Pangit Ako

May mga pagkakataong sumasama ang loob ko dahil sa isang bagay na ayoko na sanang sabihin pa rito (dahil nga, nakakahiya) pero dahil masakit, eh, sasabihin ko pa rin.

Atin-atin na lang 'to, ha: sabi kasi ng isa sa mga kabit ng tatay ko, pangit ako.

Kung titignan, medyo totoo (o totoo talaga!). Sabihin na nating pangit talaga ako kasi...diba, iyon ang nakikita ng kabit ng tatay ko sa akin at sumasama ang loob ko dahil totoo. Pero bakit kailangan niya pang ipangalandakan sa pagmumukha ko? Ano ba ang gusto niyang mangyari sa akin? At anong problema niya sa akin?

Sa buong buhay ko, wala pa akong narinig na gusto ako ng ibang tao o may mga nagkakagusto sa akin. Siguro, iyon na lang ang basehan ko kung bakit walang nagkakagusto sa akin dahil--kasi nga, sabi nga niya--pangit talaga ako.

Ako. Pangit. Pangit ako. Hindi pinapansin. Iniiwan. Iniiwasan. Kinakalimutan.

Noong maliit pa ako, lagi akong hindi pinapansin ng iba. Ayaw sa akin ng mga kalaro at kaklase ko at kahit minsan, hindi ko narinig sa kanila na gusto nila ako. Wala, kahit minsan.

"Pangit ka kasi!" sabi pa nila.

Tumatak talaga iyon sa isip ko. Ang sakit. Alam ko at natatandaan ko pa naman na malakas ang kumpyansa ko noon sa sarili, yung tipong masaya ako na humaharap sa ibang tao pero nang may nagsabi nito sa akin, nawala na.

Saka lang ako nagkaroon ng malay sa sarili kong hitsura noong pagtungtong ko ng elementary. Doon ko na napansin ang ganda ng hitsura ng mga kaklase ko na halatang wala ako.

Tapos, nakita ko na lang noon ang sarili ko na inggit na inggit ako sa isang kaklaseng lalake. Grade 2 na ako noon. Guwapong-guwapo talaga ako sa kanya noon dahil namumukod-tangi siya sa aming mga magkakaklase. Maraming nagkaka-crush sa kanya na babae (at bakla) tapos lagi siyang pansinin ng mga taong nasa paligid niya.

Samantalang ako, nasa isang tabi lang. Hindi pinapansin dahil pangit ako.

Sa kabilang banda, laging sinasabi ng iba na kamukha ko raw ang tatay ko. Mamamangha sila at sasabihing ang guwapo raw ng tatay ko. Kamukha ko raw...pero anong nangyari sa bunga?

"Mga walanghiya!" sigaw ko sa sarili pero masakit pa rin, syempre.

Tapos heto na nga ang isa sa mga kabit ng tatay ko. Kumukuda siya na pangit daw ko. Hindi ko alam kung saan siya humugot ng lakas ng loob at tigas ng mukha para sabihin iyon sa akin.

Pero, nagtataka lang ako dahil kung napapangitan siya sa akin at kung ayaw niya sa mga pangit, bakit ayaw niya pang bitiwan ang tatay kong--well, sabi ng nakararami--"kamukha ko" na pangit din para sa paningin niya? Ano bang habol niya, pera o katawan? Isa pa, di hamak naman na mas maganda naman ako kaysa sa tatay ko?! Luh!

Comments