Tuesday, January 31, 2017

Kabilang Linya

"Papa, mama, alam niyo ba, itong apo ninyo, naku! Hinahangaan na ng buong mundo ang team nila sa Basketball! Isipin niyo, napakagaling nilang humakot ng mga gintong medalya’t tropeo sa world olympics!"

"Panigurado, ipinagmamalaki na sila ng mga Pilipino."

"At ng buong Pilipinas, papa! Pambato natin sila!"

"E ang asawa mo, kumusta na siya?"

"Heto mama. Mapagmahal, maganda, at sexy pa rin tulad mo!"

"Naku talaga nga namang bata ka, nambola ka pa! Nagmana ka talaga sa papa mo!"

"Syempre naman, mama! Idol ko iyan eh!"

"Ahahaha!!! Anak ko 'yan!"

"Oo nga pala, papa, mama, alam kong matutuwa kayo sa ibabalita ko: Isa na po akong AFP-Chief!"

"Grabe ka, anak! We are so proud of you, kami ng papa mo!"

"Tahan na, mama. Masaya ako dahil naabot ko na rin ang matagal ko nang pinapangarap. Ipinapangako ko sa inyo na aalagaan kong mabuti ang asawa't anak ko. Hindi ko sila pababayaan tulad ng pag-aaruga niyo sa akin noon."

"Alam ko, anak. Sana lang, nakikita namin ngayon ng papa mo ang mga tagumpay ninyo ngayon."

"Hayaan niyo na. Magkikita din tayong lahat balang araw."

"Basta anak, lagi kayong magdarasal at magmamahalan ha."

"Syempre naman, papa! Nagmana ako sa iyo, idol kita eh!"

"O siya sige na. Magpahinga ka na. Kalahating araw na tayong nag-uusap. Tumawag ka na lang bukas."

"Sige, papa. Ingat kayo diyan sa kabilang buhay ha. Miss na miss ko na kayo!"

"Kami rin."

Nakangiti ako nang ibinaba ko ang telepono.

"Papa, pahiram ng telepono mo. Tatawag ako kay Sigmund Freud para tanungin kung ano ba talaga ang naiambag niya sa theories of personality. Assignment ko po kasi sa Psychology eh."

"Sige lang. Tatawag pa ako sa opisina pagkatapos mo."