sanang petchay para ulamin sa mag-hapon. Hindi ko man lang nahuli ang salarin. Galit na galit ako pero alam kong matitikman din niya ang isang leksyon na naisip ko kagabi.

Napangiti na lang ako nang sumapit ang tanghalian dahil sa isang chismis: Sumakit daw ang tiyan ng chismosa naming kapitbahay dahil sa 'biniling' petchay. Na-food poison, sabi ng doktor.

Tanong ko: Iyon na kaya ang tanim kong petchay na sinabuyan ko ng lason kagabi?

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^