Monday, March 18, 2019

Confiscated

Bigla kong naalala: sa totoo lang, hindi naman talaga ako nagdadala ng phone sa school. Wala lang. Segue ko lang. Isinusulat ko ito ngayon para linawin ang isang bagay at maglinis ng pangalan (at hindi para manira ng kung sinuman, okay?!). Sirang-sira ako dahil sa pagkaka-confiscate ng phone kong 'yun. Masakit.

Junior high ako noon sa isang private school nang magdala ako ng phone. Sapilitan na iyon dahil lagi akong naghihintay ng tawag mula sa tatay ko na siyang magpapadala ng pera para lang ipambayad sa matrikulang sinisingil sa akin ng eskuwelahan at para magkaroon din ako ng school allowance. Kung hindi kasi ako magbabayad ay hindi ako papayagan (ng kung sinuman sa eskuwelahang iyon) na mag-take ng exam. Sa huli, mahuhuli ako. Magmumukha akong tanga. At baka ako pa ang 'pag-initan' ng iba, alam mo naman... At kung hindi ko masasagot ang tawag ng tatay ko kahit isang beses lang ay wala akong mapapalang grasya.

So going back, ang siste, bawal ngang magdala ng kung ano-anong mga eGadgets sa school na ito. Basta't lahat ng mga bagay na de-baterya, bawal dalihin (o ipasok) ng estudyante sa eskuwelahang iyon. Ang sabi kasi ng ilan sa kanila (sikret, walang clue kung sino!) 'wala' raw ganoon sa kabilang buhay (dugtong pa: 'kasalanan' daw ang humawak ng ganito sa kanila). Hindi naman daw puwedeng magpaalam na magdadala ka ng ganito kahit pa emergency matters, kaya patago akong nagdala. Sapalaran. Nagdadala rin naman ang iba sa amin.

Kung bakit ba naman sa kalagitnaan ng examination, tumunog nang pagkalakas-lakas itong si phone. Ringtone ko pa man din yung DBSK's 'Balloons.' Akala ko, phone iyon ng ibang kaklase na nagdala rin nang patago pero hindi. Nagmumula talaga sa peste kong bag ang nagwawalang phone kaya pikit-mata kong kinuha ito habang nakatingin ang lahat sa akin. Pagtingin ko, tumatawag na nga itong si tatay ko. Kapag hindi ko sinagot 'yun, hindi ako padadalhan ng pera.

(heto ang music video ng DBSK's Ballons)



Hindi ko na sinagot dahil inaabot na 'to ng teacher ko. Hindi ko na sinagot uli nang muling tumawag. Paano, hawak na ng teacher ko, kukunin ko pa ba sa kanya? Hindi na! No! Kaiyak. Sige, tuloy lang sa pagsagot ng test paper!

Pagkatapos ng exam, naglapitan sa akin ang mga kaklase (at iyong mga nasa higher level) saka isa-isang nakiusap sa akin na huwag ko raw silang ilalaglag na mayroon silang dalang mga phone. Madali akong kausap, kahit hindi ko pa kilala ang iba. Itinikom ko ang bibig kahit pa puwede ko silang ilaglag. Kung nagkataon, magiging 'kapkapan' day ang examination day (at sa akin ibabagsak ang sisi ng mga mahuhuli). Yung iba, binabantaan pa akong sasaktan paglabas ng eskuwelahan.

'Wow! LG!' dumating ang isa pang faculty saka ako nabigla sa kung ano ang sinabi niya, 'Hindi mo na makukuha 'yan. Magiging property na 'yan ng school.' Take note sa sinabi niya: 'magiging property na 'yan ng school.' Tatawa-tawa pa ang gago!

'Aware' ako sa ganitong regulation ng eskuwelahan kahit pa hindi ako nagdadala ng phone. At para magkaunawaan, ipapaliwanag ko ang pinupunto ng isang teacher na 'to:

FIRST OFFENCE: kung first time mong makuhanan o mahulihan ng phone sa eskuwelahan, tawagin mo na ang mga magulang mo. Sila lang ang puwedeng kumuha nito sa admin office saka ka nila bibigyan ng disciplinary action.
SECOND OFFENCE: kung naulit ang parehong kaso, sa katapusan na ng school year mo na makukuha ang phone mo saka ka bibigyan ng disciplinary action. Magulang mo pa rin dapat ang kukuha nito.
THIRD OFFENCE: kung naulit uli ang parehong kaso, oo, 'yang phone mo ay magiging opisyal nang pag-aari ng eskuwelahan! Wala kang magagawa dahil malinaw na ipinaliwanag sa amin iyon ng mga naging adviser namin at mga opisyal ng eskuwelahan, kahit pa hindi naman 'yun nakalagay sa aming student's handbook (mga school year 2005 to 2010)

Pero first time ko pa lang mahulihan ng phone, property na raw agad ng eskuwelahan?! Sinabi ko 'to kay ate. At sa kung minamalas ka nga naman, hindi ko na nasagot pa ang tawag ng tatay ko para lang mabigyan niya ako ng pera, nganga pati matrikula't allowance! Hindi na rin ako nagpaliwanag dahil anuman ang sabihin ko kung bakit ako nagdala e, nakatuon ang pansin nila sa paglabag ko sa regulasyon ng eskuwelahan nila. Pabor 'yun sa kanila pero iyong dahilan ko, hindi nila alam. At hindi rin nila uunawain.

Kinabukasan, ate ko na nga mismo ang nakiusap sa eskuwelahan. Habang tahimik na nage-exam noon ang mga kaklase ko sa classroom, nagkasunduan na ang dalawa sa examination ko pero hindi na ako makakasabay. Wala nang problema. Pero nang kukunin na ni ate ang phone, ang sabi, naroon daw sa opisina. Bago raw niya makuha ang phone ay kailangan niya pa raw kausapin si ganito, si ganyan, at si ganoon... na kasalukuyang out of town pa yata ng mga panahon na iyon. Isa pa, makukuha raw namin ang phone sa katapusan pa raw ng school year.

Hindi ko masyadong napakinggan ang napag-usapan nila pero tinaasan at tinarayan na ng boses ni ate ang teacher ko sa klase. Uminit ang ulo niya saka nagwalk-out. Nabigla ako, maging ang buong klase. At pagdating nga sa admin office, pinipilit talaga nila roon noon na sa katapusan na ng school year daw makukuha itong phone samantalang ang kaso ko ay FIRST OFFENCE pa lang. Sila na rin mismo ang nagsabi nito noong una pa lang.

Kinabukasan, isinalang ako sa hot seat ng teacher ko habang nasa gitna ako ng klase. Sa akin niya ibinunton ang sama ng loob niya sa ate ko. Sa sarili ko, hindi ko na 'yun kasalanan. Akala niya siguro madadala si ate sa pagtataas nito ng kilay sa kanya? Hindi siya pasisindak dun kasi mandirigma 'yun, lalo na't nasa katwiran. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin ng pagtataray niyang 'yun sa ate ko pero bagay niya at gano'n ang napala niya. Leksyon iyon sa sinuman, na kung makikipag-usap ka sa isang tao, tratuhin mo siyang tao. Huwag mo siyang pagtataasan ng kilay. Huwag kang abusado sa kapangyarihan ng pagiging 'otoridad' mo. Sa madaling sabi, huwag kang bastos. Kasalanan niya 'yun at hindi masisisi kaninuman kundi sa kanya lang. At hindi na 'yon kasalanan ng ate ko.

Ito pa ang na-scoop ko: pag-alis namin ni ate sa classroom, nagpunta raw agad ang isa pang teacher at sinabihang walang modo't pinag-aralan daw ang ate ko. Gusto raw niyang sugurin si ate ko noong panahong iyon. Kung mangyari iyon, ano ang gusto niyang gawin o sabihin sa ate ko? Lalo lang niya guguluhin ang sitwasyon kung makikisawsaw siya. Hindi pa ba sapat ang pagpapahiya nila sa akin nang isalang ako sa hot seat sa klase para ibalik sa sarili ang tinapakang dignidad ng teacher ko? Aba, sa hinaba-haba ng monologo ng teacher kong 'yun laban sa akin, hindi biro ang pagkaisahan ng ibang kaklase na galit din sa akin. Hindi biro ang ma-bully ng klase sa ganoong paraan na pinasimulan pa ng isang personalidad na siya dapat ang manguna sa pag-iwas ng pambubully. Pero hindi ko siya masisisi pagdating sa mga personal niyang projections, hindi pa kasi uso noon ang anti-bulliying campaign. Napahiya siya sa harap ng klase at sa tingin niya, iyon din dapat ang kailangan kong maranasan at makaramdam ng pamamahiya mula sa kanya. Matindi, diba?

O, anong gusto kong mangyari ngayon? Realizations lang: ang dami palang sarado ang isip ng mga panahon na iyon. Lalo na sa isang kaklaseng nagsumbong pa sa teacher kong 'yun na magdadala raw ako uli ng phone. Sana nga nagdala ako saka ko isinampal sa kanya, sa harap mismo ng teacher namin kung kanino siya nagsumbong! Anong magagawa ko kung walang-wala na nga talaga kaming pera noon at phone lang talaga ang pag-asa ko para ipanapal sa matrikulang sinisingil nila sa akin? Sa kahit saang eskuwelahan naman, sana, itigil na nila ang pangteterrorize n'yo sa mga estudyanteng hindi makakabayad ng sasahurin ninyo, on-time, lalo na sa kaso ko noon na hindi lang nagmula sa malas na phone.

Sa tuwing naaalala ko 'yun, sumasama ang loob ko. Wala akong laban. Wala akong kakampi. Wala akong ginawa noon dahil sunud-sunuran lang ako. Hindi sila makatarungan. At kahit kailan, hindi ako umaasang kakikitaan ko pa sila ng mga pagsisisi sa kabila ng mga sinabi't ginawa nila laban sa akin.
LG KU250
Sa mga nahihiwagaan kung anong hitsura ng binabanggit kong phone dito, just look at the picture. Trivia lang: hindi naman talaga ako magkakaroon ng ganitong uri ng phone noon kundi lang dahil sa tatay kong pinayagang magkaroon ng Globe Plan ang kanyang kapatid. Kinumpiska ito ng tatay ko sa tita ko nang wala siyang maibayad sa tatay ko saka ibinigay sa akin (may libre pang tatlong sex video). Malaki ang ginastos ng tatay ko dyan na humantong pa sa pagloloan niya ng malaking pera para lang mabayaran nito ang mga malalaking halaga ng international calls sa kung sinuman.

Naisip ko, naghihirap kami noong panahon na iyon at nagawa pa ng tatay ko na bigyan ng ganitong Globe Plan ang kanyang kapatid na umabot ng 30k. Samantalang worth 20k lang na pinapabili kong PC noon sa tatay ko (kasi mangmang ako sa paggamit ng computer), hindi niya ako kayang bilihan kahit pipitsuging secondhand lang. Nakatikim pa ako ng masasakit na salita niyan mula sa kanila, ha. Just great. Ngayon mo bansagan ang mga taong hindi nag-iisip!
Share:

1 comment:

  1. siguro makakakolekta ng iba ibang phone ang eskuwelahan bawat taon..

    ReplyDelete

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Thank you! ^_^