Wednesday, December 12, 2018

Nang Dahil Kay Oguri Shun

Second year high school, Lunes ng umaga.

Agad akong lumapit sa mga kaibigan kong babae habang naghahanda kami sa paglinya para sa flag ceremony. Dala ko ang mga litrato ng paborito kong mga Japanese celebrity, syempre, nangunguna na rito ang idol kong si Hiroyuki Sanada. *ngawa-emoticon*

3R wallet size lang ang dala kong mga litrato na nakatago sa wallet ko. Paglabas ko ng mga litrato nina Yukie Nakama, Jun Matsumoto, Koike Teppei, at iba pang bituin ng mga Hapon, nagkagulo na ang linya namin. Naglapitan ang mga babae sa akin at kinuha na ang inorder nilang mga litrato at nagbayad sa akin ng limang piso (per print). Patok na patok kasi sa amin ang mga bituin ng mga Hapon.

Para sa mga nagtataka, si Shin Mina pa lang at DBSK ang kinikilala naming kpop artist noon. Wala pang Super Junior, Girl's Generation, Wonder Girls at 2ne1 noon.

Dahil katabi lang ng linya ng mga babae ang linya ng mga third year high, naki-usyoso na rin sila sa ganap namin. May mga gustong humingi ng litrato pero hindi ko iyon ipinamimigay, paliwanag ko. Nakitingin na lang din sila nang sinabi kong binabayaran iyon.

Hiniram ng mga hindi ko na makilala ang mga litrato nina Jun Matsumoto, Jin Akanishi, Ken'nichi Matsuyama, at iba pa. Nagkagulo na. At nang kukunin ko na ang mga nabanggit na litrato sa mga 3rd year, hindi na bumalik sa akin si Oguri Shun. Ginulo ko ang mga 3rd year student hanggang makilala ko ang babaeng may makating kamay na tumangay sa Oguri Shun ko. Hindi kami mapahinto ng nagtatapang-tapangang scout master nang magprotesta na ako kaya tinawag na lang niya ang pastor ng high school saka lang tumahimik ang lahat.

Naroon pa rin kami at hindi pa nagsisimula ang flag ceremony dahil sa panenermon sa amin. Takot na takot ako noon, kaming mga magkakaklase, dahil mala-terorista itong si Pastor na hindi ko na sasabihin dito kung sino. Isa sa mga 3rd year student na babae noon ang naglaglag sa akin at ang sabi, nagbubugaw raw ako ng mga lalake. "Pastor, nakatago po sa wallet niya," sumbong pa ng isa. Nabigla ako at napanganga dahil mali ang mga paratang nila.

Kinapkapan ako. At hindi na pumalag nang makita ni Pastor ang mga ebidensya. Gatong pa ng isang inggit, pinagkakakitaan ko raw ito sa mga kapwa-estudyante. Ipinaliwanag ko naman na order-and-print ang mga iyon (tulad ng mga report papers nila na pinapaprint sa akin) pero hinatulan ako ng illegal vending of copyrighted materials. "Public domain po ang mga iyon," depensa ko kahit naghain pa ako ng ilan pang paliwanag. Hindi na rin kami nag-flag ceremony dahil tanghali na.

Kinasuhan kaming mga napagalitan maliban sa mga nagpa-print na hindi ko na nilaglag. Nakatikim kami ng matinding sermon. Matalim naman ang tingin sa akin ng terorista kong homeroom/English adviser nang ipinakita ni Pastor ang mga nakuha nilang litrato. Doon pa lang, nakita ko na ang binabalak niya: ang kontsabahin ang BFF niyang terorista rin sa Algebra para pag-initan ako.

Alam nilang mahina ako sa Inglesan at bilangan.

Lintik na Oguri Shun.
Share:

0 comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^