Tungkol sa Magulang Niya

Ulila na siya sa ina. Iyon ang kuwento niya sa akin.

Sa pagkakatanda ko--kung hindi ako nagkakamali--tumawag daw ang mama niya sa kanya noong gabing iyon. Naglalambing. Gusto siyang pauwiin sa Tarlac. Hindi ko na matandaan kung naroon siya sa Baguio o sa La Union noong mga panahong iyon. Masaya siya kasi may bago yata siyang karelasyon, at gustong makilala ng mama niya ang bago nitong boyfriend.

Hindi nagtagal ang usapan nila sa telepono ng mama niya. Ang nabalitaan na lamang niya pagkatapos, inatake raw ang mama niya. Huli siyang nakita sa CR ng bahay nila, wala nang buhay. Hindi niya inaasahan, ganoon lang kabilis. Hindi niya inakalang iyon na ang huling pagkakataon na maririnig niya ang boses ng mama niya.

Nabanggit niya rin sa akin na takot daw siyang gumamit ng CR nila noon. Iniisip niya na baka magpakita raw sa kanya ang multo ng mama niya. "Mama mo naman siya, bakit ka matatakot sa kanya?" biro ng papa niya.

Iyon lang. Iyon lang ang natatandaan ko sa kuwento niya.

Nabanggit niya rin sa akin ang puntod ng mama niya: gusto raw niyang palagyan ng bubong kaya nag-iipon siya ng pagpapagawa.

Dagdag pa niya sa akin, mahirap daw ang walang nanay. Dalawa o tatlong taon na yatang wala ang mama niya at hanggang ngayon, sabi niya sa akin, namimiss niya raw ang mama niya. Sobra.

***

Naikuwento niya sa akin ang tungkol sa mama niya dahil sa nangyari sa kanila ng papa niya. Ang kuwento niya, muntik na raw siyang patayin ng papa niya. Ganito niya ikinuwento sa akin:

Nakapag-ipon daw siya ng tatlumpung libong piso mula sa trabaho niya sa isang BPO company, doon sa Baguio. Binigyan niya raw ang papa niya ng sampung libong piso.

Pag-uwi niya, napansin niya raw na tahimik ang papa niya. Mukha raw yatang balisa. Ipinagkibit-balikat niya ito noong una.

Hanggang dumating nga ang isang araw, kinumusta raw niya ang papa niya at hinanap sa kanya ang ibinigay nitong sampung libong piso. Hindi raw makasagot nang diretso ang papa niya hanggang sa inamin na nga raw nito kung saan napunta ang perang ibinigay niya.

Ang sabi, naubos daw ng papa niya sa sugal ang sampung libong piso--sa loob lamang ng isang gabi--sa isang saklaan.

Nagalit siya at pinagsalitaan niya ang papa niya. Nanumbat siya na halos hindi matanggap ng papa niya kaya nagalit. Hinabol daw siya ng papa niyang may hawak na kutsilyo.

Sa takot, agad siyang tumakbo sa kusina nila. Mabuti na nga lang daw at hindi niya ni-lock ang screen door nito habang naglilinis noong araw na iyon, at agad nakatakbo palabas. Matindi na raw ang pagod niya noong araw na iyon at naliligo pa ng pawis.

Humihingi siya ng saklolo habang putikan na ang mga paa niyang dumaan sa maruruming kanal sa likod-bahay ng mga kapitbahay nila, habol-habol pa rin siya ng papa niyang gusto siyang saksakin.

May sinabi sa kanya ang papa niya, na semilya lang daw siya ng papa niya na kayang-kaya lang din niyang patayin. Ito ang isang bagay na ikinasama ng loob niya sa papa niya. Iyak daw siya nang iyak, takot na takot.

Sabi niya, nabalitaan daw ito ng mga kapatid niya maging yung mga kapatid niyang nasa ibang bansa. Nag-alala sila para sa kanya. Nagkaroon siya ng depresyon dahil sa nangyari at trauma lalo pa't magkasama lang sila sa iisang bubong.

Naroon ang natatakot siya dahil baka paglabas ng kuwarto niya o sa CR, baka naroon na ang papa niya, may hawak na kutsilyo, at gusto siyang patayin.

Sabi niya sa akin, habang umiiyak daw siya, sinabi niya sa mga kaanak niya na sana, si papa na lang daw niya ang nawala. Na sana, si papa na lang daw niya ang namatay at hindi ang mama niya.

Nagtanong ako noon kung bakit wala ang mama niya nang mangyari iyon at kung bakit ganoon na lang siyang magsalita sa mama niya. Ang sabi niya, ulila na siya sa ina. At iyon ang ikinuwento niya sa akin.

Comments