Wednesday, May 8, 2019

Isang Araw sa Palengke ng Bayan

Makalipas ang mahigit isa't kalahating dekada, muli akong nakapunta sa palengke ng bayan namin. Hindi naman ako nawala, sadyang hindi lang talaga ako lumalabas ng bahay. Sa katunayan, bahay-eskuwelahan-simbahan lang ang lagi kong pinupuntahan. Taong-taon iyan hanggang sa magkaroon na nga ako ng trabaho at napilitang mamalengke sa bayan dahil nagtaas na ang mga bilihin sa malapit na mansanas na supermarket. Hindi na kinakaya ng sahod ko ang mga bilihin doon. Para hindi mapagod si mama, ipinalista ko na lang sa kanya ang mga gusto niyang ipalengke ko at ako na lang ang bibili.

Malaki na pala ang ipinagbago ng palengke. Mukha na siyang sosyal hindi tulad noon na mukhang bundok ng basura. Lumilevel up na! Pero hindi pa ako nakakababa ng jeepney, maaamoy na agad ang pinaghalong nabubulok na kung anuman ang mga itinitinda sa palengke na itinambak lang sa tabi ng kalsada (yung kabilang bahagi nito, naging lupa na at naging palaruan ng mga batang pulubi).

De-bricks na rin pala ang sahig kumpara noon na bakubako, pero maputik lang ngayon dahil pumantay na ang maitim na kanal sa naka-elevate na daanan. Nakikita ko ang ibang palengkerang nagkakaliskis ng mga isda at nagtatanggal ng tinik at laman-loob. Diretso kasi nila itong ipinapaagos sa kanal hanggang bumara at bumaha. Yung tinitindang hito ni manong na malaki ang tiyan, nag-dive na sa kanal saka niya ito hinabol. Mabilis ang hito sa paglangoy pero nahuli rin siya sa dulo ng mahabang kanal saka siya bumalik sa batya nitong parang higanteng tansan. Naisip ko, nagbago na nga ang palengke, oo. Pero yung pag-iisip ng mga tao, hindi pa rin (lumala?).

Seafood ang una kong hinanap kaya nagpunta ako sa suki ni mama na mukhang ang tindahan lang niya ang nabiyayaan ng kalinisan, pagbabago, at disiplina. Bilin ni mama, huwag daw akong pupunta o bibili kung maraming langaw at maagiw ang tindahan kaya tinunton ko ang suki niya sa palengke. At pagdating ko, kilala pala talaga ng may-ari si mama kaya siya na ang namili ng malalaking bangus at galunggong na kalalapag lang ng mga boy niya matapos maubos. Naghihintay naman ako.

Inilibot ko ang paningin. May nakita akong mga batang naglalako ng mga mansanas, orange, ubas, peras, petchay, at kung ano-ano pang gulay habang nakikipagsabayan sa mga matatandang naglalako. Yung isang nakita ko malamang, mag-ama sila. Hindi sila humihiwalay kasama ang iba pang mag-anak na naglalako rin.

May kumalabit naman sa tagiliran ko. Paglingon ko, nakita ko ang isang maliit na envelope na hawak ng isang bata. Isa raw siyang Badjao na nagmula pa sa kung saan mang bahagi ng Mindanao. May sinabi siya: "Kyah, pembaryah," pero hindi ko siya pinansin. Nang mawalan siya ng pasensya, minura niya ako sa wikang Iluko at Pampango saka niya ako sinipaan ng putik sa paa hanggang sa shorts ko saka siya kumaripas ng takbo. Napansin ko kasi noong una pa lang, isa siyang Kapampangan na nagpapanggap lang na isang Badjao.

May humabol sa kanya: isang matandang babae na gulo-gulo ang buhok. Minura-mura niya ang bata sa wikang Iluko, Pampango, Cebuano, Filipino at Ingles. Galit na galit siya habang kinakalampag ang dala nitong mga kinakalawang na lata na nakasabit sa gula-gulanit niyang damit. Magaling siya sa pagsasalita ng Ingles na may American accent saka siya sumigaw, nagdabog, saka tumawa nang malakas. Lumapit siya sa tindahan ng karne at pinaghalo-halo niya ang karne ng baka, baboy at manok bago niya ipinahid ang amoy nito sa magrasa niyang dibdib na walang bra. Sinigawan siya ng tatuang palengkero at yung mga otoridad na rumuronda sa palengke, walang pakialam sa nangyari. Tinawanan lang nila ang nakita nila.

Natulala lang ako sa pagkabigla.

"Boss, makikiraan," sabi ng isang binatang nagtutulak ng bakal na kariton. Hindi ko namalayang nakaharang pala ako sa daanan sa kabila ng maraming tao. Napalingon ako sa kanya at nakita ang halos umapaw na nagyeyelong bangus sa mga timba. Nakita ko rin ang binata na naka-boxer shorts lang at may suot na bota. Mas malinis pa siyang tignan sa akin at ang ganda ng hubog ng katawan niya. Sa sobrang kinis (at hindi mabulbol) ng katawan niya, mukha siyang hindi kargador sa palengke. At guwapo! Doon ako biglang nakaramdam ng insecure at panlilit sa sarili.

Hindi lang siya nag-iisa kundi maging ang ibang mga tindero't kargador sa palengke, kung hindi guwapo, magaganda ang katawan. Yung mga babae naman, magaganda rin lalo na yung mga bata. Karamihan sa mga nakikita ko, halos puro sando lang ang suot at parang deadly weapon ang nilalaman ng mga dibdib at puwet nila na parang sasabog tuwing gagalaw sila. Sa kabila ng sunod-sunod kong pagkadismaya sa lagay ng palengke ng bayan, napalitan ito ng tuwa dahil sa kanilang lahat... dahil sa mga nakikita ko. Hindi ko ito inaasahan. Ang gaganda ng tanawin!

Habang naglalakad papunta sa gulayan, bigla akong natamaan ng nagyeyelong bangus sa mukha. Lumipad ito sa kung saan at paglingon ko, nakita ko ang isang tinderang nag-aapura sa galit. Kaaway niya ang katapat na tindera saka sila nagbatuhan ng mga paninda at tipak ng yelo. Inis na inis ako sa tirada ng mga bibig nila sa tuwing nagsasalita dahil tunog-tsismosa sila. Ginagatungan naman sila ng mga kapwa-palengkera sa wikang Pampango na magsabunutan na lang na mabilis ngang ginawa ng dalawa. Nagpunitan sila ng damit, nagpagulong-gulong sa maputik na daanan, at hindi sila mapigilan ng mga rumespondeng pulis. Nanguna pa sa pustahan ang mga takatak vendor.

Makakalahati ko na ang mga bilihin sa listahang hawak ko. Hinanap ko ang mga nagtitinda ng gulay hanggang sa matunton ko na nga ito sa labas ng palengke. Hindi ako makapaniwala noong una dahil yung kinalalagyan nila ay dating sidewalk at park. Sa dulong bahagi, may mga nag-iinuman habang may bumibirit sa sumasabog na karaoke. Sa pangalawa, may naglalaro ng BINGO habang nagtitinda. Kalaro nila ang ibang mga tindera sa kabilang daan. At sa kabilang dulo naman, marami ngang tinda pero walang tao. Walang tao dahil abala sila sa paglalaro ng baraha sa kabilang lamesa.

"Magsugal na lang po tayo at huwag nang magtinda," sabi ng isang bakla sa wikang Pampango saka humalakhak paglingon niya sa akin. Bumili ako ng dalawang malaking upo sa kanya saka siya bumalik sa pagsusugal. Hindi niya na ako binigyan ng supot. At bago pa ako makalayo, bigla na lang nagwala ang overweight na matandang bungal na bakla sa grupo nila. Nadedehado na raw siya sa laro nila at ubos na ang kanyang pangtaya kaya buong puwersa niyang hinagis ang malaking kawayan na lamesa sa kalsada nang tawanan siya, na tumama naman sa dumaang tricycle at nasira ang salamin nito saka sila nagsapakan. Kitang-kita ko, kawawa ang tricycle driver na halos mabalian ng buto dahil sa galit na bakla. "Gay power!" sigaw pa ng mga kalaro niyang bakla.

Saglit na nawala ang sumasabog na karaoke nang sugurin sila ng mga pulis sa kabilang kanto. Ang sabi, nagbebenta raw sila ng mga latak na shabu sa palengke saka nagkaroon ng batuhan at paluan ng mga batuta. Takot na takot ako noon, hindi dahil sa unang pagkakataon na makasaksi ako ng matinding rambol kundi, nabulabog ang mga malalaking daga sa ilalim ng mga panindang gulay dahil sa nadurog na bato at literal na nagliparan ang grupo ng mga ipis nang tumaob ang isang malaking pasimano. Parang nagkaroon pa nga ng demolisyon at nakalmot pa ako ng isang daga sa paa kaya napatakbo ako sa tindahan ng mga piniratang record sa sobrang takot. Nabigla naman sa pagdating ko ang may-ari na Muslim.

Nag-sorry naman ako nang mabunggo ko sa shop na iyon ang isang dalaga na nagtatago rin saka niya ako sinampal sa balikat. Paglingon, nakita ko si J. Mag-isa ring namamalengke. Pinahupa muna namin ang gulo bago kami lumabas.

"Nasaktan ka ba?" tanong niya sa akin na dapat ako ang magtatanong pero sinabi kong hindi maganda ang naging karanasan ko sa pamamalengke. Takot na takot ako, sabi ko, saka niya ako dinala sa fastfood ng payaso at nilibre ng sundae. At dahil isa lang naman ang bitbit niya, tinulungan niya akong bitbitin ang iba kong pinamili. Hiyang-hiya ako.

"Ako dapat ang manlilibre," sabi ko. Alam pa rin talaga ni J hanggang ngayon kung ano ang paborito ko. Ito lagi ang hinahanap namin sa tuwing magkikita kami lalo na noong high school para magkumustahan tulad ng ginagawa namin ngayon.

"Totoo, hindi kita agad nakilala kasi ang ganda mo na."

"Nambola ka pa," sagot niya saka siya natawa.

Nagkaroon kami ng mahabang kumustahan at kuwentuhan hanggang sumapit na noon ang tanghali nang maisipan naming umuwi na dahil hinihintay na ako sa bahay. Hindi ko na rin pala namalayang nabili ko na pala ang lahat ng mga nasa listahan. Bago kami lumabas sa fastfood na iyon, binilihan niya ako ng coke float saka bumulong ng "Sana, ikaw na lang" saka ako ngumiti nang sinundo na siya ng asawa niya.

"Ako na lang?" sabi ko sa sarili saka naguluhan. Hindi ko alam kung para saan iyon.

Paglabas ko, sinalubong ako ng isang pulubi. Kinawkaw niya ang hawak kong coke float saka sinabing "Kuya, akin na lang 'yan" habang sinisipsip niya ang marumi niyang daliring sumawsaw sa coke float ko. Nabigla ako at natulala. Napangiti na lamang ako sa sobrang bwisit. Ibinuhos ko sa basurahan ang coke float ko saka ko ibinigay sa kanya ang plastik cup.
Share:

0 comments:

Post a Comment

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Thank you! ^_^