High Blood

"High blood po ako," sabi ni alyas Bato, isang trabahador sa kumpanya namin, pagpasok niya sa clinic.

Agad ko siyang kinuhanan ng blood pressure pero wala akong ma-detect. Malagkit lang ang tingin niya sa akin habang pigil ang hininga nito.

Ipinagpahinga ko siya nang sandali at muling kinuhanan ng blood pressure. Wala pa rin.

Weird. Sa buong buhay ko, siya ang unang kaso na hindi ko makuhanan ng blood pressure.

Nakatingin lang siya sa akin. Malagkit. Hindi ako makakilos nang maayos lalo pa't kaming dalawa lang ang magkasama sa buong clinic. Nagpatuloy muli ako sa pagkuha ng blood pressure niya pero wala talaga. Napansin ko na wala rin siyang reaksyon. Parang walang pakiramdam.

"Mukhang maayos naman ang lagay mo. Magpahinga ka na lang muna bago magtrabaho."

Hindi siya sumagot.

Nagkataong bumukas ang pinto at pumasok ang kasamahang nars. Lumabas naman si Bato, ang kinukuhanan ko ng blood pressure, na hindi man lang nagpaalam.

"Good morning!" bati niya. "Ang aga mo yatang dumating."

"Syempre, sayang yung oras eh."

"Oo nga pala, alam mo na ba yung balita kung bakit hindi na pumapasok si Bato?" ibinaba niya ang bitbit nitong bag at umupo sa harapan ng lamesa ko.

"Ano yun?" napakunot ako ng noo, seryoso ang boses niya. "Nag-resign na?"

"Isang linggo na pala siyang patay dahil sa high blood! Bukas na yung libing. Kupal talaga siya!"

Natahimik ako. Natulala, hanggang sa mapuna ako ng kasamahan kong nars. "Bakit? Napa'no ka?"

Halos hindi ako makasagot dahil sa takot at kilabot. "Nagpa-BP si Bato sa akin...kanina lang."

Natahimik kaming dalawa. Nagtataka. Kinikilabutan.

Comments

Post a Comment