Monday, June 13, 2016

Maliligo Ako sa Ulan

Tanghaling tapat. Tirik ang araw. Mainit. At... maya-maya, napansin kong unti-unting nangitim at kumulimlim ang kumapal na ulap. Pawisan ako mula sa tanghaliang sabaw na niluto ni mama at naginhawaan nang umihip ang malamig na hangin sa labas ng bahay. Saglit akong sumulyap sa labas para alamin kung uulan, saka ko napansing umaambon na pala.

"Magpahinga ka," si mama. "At maligo ka na mamaya, ha," sabi niya sa akin.

Bumuhos ang malakas na...

"Sa ulan?" masaya kong itinanong. "Maliligo ako sa ulan?"

"Hindi," kasabay nito ang malakas na kidlat na sinundan ng dagundong ng kulog at agad niyang nilinaw na hindi daw ako maliligo sa ulan. Galit. "Gusto mong magkasakit?!" dugtong niya.

"Hindi ako magkakasakit. Malakas ako ngayon, diba papa?"

Ganito ang diskarte ko: Kung ayaw ni mama, aba, nariyan si papa na ibinibigay ang lahat ng gusto ko... sa isang salita ko lamang!

"Oo naman. Sige, puwede kang maligo sa ulan," sabi ni papa, tulad ng una kong inaasahan.

"YES!!! Yehey!!!" nagtagumpay ako. Nawala ang talim ng tingin ni mama sa akin. Nakita kong ngumiti naman si papa. Siguro, tulad ni papa, ay payag na rin si mama na maligo ako sa malakas na ulan.

Sa tindi ng kasabikan, agad kong ihinubad ang pang-itaas pero pinigilan ako ni papa. Hintayin ko daw munang lumakas ang ulan kahit para sa akin, malakas na ang ulan.

Sige. Naghintay ako. Napansin ko nga na mas lalong lumalakas ang ulan. Ayos!

Mula sa bintana, nakita ko ang mga kaibigang masayang naliligo sa malakas na ulan. Tinanong ko kay papa kung maaari na akong maligo sa ulan pero hindi pa rin daw puwede. Hintayin ko pa daw itong lumakas.

Naghintay ako. Sa halip na lumakas, napansin kong unti-unti nang humihina ang ulan. Nag-alala nga ako na kung maliligo na ako ay baka hindi na ako matuwa kapag hindi na malakas ang ulan.

Ilang sandali pa ang lumipas, narinig ko ang mga kanta ni Dire Straits sa cassette tape na paborito ni papa. Ito na rin kasi ang oras ng kanyang music trip. At habang nagra-rock n' roll na siya sa sala, doon ko na siya nilapitan at nagtanong kung maaari na ako maligo, hindi ko sinabing sa ulan dahil alam niya na.

Pumayag siya. At doon ko tinanggal ang pang-itaas saka dali-daling lumabas ng bahay.

Pero... nadismaya ako. Umaambon na lang, wala na ang ibang kalarong masayang naliligo kanina sa ulan, at baha na lang sa kalsada ang natira. Pansin kong mayroon na ring araw. At naisip ko, sa baha na lang ako maglulublob.

Maya-maya, natakot ako nang marinig ko ng mga bulyaw ni papa. Bakit daw ako naglulublob sa baha? Napagalitan ako at pinaliguan upang tanggalin ang mga putik sa katawan habang umiiyak sa maya-mayang pagpalo ni mama sa akin.

4 comments:

  1. Hahaha, pasaway na bata! Hinayaan na sa isang bagay pero sumobra naman.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ako kaya iyan noon. Ahahaha!!! Sarreh

      Delete
    2. Hahah, bakit nag-a-apologize? Keri lang yan. Mga pasaway na bata tayo eh.

      Delete

Thank you for reading!
Hope to hear from you. Don't forget to share!
Follow us on FeedBurner
Like Jay's Quirky World on Facebook! Thank you! ^_^