Monday, June 8, 2015

Pangatlo

Dear blog, happy 3rd! Nakakatuwa naman kasi tatlong taon ka na palang nasa bakuran ng internet. Hindi ko namalayan iyon sa dami ng nangyari.

Salamat pala dahil sa iyo ko na-discover na puwede pala akong sumulat. Dapat ko ring palasamatan ang mga taong nagpadama sa akin ng stess at depression dahil sa kanila ko rin natutunang kausapin ang sarili gamit ang panulat at papel. Salamat dahil ikaw ang naging takbuhan ko sa tuwing nalulungkot ako o masaya sa lahat ng oras habang pinaglalaruan ko ang layout mo at HTML codes. #CodeIsPoetry pero hindi ako marunong tumula.

Salamat dahil, nagkaroon ako ng ilang mga kaibigang mga kapwa ka-co-blogger. Dito ko natutuhang pakawalan ang isip sa napakaraming puwedeng ikuwento, may silbi man o wala. Salamat dahil natuto akong mangarap ng maliit na bagay na sa pagsusulat ko lang natutupad. Alam kong balang araw ay maisasakatuparan ko rin ang mga iyon kahit napakaimposible yata, at oo nga pala! Salamat dahil sa iyo ako unang nagkaroon ng kauna-unahang award sa pagsusulat! Maituturing ko itong once in a lifetime success sa pagsusulat para sa akin, at masaya ako para doon!

Sa ngayon, gusto ko namang humingi ng paumanhin dahil... unang-una ay hindi ako naging matured enough pagdating sa pagsusulat. Hindi ako nagpakaprofessional sa pagsusulat at para sa iyo. Napakatanga ko talaga sa mga nagawa ko sa iyo kaya nagmumukha kang piso-piso sa audience dahil sa akin. Pasensya na talaga, lalo na sa tatlong nobelang pansamantala kong itinago. Itinago ko iyon sa dala ng takot sa pagpupuna ng mambabasa, sa sariling kakayahan, at sa personal kong kabobohan. Kung pagbibigyan man ulit ako ng pagkakataon ay muli ko itong ipapaskil sa iyo kapag nagkaroon na ako ng oras at tapang. At pasensya ka na rin pala kung nagiging malanding lalake ako sa iyo na kung makaasta sa mga sinasabi e parang babae o binabae... pero tanggap naman yata yan dito sa blogging industry. Pasensya na kung gipit-gipit din ako sa ideya, inspirasyon, at gana sa pagsusulat. Ito kasi ang mga posibleng panahon na magulo ang buhay at pag-iisip ko. Hindi rin naman kasi ako ganoon kagaling magsulat dahil part-time lang ang pagsusulat sa mga tulad kong estudyante ng kolehiyo, at aminado ako dito na nahihirapan din ako. Pero gagawin ko pa rin ang the best para masaya!

At sa huli, sana ay mas marami pa akong maisulat ng kung anu-ano, makapagsulat pa ng mga nobela, dumami ang award sa pagsusulat tulad noong una (kung meron pa man, sana!), at magtagal pa ng maraming taon kahit na kaunti o walang masyadong mambabasa. Ang importante kasi e yung mai-express ko ang ano mang nararamdaman ko sa pamamagitan mo, at sa pamamagitan ng pagsusulat.

Again, happy anniversary/birthday sa iyo, JQW! Mabuhay ka, humayo't magpakabongga, at magpaka-wild to the highest at maximum levelatious!

To you, with love,
Jay Calicdan.

No comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^