Friday, April 13, 2018

Nilagang Mais

Namumukhaan ko ang dalagang iyon. Nagtitinda siya ng nilagang mais noong bata pa kami. Dumadayo siya sa barangay namin para maglako at sumisigaw ng 'nilagang mais' na lagi naming binubully ng 'nilagang utot' hanggang mapaiyak namin siya. Sa pagkakaalam ko, naglalako siya noon para ipang-aral niya at tulungan ang mga magulang. Pero ngayon, maganda na siya, de-kotse, at magaling sa Ingles. Dilaw ang pera niya kaya sinuklian ko siya saka siya umalis. Napabuntong-hininga ako at natulala. Natauhan na lang ako nang umiksena ang sutil na bata sa bangketa at ang sabi, "Hoy kuya! Pabili nga ng nilagang utot, este... mais!"

Friday, March 23, 2018

Perdible

Hindi na tayo tulad ng dati. Marami nang nagbago. Matagal na akong nananahimik pero hindi ibig sabihin nito, maayos na tayo sa isa't isa. Tandang-tanda ko pa ang mga panggagago mo noon at heto ka ngayon, naga-add sa akin sa Facebook (who you?). Sana, maging sagot ito sa tanong mo kung bakit ko binura ang friend request mo sa akin. Binura ko dahil una, ayokong makarinig ng walang silbing sumbat mula sa iyo na parang ikaw pa ang nagsalba sa akin sa panahong lubog ako sa hinanakit ng dahil sa iyo. At pangalawa, ayoko na ng gulo. Ayoko nang makipaggaguhan. Nakakapagod. At hangga't maaari, huwag mo na muling ikabit ang sarili mo sa akin na parang isang perdible na muli mong ididikit kung kailan nakikita mong mabuti na ang buhay ko at tatanggaling muli kapag nalaman (o nakita) mong bastos pa rin ako... tulad mo.

Kairita, diba?

Tuesday, March 20, 2018

Genesis 7

Nahuli ko ang isang kapitbahay na nagtapon ng isang libro sa sapa. Tinignan ko siya nang masama. Ito kasi ang mga unang taon na nahihilig na ako sa pagbabasa noon at natuto nang magpahalaga ng mga libro, may silbi man ito o wala. Sabi ko, sayang naman ang mga punong ginawang papel para maging libro tapos itatapon niya lang? Ipinamigay niya na lang sana iyon sa akin!

Kukunin ko na sana ang itinapon niyang libro pero umulan na nang sobrang lakas nang sumapit ang alas dos ng hapon. Hindi tumigil ang ulan sa loob ng pitong oras. Nagbukas ako ng radyo, wala namang naiulat na may paparating na bagyo. Sabi nila, dahil lang daw ito sa habagat.

Kinagabihan, naalarma na ako nang makita ko ang pag-apaw ng tubig sa sapa. Nagpanic kami. Inakyat namin ang lahat ng mga nasa lapag tulad ng refrigerator, TV, at iba pa na hindi maaaring mabasa. Yung mga pusa at guinea pigs, ikinulong namin sa kuwarto ko. Ang mga aso naman ay nanatili sa kani-kanilang higaan na hindi maaabot ng tubig-baha.

Binaha hanggang loob ng bahay namin, pati yung ibang kapitbahay, sa loob ng 40 minutes, flat. Tumigil na rin ang malakas na ulan pagkatapos. Takot na takot ako sa tubig lalo na't may kasama itong putik. May mga isda pang langoy nang langoy pero salamat sa maagap naming pagkilos, nailigtas namin ang mga mahahalagang gamit na hindi maaaring mabasa.

Kinabukasan, maraming halaman ng mga kapitbahay ang napinsala maging ang kanilang mga alagang pultry, sasakyan na lumubog sa baha, at ilang outlet ng kuryente na napasukan ng tubig-baha at hindi nila mabuksan. Yung iba naman, itinangay ng baha ang iba nilang gamit. Salamat sa Diyos at mabuti ang lahat noon sa amin pero sabi ng mga kapitbahay na matagal nang nakatira doon, first time daw itong nangyari kaya hindi nila maiwasang magtaka.

Sinubukan kong balikan ang librong itinapon ng kapitbahay namin sa sapa. Surprisingly, naroon pa ito at sumabit pa sa mga ugat ng Buhok ni Eba. Nang kilatisin ko, doon ko napag-alaman na isa pala itong King James Version na bibliya.

Wala na itong cover (gayundin ang ilang naunang chapter ng Genesis mula 1 to 6) pero kinilabutan ako nang unang bumungad sa akin ang kuwento ng pagbaha ng mundo sa Genesis 7. Iyon din ang araw na gumulo ang buhay ng nagtapon ng bibliya nang matuklasan niyang nabuntis ng mister niyang sundalo ang kabit nitong kaibigan/kumare niya.

Saturday, March 17, 2018

Bato sa Buhangin

Katatapos ko lang magtanim ng mga talbos ng kamote sa likod ng bahay kaninang hapon. Bago iyon, binabasa ko ang Walong Diwata ng Pagkahulog ni Edgar Samar at napatanaw sa likod ng bahay mula sa bintana ng kuwarto ko. Nakita kong bakante ang lupang malapit sa sapa at doon ko naisip na magtanim sa maliit naming gulayan. Ito na rin ang naging paraan ko para magbawas ng matindi kong depresyon.

Malambot pero malaman ang lupa. May halo itong pinong buhangin na puwedeng taniman ng kamoteng kahoy, mani, at singkamas kaya naging madali sa akin ang pagbungkal. Sa halip na barena ni mommy ang gamit ko, kinuha ko ang pinatalim na kahoy ng mahogany para gamitin sa pagbungkal.

Patapos na ako sa pagbungkal ng lupa nang may natisod akong isang malaking bato. Naliligo na ako sa pawis nang tanggalin ko ang tshirt ko at binuhat ang 1 foot na bato saka inilapag sa gilid, sa paanan ng tanim kong mga sunflower. Natawa ako dahil may nakita akong bato sa buhangin at nawirduhan, hindi ko alam kung bakit.

Hinimay ko ang lupa. Tinanggal ko ang ilang bato at hinaluan ito ng itim na lupa mula sa inipon at dinurog na tuyong dahon. Ito ang magsisilbing pataba. Payo sa akin ng magsasakang kapitbahay, kung hindi mo tatanggalin ang anumang bato sa lupa, mahihirapang kumalat doon ang mga ugat. Hindi magiging maganda ang pagkakatubo. Parang sa expressway lang daw, tinanggal nila ang lubak para maganda itong daanan. Ganun.

Maya-maya, itinamin ko na ang mga pinutol na talbos. At habang nasa ganito akong lagay, bigla kong naalala ang kuwento namin ni S. Kababata ko siya. Noong mga bata pa kami, may panahon noon na galit siya sa akin at hindi ko alam ang dahilan. Naaalala ko, mayroon siyang hawak na malaking bato na gusto niyang ihagis sa akin at ayaw niyang makipaglaro sa akin.

Nagpumilit ako dahil niyayaya ako ng ibang kaibigan noon. Patakbo akong sumali sa kanila pero hindi ko namalayang hinahabol niya na pala ako noon. Tinawag niya muna ang pangalan ko noon bago niya ihinagis sa paa ko ang malaking bato. Take note: buhay na bato iyon na pinulot niya sa buhangin. 1 foot din ang sukat, tulad ng nabungkal ko sa lupa kanina lamang.

Iyak ako ng iyak nang magdugo ang paa ko noon. Tumigil ang mga kaibigan ko noon sa paglalaro at napatingin sa amin. Nabigla si S at tumakbo pauwi, siguro dahil natakot, pero hindi ako nagalit sa ginawa niya. Sinuyo ko siya noon kinabukasan hanggang makasundo ko at wala na akong maalala noon kundi parang may gusto na ako sa kanya.

Ewan ko pero iba, eh. Perstaym. Yung tipong gusto ko siyang makita araw-araw, masarap at masaya siyang kasama, kumpleto ako at hindi ramdam ang pagkukulang, at gusto ko siyang yakapin pero hindi ko magawa kasi 'bata' pa kami. Bawal! Wala akong pinagsabihan nito noon kundi ako lang pero nagkakasundo kami at masaya sa paggawa ng isang bagay noon na sa amin na lang dalawa (sikret, wala klu!). Sa paraang iyon ko lang ipinaparating sa kanya na, iyon nga, na gusto ko siya. Sabi ko sa sarili ko noon, heto na 'to. Heto na talaga 'to.

So, the rest is history, ayon sa kasabihan. Heto ako noon na may gusto kay S pero hindi ko maamin sa kanya. Torpe? Huhuhu whatever. Hindi ko na idedetalye kung ano pa ang mga nangyari sa amin noon (kung nagkatuluyan kami or not) pero nagtapos ang lahat na hindi kami magkasama sa huli at doon ko napatunayang walang forever. Ni hindi man lang niya ako kinuha bilang ninong nang mabinyagan ang baby niya noong nakaraang linggo. Buset siya.

Saglit akong umupo muna sa paanan ng ylang-ylang para magpahinga. Doon ko malalaman na wala na ang nararamdaman kong lungkot. Masaya na ako at nakakahinga na nang maluwag, lalo na't umihip pa ang preskong hangin noong hapong iyon habang dala nito ang mabangong amoy ng ylang-ylang. Sarap!

Naghugas ako ng katawan sa malinis na sapa at kumuha na rin ako ng pandilig para sa talbos ng kamote na itinanim ko kanina lamang. Sabi ng ilang matatanda, magandang ipandilig ang tubig ng sapa (o kaya tubig ng ilog) dahil galing ito sa bundok. Mas sariwa daw ito dahil running water ito kumpara sa tubig na galing sa ilalim ng lupa mula sa poso. Sabi nila, mabilis din daw itong magpabunga (tulad ng kamatis, melon at pakwan) at hindi ko malaman kung paano iyon.

Binalikan ko ang itinamin kong mga talbos ng kamote at napatingin sa batong nabungkal ko mula sa buhangin. Ipinapaalala nito ang kuwento namin ni S at tatawa-tawa ako ng hapon na iyon ng mag-isa habang tumutugtog sa isip ko ang kantang Bato sa Buhangin ng Cinderella. Naisip ko, mabuti na lang at hindi nagkapeklat ang paa ko mula sa pagkakasugat niya sa akin. Mabuti na lang talaga.