Friday, June 8, 2012

About

Isang gabi ng May 2012, nanaginip ako. Sa panaginip ko, isa raw akong traveler na naligaw sa isang gubat hanggang mapadpad sa isang mala-paraisong lugar kung saan may nakita akong isang malaki, makulay, at magandang kaharian. Nakita ko raw sa entrance ang hari at reyna gayundin ang tatlo nilang prinsepe na mga tauhan pa raw ng Ibong Adarna (na kasalukuyan kong binabasa ng mga panahon na iyon).

Manghang-mangha ako dahil first time kong makakita ng kaharian. Masaya at maunlad daw ang pamumuhay nila roon. Ang sabi nila, ito raw ang kaharian ng quirky at maging ako, napakunot ng noo nang marinig ko ang wirdong pangalan ng kahariang iyon. Akala ko talaga noong una ay quickie kingdom ang pangalan nito. Wala pa ang blog kong ito noon at hindi ko pa naikuwento kanino man ang tungkol sa panaginip kong iyon, kahit kailan.

May bumulong noon sa akin at nagpayo na kung gusto ko raw makapasok sa kahariang iyon, kailangan kong bumuo ng iba't ibang mga kuwento ko sa buhay (maybe fiction or non-fiction). Doon ko raw titipunin ang lahat. Itatanong ko pa sana sa kanya kung paano ko iyon gagawin pero wala na ang bumubulong sa akin na hindi ko man lang nalaman kung sino at saan na napunta. At paggising ko, hindi na ito nawala sa isip ko.

Hanggang sa isang gabi ng June 2012, naisip kong buuhin na ang kahariang iyon mula sa panaginip ko sa pamamagitan ng blogging, kahit hindi ako magaling o walang karanasan sa pagsusulat at sa pagba-blog. Ang inspirasyon ko rito ay ang travel blog ni Kaito na isang traveler mula sa Sapporo-shi. On the spot ko itong ginawa (walang plano-plano) noong gabing iyon hanggang magmadaling-araw. Halos maluha-luha ako noon sa pagkapa ng blogger para lang makabisado ko ang bawat sulok nito at hindi naman ako nabigo.

Ang bawat tao ay may kani-kaniyang mundo, sabi ng mga pilosopo, kaya naman ginawa ko itong 'Quirky World' (sa halip na kingdom) dahil tulad ng ibang indibidwal, may sarili rin naman akong mundo. Idinugtong ko naman sa unahan nito ang pangalan ko kaya ang naging kabuuan nito ay Jay's Quirky World... na naging online portfolio ko ngayon ng mga (walang kuwentang) kuwentong bigla na lang nagpa-pop-out sa isip ko. Isa na itong personal blog. At ito ang (magulo kong) kuwento kung bakit ko nabuo ang Jay's Quirky World.