Wednesday, March 22, 2017

Unblock

Kumusta ka na, krash? Matagal na kitang hindi nakita sa Facebook. Kilig na kilig ako dahil makakapag-stalk na naman ako sa iyo ng wagas, pero nabigla ako dahil mukha kang nalantang talbos at bunga ng ampalaya! Hindi ko kinaya, napakalaki na ng ipinayat mo. Hindi yata sapat ang pag-ibig ng bago mo. Sana lang, mabuti ang lagay mo ngayon.

Himala dahil hindi na ako naka-block sa account mo. Pak na pak! Winner! Malaya ko nang nakikita ang mga litrato ninyo ng bago mo. Sana lang talaga, masaya kayo sa isa't isa.

Unblock mo na talaga ako. Anong nakain mo? Anyare? Anong dahilan? Para ma-add kita ulit? Parang alam ko na ang motibo mo kaya... hindi na muna siguro. Nagtatampo pa rin ako sa iyo hanggang ngayon dahil sa hindi mo pag-accept sa akin. Nahihiwagaan pa nga rin ako hanggang ngayon kung bakit hindi mo tinanggap ang request ko one year ago. Hangad ko lang naman ang mapalapit sa iyo bilang kaibigan ah.

Malamang, gusto mo nang magmove-on dahil BFF ko si ex mo, na mahal mo pa rin hanggang ngayon, kahit may bago ka na. (Nahigitan na ba ng bago mo ang sweetness ni ex sa iyo? Alam ko, hindi niya pa rin mahuli ang kiliti mong ako lang at si ex mo ang nakakaalam.) Lahat ng may kaugay sa kanya, maliban sa pagbabaon mo sa limot, ay iniiwasan mo na.

Sa madaling sabi, naaalala mo si ex mo sa akin kaya todo kung ikaw ay umiwas sa akin. O... siguro, gusto mong i-add kita ulit para malaman mo kung ano na ang lagay ni ex. Alam kong uhaw na uhaw kang malaman kung kumusta na siya ngayon. O baka naman umiiwas ka sa akin dahil sa nalaman mong krash kita? Hmmm...

Ikuwento mo naman sa seloso (o selosa?) mong kasalukuyan ang iyong nakaraan. Kapag hindi mo ginawa, since nakita ko na ang FB ng kasalukuyan mo, ay ako na mismo ang gagawa. At kung ginawa mo nga at magkakaroon kayo ng problema, hayaan mo darling ko, babalitaan kita tungkol sa ex mo at sa bago niyang prinsepe na di hamak naman na "much better" kumpara sa iyo.

Deal na ituuu!

Sunday, March 19, 2017

Unang Klase

"Ma... mama..."

"Punyeta ka, ano ba?! Inaantok pa ako, ano bang problema mo?!"

"Mag-aayos na ako. Mahuhuli na ako sa una kong klase sa school eh."

"Ha?" Tinignan ni mama ang orasan, "Oo nga, sige, bilisan mo at mag-ayos ka na. Malayo pa ang lalakarin mo."

Agad akong bumangon. Kinuha ang bag, nagbihis, at nagsapatos.

"Hindi ka naligo?"

"Naligo ako... kagabi, bago matulog."

Nagtaka naman ako paglabas ko ng bahay, "O, bakit madilim?"

Nakita ko, malinaw ang langit. Walang ulap. Puro bituin lang tapos malamig ang hangin. Tinignan ko si mama na nakatayo sa pinto. "Anyareh?!" tanong ko.

Nakapamewang ang isang kamay ni mama habang hawak ang cellphone na kanina pa nakatutok sa akin. Makahulugan ang nakakabuwisit niyang ngiti na parang magsasabog ng matinding halakhak.

"Mag-aalas dos y media pa lang ng madaling araw. Anak, GISEEENG!!!"

Nagising ako at nabuhayan ng diwa sa malakas niyang bulyaw. Nagtataka, kung bakit ako nandoon saka ipinanood ni mama sa akin ang video. Doon na niya ako tinawanan.

Problema ko ito dahil tatlong beses na itong nangyari sa akin. May kilala ka bang psychiatrist para tulungan ako sa sakit kong sleep walking?

Thursday, March 16, 2017

Nagtatampo Ako

Nabigla ako nang malaman ko sa kanyang mommy na sa susunod na buwan na siya ikakasal sa bago niya. Sa pagkakaalam ko, kapapasok pa lang niya ng sundalo, tapos, malapit na agad ang kasal?!

Kumusta ako? Nasaan ang three month policy na sinasabi niya na huwag agad hahanap ng iba habang ongoing/on-process pa lang ang moving-on stage after breakup? Hindi ko matanggap na tapos na ang aming relasyon, nakapaglandi na siya agad-agad?! Tapos heto ako, single pa rin matapos niya akong hiwalayan.

Nagkikita kami pero bihira lang. Siguro, pinili niyang huwag na lang sabihin sa akin ang bagay na iyon para hindi ako masaktan o magselos. Ang tanga ko nga kasi anim na buwan bago niya ako hiwalayan, (iyon ang mga panahon kung kailan nag-iinit kami sa isa't isa), ay hindi ko man lang naamoy na mayroon na pala siyang iba. Nakakagago. Ano pa nga ba ang magagawa ko?

Nagtatampo ako sa kanya ngayon. Ikakasal na siya. Ni hindi man lang niya sinabi sa akin. Ni hindi man lang niya ako inimbitahan o kinuha bilang kanyang 'best man.' Sana, kahit flower girl na lang o wall flower, ayos na ako doon.

Tangina niya.

Talaga.

Monday, March 13, 2017

Si Apung Tere

Narinig ko mula sa mga chismosang kapitbahay ang bulung-bulungan na aswang o mangkukulam daw ang bagong lipat na kapitbahay sa baryo ng David.

Ang mga tao talaga ngayon, oo. Mahilig gumawa ng kuwento para lang may mapag-usapan. Hindi na rin bago para sa akin. Pero sa ganitong pagkakataon ko naaalala ang isang kuwento noong kabataan ko...

Sa tagal na panahon ko na nakatira sa baryo ng Santo Domingo, noon ko lang nakita si Apung Tere (taga-David), pagpapakilala ng kanyang pangalan. Alam kong high school pa lang ako noong una ko siyang makita at kahit yung ibang taga-baryo, nabigla din sa biglaan niyang paglitaw pagkatapos ng mahabang panahon. Ang sabi daw sa mga unang nakakita sa kanya, siya na lang daw ang huling nabubuhay na residente ng baryo David mula ng umalis ang mga Kastila sa bansa. Nakakakilabot!

Matanda na si Apung Tere (mga nasa 90 pataas), malakas pa, tahimik, maitim, kuba, mahaba ang puting kulot na buhok, at mag-isang naninirahan sa tabing-ilog, sa paanan ng bundok, na hindi pa napupuntahan ng ibang tao. Malamang dahil sa hindi kaaya-ayang pisikal niyang anyo, ilag ang lahat ng tao sa kanya. At kahit ako ay natatakot din sa itsura niyang mukhang isang mangkukulam o aswang, na minsan kong nakita nang mapadaan siya sa eskuwelahan.

Ang isang bagay na mas lalo pang nagbibigay ng hiwaga sa kanya ay ang puti nitong panyo na laging nakatakip sa kanyang ilong at bibig. Parang takot ako o hindi ko yata gugustuhing makita ang kanyang itsura sakaling tanggalin niya iyon. May ibang nagsasabi na malamang, punit daw ang bunganga nito hanggang sa magkabilang tainga.

Mula noon, naging laman na siya ng mga kuwento sa dalawang baryo. Siya na ang pangunahing kinakatakutan ng mga tao, lalo na sa mga pasaway na batang makukulit para tumino. Siya rin ang dahilan kung bakit maagang umuuwi ang mga nasa eskuwelahan. Takot sila na baka masalubong nila si Apung Tere sa kalsada pauwi sa kani-kanilang mga bahay. Pero malaki ang mga pagdududa ko sa kanya sa kabila ng mga naririnig ko.

Isang araw ng tanghaling tapat, pauwi na ako ng Santo Domingo galing sa baryo ng David. Naroon kasi ang bukid ng aming mga magulang na nasa ibabaw ng malaking talampas, at habang nilalakad ko ang liblib, malubak, at maalikabok na kalsada, bigla na lang akong nahimatay nang matapat ako sa puno ng Alukon (isang uri ng puno na tinatalbos ang bagong usbong na dahon at bulaklak para ihalo sa binagoongang munggo) sa paanan ng malaking bundok. Sa pagkakatanda ko bago himatayin, ramdam ko na parang may sumusunod o bumubulong sa mahinahong hihip ng hangin. Pagkatapos noon, nakita ko ang isang tatlong talampakang ulupong na papalayo na sa akin.

Maya-maya, nagising ako sa mga bulong. At nang bumangon ako, agad kong nakita ang kinatatakutan kong si Apung Tere. Agad akong nakaramdam ng takot pero sinuklian lang niya ako ng ngiti na nakita ko sa kanyang mata at sinabihang huwag matakot. Doon na siya nagpaliwanag na nakita niya daw ako na naglalakad sa kalsada at nahimatay sa pagtuklaw ng ulupong. Dinala niya ako sa kanyang barung-barong, at doon dinasalan at binigyan ng lunas para tanggalin ang kamandag.

Nagkaroon kami ng pagkakataon na mag-usap. Nagkapalagayang-loob kami at naging magkaibigan. Sa paraan ng pag-uusap naming dalawa, mali pala ang iniisip ng iba sa kanya, kahit ako. Napagtanto ko sa lagay na iyon na may mabuting kalooban naman pala itong si Apung Tere. Hindi siya masama. At hindi siya mangkukulam o aswang na laging sinasabi ng iba.

Ayon sa kanyang kuwento, pinaslang ng mga Kastila ang mga magulang at kapatid ni Apung Tere, ganoon din sa ibang ka-baryo, para nakawin ang mga nakatago nilang yaman. Akala nga daw ng mga Kastila ay wala nang natirang buhay sa pamilya nina Apung Tere. Ang hindi nila alam ay itinago siya ng kanyang mga magulang sa ilalim ng lupa at iniwan siyang umiiyak at nag-iisa. Kung paano ay hindi ko na itinanong.

Sobra akong nasaktan at nalungkot sa kuwento ng naging buhay ni Apung Tere. Nangungulila siya ngayon at nag-iisa. Hindi ko na ipinahalata sa kanya ang pagpahid ko ng isang pumatak na luha dahil ayaw niyang kaawaan siya ng iba.

Noon ko lang nakita na tinanggal ni Apung Tere ang puti nitong panyo. Akala ko, matatakot ako dahil makikita ko ang malaking punit sa bunganga niya pero wala naman pala. Nakita ko ang labi niyang maitim at pangong ilong. Wala namang mali. Inilalagay lang niya iyon dahil hindi niya gusto ang makasinghot ng alikabok tuwing lalabas siya ng bahay.

Maayos na namumuhay ng mag-isa si Apung Tere sa maliit pero maganda nitong kubo. Hindi siya nahihirapan at nagugutom dahil mapagbigay naman ng yaman ang lupa at tubig sa kanya. Isa iyan sa mga bagay na hindi ko na kailangang alalahanin pa dahil kaya niyang mabuhay ng mag-isa.

Sinubukan kong ikuwento ito sa mga magulang, kapatid, at mga kaibigan sa pag-aakalang mababago ko ang pananaw nila kay Apung Tere. Pero nagkamali ako. Nakarinig lang ako ng masasakit na salita sa mga magulang at kapatid. Malamang, mayroon na daw akong sumpa o nagayuma. Iniiwasan na rin ako ng mga kaibigan ko. Natatakot sila na baka ako na daw ang bagong kanang-kamay ni Apung Tere sa pangungulam. O baka naman daw 'mata' ako para silipin ang mga nangyayari sa labas ng bahay ni Apung Tere. Kung ano ang mga nararanasan ni Apung Tere, na sana ay kanya lang dapat, ay nararanasan ko na rin. Mahirap at masakit, lalo na kung alam ko naman sa sarili na hindi iyon totoo.

Hindi na kami nagkita pa ni Apung Tere mula noon. Hindi ako makapunta sa kanyang bahay dahil bantay-sarado ako ng dalawa kong kuya. At ang huli kong balita na talaga nga namang dumurog ng dibdib ko ay ang tahimik at mag-isa daw niyang pagpanaw, tatlong buwan makalipas ang huli naming pagkikita.

Parehong maliit ang bilang ng mga naninirahan sa baryo ng Santo Domingo at baryo ng David (pero malalawak ang mga lupa dito na maaaring sakahan) kaya naman lahat ng mga naninirahan dito ay magkakakilala. Oras na magkaroon ng isang balita ay sing-bilis naman ng kidlat kung ito ay kumalat.

Ganito kabilis ang isang balitang nalaman ko na mayroon daw isang malaking bagay ang lumilipad na lumalapa ng mga laman-loob ng mga alagang hayop. Ito ang ibinalita sa akin ng kuya habang nagtatalbos ako ng Kangkong sa ilog. Iniwan na niya akong mag-isa noon nang mapansin ko ang isang puting panyo na inaagos ng tubig sa ilog. Gamit ang balsang kawayan, sinalubong ko ito saka kinuha.

Kilala ko kung kanino iyon: kay Apung Tere!

Agad akong nagbalsa na inabot ng tatlong oras hanggang sa marating ko na nga ang bahay ni Apung Tere sa tabing-ilog. Sigaw ako ng sigaw noon pero walang sumasagot sa akin. Papadilim na noon nang makarinig ako ng sigaw ng isang lalake na nagmumula sa itaas, doon sa kalsada kung saan ako nahimatay noon. Tatlo sila at may hawak na itak at sulo na biglang nagliwanag. Sinusundan nila ang hindi makapalag na si Apung Tere na hirap na hirap umakyat ng bundok para tumakas. Hinahambalos siya ng masakit na latigo.

Mangiyak-ngiyak ko silang sinundan ng patago dahil natatakot ako. At naaawa nang malaman kong buhay pa pala siya. Hindi ko man lang sila maawat. Gusto ko siyang iligtas pero hindi ko magawa. Tinutulak nila si Apung Tere, sinisipa, binubugbog, hinahambalos, at kung anu-ano pa.

Nabigla ako nang marating na nila ang tuktok ng bundok. Naghubaran ang mga lalake at walang awang ginahasa at binaboy si Apung Tere na walang laban. Dinig na dinig ko ang naghahalong tawanan at ungol ng tatlong lalake, at hiyaw sa sakit ni Apung Tere na nakikiusap. Humihingi ng tulong pero walang ibang nakakarinig. At nang makaraos ang tatlong hayop, unti-unting ginilitan ng isang lalake ang matanda hanggang humiwalay ang ulo sa katawan. Pinagpasa-pasahan nila iyon na parang bola saka gumulong kung saan ako nagtatago sa likod ng makakapal na talahib. Humaripas ako ng takbo pauwi dahil ako naman ang gustong isunod ng tatlong lalake. Takot na takot ako.

Tinandanan ko ang kanilang mga mukha para magsumbong sa Barangay pero hindi ko na nagawa dahil takot akong magsalita. Walang ibang nakakaalam sa nangyari. At pinili ko na lamang na manahimik at kumilos na parang wala akong nasaksihang krimen.

Hanggang ngayon, nagi-guilty ako, hindi dahil sa hindi ko man lang binigyan ng hustisya ang pagkamatay si Apung Tere noon kundi, sana, hindi na lang ako gumanti sa tatlong lalake na nanggahasa at pumatay sa kanya. Sa halip na sila, na pumatay noon kay Apung Tere, ay ako tuloy ang hinahabol at hinahanap ngayon ng batas...