Thursday, December 31, 2015

45

Kasalukuyan akong nakaupo sa isang sulok sa isang sikat na fastfood chain nang may dumating na isang babae.

Hindi ko siya kilala pero binati ko siya ng 'Hi!' formally and gently. Halatang ako ang kanyang pakay sa paglapit niyang iyon.

"Hi mo mukha mo!" bulyaw niya sa akin saka niya isinaboy sa mukha ko ang kahahaing hot coffee sa mukha ko.

Natahimik ang mga customer sa paghiyaw ko sa hapdi ng init ng kape gayon din ang pagdating ng asawa ko pagkatapos niyang mag-CR na inaasahan kong magtatanggol sa akin laban sa babaeng lumapastangan sa akin habang nasa publiko.

"HOW DARE YOU???!!!" bulyaw ko sa babae. "Nakita mo ang ginawa ng bruhang iyan?!" lumapit ako sa asawa kong nananahimik.

"So, there you are, honey," sabi ng babae.

Napatingin ako sa asawa ko, " 'Honey?' T-teka nga muna. Anong ibig sabihin nito?!"

"Love, let me explain. I'm sorry. Number two ka lang, at siya ang tunay kong asawa..."

Putaragis. Hindi ko 'to inaasahan.

Para akong sinampal saka iminudmod sa putikan.

I felt like a big mess.

Hindi ako nagdalawang-isip na paliguan sila ng bala ng 45 caliber automatic.

Napangiti ako at lumabas sa fasfood chain na lapnos ang mukha sa hot coffee habang hatak ko ang tingin ng lahat.

At sa mga sandaling iyon, napabulong ako sa sarili ng 'tagumpay!'

Iyon na ang kanyang katapusan sa kanyang mga kalokohan.

Wednesday, December 30, 2015

Bingo 22

"Sa letra ng 'B,' dalawang madreng nakaluhod!"

Sabog ng tawanan para sa mga malilibog ang pag-iisip.

Muling nangibabaw ang ingay ng mga naglalarong hindi naintindihan ang paglabas ng bola pagkatapos alugin. Puro 'Ano daw?' ang karaniwang maririnig habang nakaypo ang lahat sa kani-kaniang mga lungga: sa banketo, sa sahig na nilatagan ng karton, o di kaya naman e nakadungaw sa sinirang pader ng barung-barong ng isang bahay dito sa iskwater.

Maingay, mainit ang tanghaling tapat, tagatak na pawis, amoy pawis, sigarilyo, droga, alak, at putok. Dagdag pa rito ang mga nag-iinuman. May alak, pulutan, kuwentuhan, halakhakan, sigawan, mga munting away, at paulit-ulit na alog ng kahon ng Bingo. Dagdag pa rito ang pagpundi ng mumunting ilaw na nagpadilim sa mumunting silid.

"Tangina mo!" sabi sa akin ng isang katabing lalake.

Nabigla ako, "T-teka, anong nagawa ko?!"

"P'pre, BINGO ka na!" sagot niya saka siya sumigaw. "Hoy tanga! May BINGO na dito!!! Ulul!"

Natulala ako habang napatigin naman sa akin ang lahat. Dalawang numero na pala ang nagdaan bago ko napagtantong BINGO na pala ang card ko. Siya na, yung lalake, ang lumapit sa taga-alog para sabihing nanalo ako at tinipon ang lahat ng taya.

"Suwerte mo! Heto ang ten tawsan mo!" sabi ng lalake saka humalakhak sa tuwa.

Muli akong natulala pagkakita sa plastik bag na puno ng puro lukot na tig-isang daang piso. Natuwa ako.

"Happy birthday na rin. Vente y dos ka na!" dugtong pa nito.

Napatingin ako sa kanya na may ngiti, "Maraming salamat!"

Friday, December 25, 2015

Maligaya Kami ng Past Ko

Hello mga kapwa-kamukha! Maligayang pasko po sa ating mga pagmumukha lalo na ang ating mga kapwa ka-bebe! I-push natin iyan! Hahaha!!!

- - - - -

December 24.

Gusto ko na siyang kalimutan. Gusto ko na ring kalimutan na nagkita kami noong unang simbang gabi noong nakaraang taon kasama ng bago niya. Ayoko na. Ayoko!

"Hey!"

... pero nagkamali ako...

Nabigla ako matapos tapikin ang kaliwa kong balikat paglabas ko ng simbahan. Katatapos lang noon ng misa bago sumapit ang pasko. Nakita ko si ex, nakangiti sa akin.

Buwisit... na nakakatuwa.

"Hi! Kumusta?"

Pilit na bumalik sa akin ang lahat ng aming nakaraan. Napakasaya, pero wala na ang mga iyon ngayon.

"Sinong kasama mo?" tanong niya.

"Ako lang," sagot ko.

"Ako din eh," dugtong niya.

Magalang na tawanan. Pero kung pipikit ang lahat ng tao sa buong mundo e magagawa naming magyakapan sa loob ng tatlong segundo saka babalik sa dati sakaling tapos na ang lahat. Oo, aaminin ko, na kahit ex ko na siya e mahal ko pa rin siya. I really miss her na kasi eh.

"Bakit, hindi mo kasama yung jowa mo?" tanong ko.

"Hindi siya Katoliko diba? E ikaw, same question?"

"Ayaw sumama sa akin ng syota ko."

Hindi ba't parang napaka-awkward na magtanong ng mga kasalukuyang kasintahan? Ex ko na siya e, at ex na rin niya ako. Sabagay, nag-uusap lang naman kami. Walang masama kasi may pinagsamahan naman kami.

"Bigla kitang na-miss..."

Katahimikan.

"Ako rin naman eh," sabi ko. "Hanggang ngayon."

"Teka, alas dose na ng hatinggabi. M-merry Christmas!" pagputol niya. Bahagya kong nakita ang pagkislap ng mata niya sa namuo't naggilid na luha. Agad kong inalok ang panyo ko na walang imik. Ginamit niya, saka ibinalik sa akin pero tinanggi ko.

"Bakit?"

"Gusto ko nang ibalik sa iyo," kako. "Gusto na kitang kalimutan. Nahihirapan ako eh."

"Ako rin."

Magkasama kaming naglakad. Dahan-dahan. Hindi namin alam kung saan kami pupunta at habang nasa gayon kaming lagay ay hindi ko maintindihan kung bakit pa kami magkasama ng mga oras na iyon.

Nakita ko sa kanyang mga kamay ang pagsara nito. Alam ko ang ibig sabihin noon: giniginaw siya.

Hinawakan ko ang kamay niya. Hindi siya bumitaw. Nadama ko ang lamig ng kanyang kamay gayon din ang init ng sa akin. Patuloy kaming naglakad hanggang sa makarating kami sa tunutuluyan nitong condo. Ang condo na ipinundar at ipinagkaloob ko sa kanya bago kami naghiwalay.

"Magkape ka muna," alok niya na tinanggap ko.

Tumuloy kami sa loob ng condo niya. Ganoon pa rin ang ayos ng lahat. Ang nag-iba nga lang e ang nakasabit na litrato ng jowa niya ngayon. Tanda ko, litrato namin ang nakalagay doon na siyang winasak ko bago kami naghiwalay. At dahil yari sa babasagin, nasugat ako at nagpeklat ito sa aking kamay na hindi ko na ipinaalam pa sa kanya.

Oo, medyo nakakaselos... ng kaunti lang naman!

Nagpatugtog siya ng musika sa home made radio station nito na iniregalo ko sa kanya. Doon muling tumugtog ang lahat ng musikang nagsilbi naming tanda at alaala. Doon niya ako iniwan saka nag-shower.

Dumaan pa ang ilang minuto bago ako nagpaalam nang lumabas siya sa kanyang kuwarto na naka-sando at short. She's so beautiful! Na-miss ko ang ganda niyang iyon pero kailangan ko nang umalis dahil medyo lumalamig na talaga ang gabi.

"Salamat!" sabi niya sa pagpuri ko. "Malamang, ganito din ang syota mo."

"Iba ka sa kanya."

"Dahil mahal mo pa rin ako?"

"Paano kung sabihin kong 'oo'... hanggang ngayon?"

At ayun, wala na. Mabilis ang mga pangyayari na hindi ko nalamayan. Masyado kaming sabik. Nagsalubong ang aming mga labi hanggang mapadpad kami sa dati kong kama. Pareho kaming biglang nag-init. Ang paborito kong kama noon na walang gustong ibang katabi kundi siya lang. Lagi itong maayos pero gumugulo ito sa tuwing kami ay nag-iinit at nag-uugnayan. Oo, malamig ng mga panahong ito pero maaari ba akong magpainit ng katawan kahit saglit lang? Wala namang hahadlang eh.

Akala ko, malungkot ako sa araw ng pasko pero nagkamali ako. Oo, muli akong lumigaya, pati ang past ko. Sana, ganito din sa susunod na taon. Maligayang pasko!

Thursday, December 24, 2015

Nightmare Before Christmas

Gabi.

"Namamasko po!"

Lumapit ang batang lalake sa isang bahay na pinalamutian ng iba't ibang kulay ng ilawan at parol. Lubos na namangha ang gusgusing paslit habang hawak nito ang isang lipon ng pinatag na tansan.

Walang sumagot.

Sa halip na tao, kahol ng galit na aso ang narinig nito na siyang nagpasindak sa bata, kasabay pa nito ang paglitaw ng isang matandang lalake na biglang dumungaw sa bintana mula sa ikalawang palapag ng bahay. Nakatigin ito sa bata, nanlilisik.

Kumanta ang bata ng 'Ang Pasko ay Sumapit' subalit huminto ito nang sumigaw ang matanda ng 'Patawad!!!' kasabay ng pagsara nito ng bintana.

Huminto ang pagkahol ng aso.

Katahimikan.

"Patawad nga sabi eh!" muling lumabas ang matandang lalake sa gate. "Lumayas ka na, layas!!!"

"Maligayang pasko po! Kahit piso lang po."

"At kahit beinchingkong bulok, wala akong maibibigay sa iyo!"

Nanatili lang ang bata.

"Ayaw mo talagang umalis ha. Sige, ipapahabol kita sa aso ko!"

At walanganu-ano'y humaripas ng takbo ang bata matapos makita ang isang malaking Doberman. Pinakawalan ito ng matanda saka ipinahabol ang bata. Sa kasamaang palad, nahabol ito ng galit na aso at pinagsawaang kagatin ang iba't ibang parte ng katawan ng bata nang ma-corner ito sa isang madilim na kanto.

Tumilapon ang lipon ng pinatag na tansan ng bata sa malayo habang balot ito ng masaganang dugo. Dinampot ito ng isa pang bata habang pinapanood nito ang paglapa ng aso sa kalunos-lunos na batang biktima.

"Kuya, hinahanap ka na ni mama..."

- - - - -

Nagkasunduan ang mga magulang ng biktima at ang amo ng aso sa pulisya. Agad ipinagamot ng amo ng aso ang bata sa isang mamahaling ospital at umabot ito ng limang araw bago sumapit ang araw ng pasko. At nang sumapit ang bisperas ng pasko, ubos ang pera ng amo ng aso na siyang nagbalikat sa lahat ng gastos sa ospital, nadamay pati ang pera para sa noche buena.

Tumunog ang malaking dambana ng lumang simbahan nang sumapit na ang hatinggabi, senyales ito na pasko na. Doon naisipan ng amo ng aso na matulog na lang habang naririnig ang mga pagbati at himig ng pasko sa mga kapit-bahay.

Sayang ang lahat. Hindi na sana niya ipinahabol sa kanyang aso ang bata. Sayang...

Friday, December 18, 2015

Misa De Gallo

December 16.

Nagising ako sa mga himig pampasko na tinutugtog ng mga sundalo gamit ang kanilang intrumento sa tuwing may mga magmamartsa. Nakasakay sila sa isang malaking truck habang dahan-dahan silang dumadaan sa mga bahay upang mambulabog ng mga natutulog na gustong magsimba ng madaling araw.

Bumangon ako. Nakiramdam. Malakas ang ulan pero nag-ayos ako ng sarili para tumuloy.

Nairaos ko naman ang walking distance ng bahay papuntang simbahan. Mabuti na lang at wala ring magulo di tulad noong nakaraang taon.

Medyo malaki ang pinagbago ng pagdalo ko ng simbang gabi. Ayaw ko talagang magsimba nang mag-isa. Lagi ko siyang kasama noon pero wala na siya ngayon. Wala na kami ngayon, technically, as in wala. O sige, hiwalay na. Hiwalay! (kuntento ka na?!)

Hindi ako sanay na wala siya pero ako ang kumalas. Hindi ko akalaing magagawa ko ang bagay na iyon sa kanya kahit lubos-lubos ang pagmamahal ko sa kanya.

Ito ang natutunan ko sa pag-ibig: kahit lubos ang pagmamahal mo sa isang tao e hindi lagi puso ang ipinapairal kapag dumating ang isang unos sa pag-ibig, lalo na kung ang pagkatao ng lubos na nagmamahal e siyang natatapakan at tinitira nito.

Nakakasama ng loob na masakit. Oo, hindi ko matanggap.

Nagkasalubong kami sa labas ng hindi sinasadya. Alam ko, gusto niya akong kausapin pero ako na ang umiwas nang makita ko ang pagdating ng kanyang kasalukuyan.

Masakit ulit. Nasasaktan ako... lalo na nang makita ko ang limang buwan niyang dinadala...

Mabuti na lang, matalino ang Panginoon. Hindi niya ako ipinagkalooban ng isang taong lolokohin ako. Salamat ng lubos sa Kanya...

Tuesday, December 8, 2015

Makisig

Nakaupo ako sa harapan ng lamesa sa aking silid habang pinagmamasdan ang napakagandang tanawin mula sa bintana. Tanaw mula sa aking kinauupuan ang ganda ng bulubundukin, magandang lawa, mga luntiang puno't halamang namumulaklak, at ang maaliwalas na panahon. Napakaganda ng lahat. Napakapayapa.

"Magandang umaga po, senyorito!"

"Magandang umaga rin!" pagbati ko.

Maliban dito, nasa likuran ko ang aking mga masusugid na taga-bantay at alalay na bumati sa akin. Tahimik silang nakabantay sa akin at wala ni isa sa kanila ang nag-uusap.

"Mukhang mayroon kayong iniisip, senyorito."

"Ganoon na nga," aking tugon.

Kahit maganda at payapa ang buong tanawin ay hindi matahimik ang aking isip sa isang bagay. At dahil gulong-gulo na ang aking isip tungkol dito, basta na lang akong napayuko ng bahagya at nagbuntong hininga. Alam kong napansin nila akong ganito.

"Ano po ba ang gumugulo sa inyong isip, senyorito?" tanong ng isang tagabantay.

Muli akong napabuntong hininga. "Masyado na yata akong makisig..."

Nagulantang silang lahat at nataranta sa narinig mula sa akin.

Saturday, December 5, 2015

Tanyag

"Hindi ka maaaring sumama sa akin. Delikado sa tanghalan para sa iyo."

Katahimikan.

Nakita niya ang pagyuko ng anak niyang lalake na kalauna'y nakangiti. Namataan naman ng ama ang tumulong luha mula sa pisngi ng anak.

"Babalik ako pagkatapos kong magtanghal."

Nagsuot ang ama ng isang itim na sumbrero at binitbit ang malaking kahon. Nasa kanyang kaliwa naman ang hawak nitong baston saka namaalam sa anak, "Ala seis na ng gabi, matulog ka na pagkatapos mong kumain."

Iniwan ng ama ang kanyang anak matapos lumabas sa isang silid pagkasara ng pinto.

"Papa, yung panyo mo..."

Katahimikan.

Naiwan ang anak sa isang silid kung saan kasama nito ang dalawang kuwagong nasa hawla at limang pares ng love birds. Hawak niya ng mga sandaling iyon ang panyo ng kanyang ama at sampung pisong salapi na sa kanya ibinigay upang ipambili ng hapunan at iba pa. Masuwerte nga siya dahil sa kanilang lugar, siya lamang ang kaisa-isang bata na nakakahawak ng ganito kalaking halaga na bigay ng kanyang amang mahikero.

Malapit nang magdilim. Pero para sa kanya, hangga't mayroon pang liwanag ng araw sa kanluran ay maaga pa upang lumabas ito at magmuni-muni.

Isang tanyag na mahikero ang kanyang ama sa kanilang bayan. Nakilala ang kanyang ama sa mga pambihira, delikado, nakakatakot, subalit nakamamanghang pagtatanghal na siyang nagbigay rito ng iba't ibang pagkilala at parangal ng mga masugid na manonood. At dahil sa katanyagan, lumago ang mga tagatangkilik nito na nagmumula pa sa iba't ibang bayan. Ang mga ito ang siyang ipinagmamalaki ng batang ito sa kanyang mga kaibigang nakasaksi na sa pagtatanghal ng kanyang ama. Subalit, kahit isang pagtatanghal ng kanyang ama ay wala pa siyang nasasaksihan kahit isa... kahit kailan... hanggang ngayon.

Gusto niyang masaksihan ang pagtatanghal ng kanyang ama dahil ito na ang huli nitong palabas. Buo na kasi ang desisyon ng kanyang ama na magreretiro na ito bilang isang mahikero at lilipad na patungong ibang bayan upang bumuo ng panibagong negosyo.

Sinalubong siya ng mainit na pagbati ng mga kapit-bahay paglabas nito sa inuupahang tirahan sa isang malaki at lumang gusali. Ang lahat ay nakangiti maliban sa kanya na nagpalakad-lakad lamang hanggang makarating sa isang bench ng parke. Nasa likuran nito ang isang malilim na puno habang nasa kaliwa nito ang isang tungkod ng ilawang kuryente.

Lumalamig na ang gabi nang naisipan ng bata ang maglakad sa mga kalye ng bayan. At nang magutom, bumili ito ng isang mangkok ng lugaw sa halagang piso at isang mangkok na mainit na sopas sa halagang piso upang mapawi ang gutom at lamig ng gabi.

At pagkatapos kumain, nakita niya sa katabing lugawan ang tindahan ng mga laruan. Nakita nito sa harapan ang isang maganda at makulay na maskara na siyang gusto nitong ipabili sa kanyang ama. At sa halagang piso, nabili nito ang maskara at muling naglakad ng masaya patungo sa kung saan habang suot ito.

Sa hindi sinasadyang pagkakataon ay namataan nito ang larawan ng kanyang ama sa isang teyatro. Naisip niyang ito na ang pagkakataon upang mapanood ng bata ang pagtatanghal ng kanyang ama kaya dali-dali itong pumasok upang bumili ng ticket subalit nadismaya ang bata nang sabihing sampung piso ang halaga ng ticket.

Pitong piso na lang ang kanyang pera. Sayang!

Tinanggal nito ang suot na maskara at walang anu-ano'y nakilala ito ng kahera bilang anak ng tanyag na mahikero ng kanilang bayan. Aba, masuwerte siya! Masuwerte siya dahil pinapasok ang bata sa teyatro na walang bayad!

Muli nitong isinuot ang maskara at nang matapos dumaan sa madilim na silid ay sumalubong sa kanya ang matitinding sigawan ng mga manonood, gayon din ang kanilang mga masigabong palakpakan. Isa itong sigawan ng mga manonood na marahil sa takot, mangha, at tuwa.

Dali-dali siyang nagtungo sa harap upang masaksihan nang malapitan ang pagtatanghal ng ama. Siya ay manghang-mangha at mabuti na lang ay nakabili ito ng laruang maskara ng sa gayon ay hindi siya napapansin ng ama.

"Nangangailangan ako ng isang bata," deklara ng mahikero sa ibabaw ng entablado. Nakatutok sa kanya ang tutok-ilawan nang tumuro ito sa isang batang naka-maskara.

"Halika, bata. Huwag kang matakot, isa akong propesyunal."

Lumapit ang bata sa mahikero at bago ito isinilid sa loob ng malaking kahon sa entablado ay nagawa pa nitong yakapin ang ama ng mahigpit. At pagkaraang maisara, dinampot ng mahikero ang kanyang baston na isa palang samurai na mataas ang kalidad.

Walang anu-ano'y agad nitong itinusok sa gitna ng kahon na siyang nagpasigaw ng mga manonood. Ginawa niya ang katulad sa kaliwa at sa kanang bahagi ng kahon hanggang sa magdeklara ang mahikero ng 'tapos na!'

Natahimik ang mga manonood.

"Sa maniwala kayo o hindi, ang batang ito ay buhay at nasa mabuting kalagayan. Maaari bang pumarito sa entablado ang kanyang mga magulang?"

Isa itong magandang pagkakataon upang malapitan ng magulang ng bata ang isang tanyag na mahikero subalit wala ni isa ang tumayo o lumapit. Sa halip ay ipinabukas ito ng mahikero sa kanyang alalay.

Nagbilang ito ng hanggang tatlo saka bumukas ang kahon. Nakita ng lahat ang dahan-dahang paglabas ng bata hanggang huminto ito sa gitna ng entablado at bumagsak. Lahat ay nagtaka sa nangyari dahil hindi gumagalaw ang bata.

"Maaari ka nang bumalik sa iyong upuan, bata."

Walang sumagot pero nakita nito ang unti-unting pagdaloy ng dugo ng bata sa sahig. Dito na siya kinabahan lalo na nang makita nito ang panyo ng mahikero sa bulsa ng bata.

Lumantad sa kanyang paningin ang ang mukha ng kanyang anak nang tanggalin nito ang laruang maskara. Napasigaw ito ng 'Anak ko!' at humagulgol ito ng iyak.

Nagsitayuan ang mga manonood at pinalakpakan ang mahikerong humahagulgol habang hawak nito ang patay na katawan ng kanyang anak. Doon nagsara ang malaki at pulang kurtina, at doon natapos ang tanghalan.

Sa kanyang pagtatanghal ay aksidente nitong napaslang ang sarili niyang anak.

Thursday, December 3, 2015

Final Set

Nakita ko silang nagtatakbuhan patungo sa kung saan. Masayang-masaya sila na parang noon lang sila nakatikim ng kasiyahan. Isang saya na parang walang kapantay na siyang nagpa-intriga sa akin kaya sinundan ko sila.

Tanaw ko sa unahan ng mga tumatakbo ang apat na lalake. Mayroon silang mga hawak na pantugtog na karaniwang ginagamit sa mga banda. May nakapagsabing sila ay isang sikat na rock band na may libre at kakaibang concert para sa lahat.

Natuwa ako dahil hilig ko ang rock music! Pero sino sila? Walang nakapagsabi.

Masayang-masaya akong sumama sa kanila. Pinilit kong magtungo sa harap para masaya. Walang ibang maririnig sa lahat kundi mga matitinding hiyawan ng mga tagahanga. Mayroon silang hawak na mga pailaw na pilit iwinawagayway sa ere pagkatunog ng unang tunog ng gitara.

Unti-unting nagdilim ang paligid. At sa biglaang pagkakataon ay nagliyab ng liwanag ang buong entablado kung saan naroon na ang apat na miyembro ng isang banda.

Napangiti ako, at napahiyaw sa saya pagkakita nito.

Kumanta ng pagkaganda-ganda ang kanilang bokalista. Sumabay na rin ang mga tagahanga. At nang marating ng liriko ng kanta ang koro nito ay nag-angatan ang lahat ng mga manonood kasunod ang apat na banda.

Masdan mo ang aking mata,
'Di mo ba nakikita?
Ako ngayo'y lumilipad at nasa langit na,
Gusto mo bang sumama?

Walang anu-ano'y nagliparan ang lahat mula sa lupa hanggang sa langit habang sila ay tumutugtog dala ang mga gamit pang-musika. Ang ingay ng mga hiyawan noong una ay mas dumoble ngayon, at isa na ako sa kanila.

Pataas kami nang pataas. Lumilipad na walang pakpak. Naabot namin ang mga nagkakapalang ulap habang humahampas ang malamig na hangin. Napakaganda ng tanawin sa itaas ng himpapawid habang nakikita naming lahat ang tanawin sa ibaba. Nalagpasan namin ang mga nagtataasang bahay at puno, gusali at bundok, hanggang makarating sa pinakatuktok ng himpapawid ng buong mundo. Napakasaya! Nagko-concert habang lumilipad? Astig 'to!

Masayang-masaya ako dahil pangarap ko talagang makalipad simula noong bata pa ako. Ang pangarap kong lumipad ng ubod ng taas ay natupad sa panonood ng bandang ito. Sandali pa akong napaluha sa sobrang saya. Saya, na noon ko lang unang naranasan.

Kalimutan lang muna,
Ang lahat ng problema.
Huminga ka nang malalim at tayo'y lalarga na,
Handa ka na bang gumala?

Umikot-ikot kaming lahat sa ere habang lumilipad. Bahagya pa nga akong natakot kasi nakakalula na ang taas ng aming kinalalagyan. Natatakot ako dahil baka malaglagkami ano mang oras pero ayos lang daw ito. Hindi kami mamamatay sa ganito.

Tanaw na namin ang dulo ng himpapawid ng mundo hanggang marating namin ang kalawakan na ubod ng ganda. Tanaw namin mula roon ang napakagandang tanawin ng buong mundo. Kahanga-hanga ang lahat. Naisip ko, parang nananaginip ako pero totoo ang lahat, lalo na ang nagkikislapang bituin sa likod ng mga banda. Nakalimutan ko na ngang nanonood kami ng isang concert sa sobrang pagkamangha.

Masdan mo ang aking mata
'Di mo ba nakikita?
Ako'y lumilipad at nasa alapaap na
Gusto mo bang sumama?

Nakisabay na ang lahat sa pagkanta, gayon din ako. At nang matapos ang buong kanta ay nagkaroon ng meteor shower sa kalawakan. Napakaganda! Iyon ang una kong pagkakataong makasaksi ng isang kakaibang concert kung saan ang lahat ng manonood ay lumilipad kasama ang mga banda. Dagdag na rin ang pagdating ng meteor shower na parang sinadya. Astig talaga! Astig!

Isa sa mga miyembro nito ang bokalista na nagpasalamat sa pagdalo ng kanilang concert. Ito ay iniregalo nila para sa aming mga taga-tangkilik ng kanilang grupo. Masaya pero malungkot nilang ipinahatid sa aming lahat na iyon na ang kanilang final set. Magkakanya-kanya na silang buhay at tatalikuran na ang pagtugtog.

Nakita kong nag-iyakan ang mga manonood sa lungkot, at isa na rin ako doon. Nagsalita na sila sa kanilang huling pamamaalam sa aming mga manonood gayon din sa kanilang grupo.

"Tapos na ang concert! Maaari na kayong bumalik sa inyong mga tahanan!" sigaw ng bokalista.

Walang anu-ano'y nabigla kaming lahat sa biglaang pagbagsak namin sa ere. Nalaglag kami mula sa kalawakan hanggang sa kalangitan ng mundo na puno ng nagkakapalang ulap. Nakakatakot ang biglaang pagbagsak ng lahat, pakiramdam na para kang hawak ng isang malaking kamay na bigla ka na lang bibitawan sa ere saka kami naghiwa-hiwalay. Wala na rin ang apat na miyembro ng banda. Hindi ko na sila nakita at ako ay takot na takot na mag-isang bumababa sa himpapawid. Parang babaligtad ang sikmura ko, nakakasuka!

Nagpaikot-ikot ako sa ere hanggang sa makita ko ang bahay namin sa ibaba. Nakita ko, babagsak ako sa bubong ng sobrang bilis. Mabilis na mabilis na halos hindi ko mapigilan. Sumisigaw ako para humingi ng tulong pero gabi na kaya walang ibang tao ang makakakita sa aking pagbagsak. Kinakabahan na ako at alam kong ilang segundo na lang ang itatagal ng buhay ko.

Nang lumapit na ang babagsakan ko sa ibaba ay napapikit na lamang ako at nagdasal. At nang bumagsak na ako sa bubong ng aming bahay ay kamangha-manghang tumagos ang katawan ko sa kongtretong bubungan saka bumagsak sa malambot kong kama. At ng dahil sa matinding takot kung bakit ako tumagos sa bubong ay dali-dali akong nagbuklat ng mata at natanaw ang magandang pagsikat ng araw sa nakabukas na bintana.

Wow! Panaginip lang pala ang lahat, astig!

- - - - -

P.S. Happy birthday pala kay Kuya!
I love you, bro! Haha!!.,
Be wild! :D Push!

Tuesday, December 1, 2015

Ang Hotdog ni Crush

Hindi na namin kinain ang mga baon naming lunch. Ang sabi kasi ni Bryan, my crush, e birthday niya ngayon. Darating daw ang mommy nito dala ang mga handa ni crush para pag-isahin na rin daw ang lunch at party... kahit isang oras lang.

Dumating ang mommy ni crush matapos ang ilang sandali. Engrande ang party ni crush. Merong malaking cake, spaghetti, salads, at iba pa. Dali-dali itong inihain sa amin at sabay-sabay na kumain. Nakisama na rin pala ang ibang section at mga guro kaya masayang masaya siya.

"Pasensya na kayo ha. Ito lang ang maibibigay ko sa inyo. Ito kasing anak kong si Bryan, gusto kayong kasamang maghappy-happy sa birthday niya dito sa school at hindi sa bahay."

At napakalambing ni mommy! May pinagmanahan si crush.

Nawala sa paningin ko ang mommy ni crush, gayon din si crush. At ilang saglit pa, dumating siya galing sa labas ng classroom dala ang bagong ihaw na hotdogs in stick.

Pinaupo niya kaming lahat at isa-isang binigyan. At pagdating niya sa akin, doon sa may dulo at sulok, e tinawag niya ang pangalan ko.

"Hotdogs. Mainit-init pa, bagong ihaw," alok ni crush.

Nakita ko ang hotdog niyang inaalok sa akin. Napakahaba, napakamataba, at mamula-mula! Sigurado, tender ito... at juicy!

Kinuha ko ang hotdog niya. Pareho kaming napangiti nang pagkatamis-tamis matapos niyang lagyan ito ng makremang cheese.

"Thank you Bryan, happy birthday!"

"Salamat."

Napakasarap pala ng hotdog, lalo na kung galing kay crush!