Limot

"Sigurado ka?" tanong ko. "May nangyari sa ating dalawa?"

"Oo, nakalimutan mo na?" mabilis na reply niya. Nagtataka.

"Kailan? Paano?"

"Noong pinasyalan mo ako sa studio last week, solo natin."

Matagal bago ako nakapagreply. Oo, natatandaan ko ngang binisita ko siya sa studio nila pero yung sa tinutukoy niya na may nangyari sa amin? "Wala na akong maalala..."

"Grabe ka!" nabigla siya. "May nangyari sa atin noon tapos hindi mo na maalala? Bilis mo namang makalimot!"

Totoo nga. Wala na akong maalalang may nangyari sa amin.

Hindi siya makapaniwala.

Wala naman akong magagawa roon. Wala nga akong maalala.

"Dapat naaalala mo yun kasi ginawa natin, diba? Ginusto natin. Ano bang nangyayari sa iyo?!"

"Ewan," reply ko. "Siguro dahil busy ako, nakalimutan ko na ang nangyari sa atin. Marami rin kasi akong iniisip."

"Hindi ako naniniwala," kontra niya. "Ang sabihin mo, baka nagmamaang-maangan ka lang na wala kang maalala kasi ayaw mo sa akin, tama?"

"Hindi. Wala akong sinabi. Walang ganoon."

Binasa niya lang ang chat ko pero hindi na nagreply. Sa halip, nag-offline na siya at hindi na nagpaalam pa.

Ganito kasi ako: kapag may nangyari sa atin, ayoko nang balikan. Hindi na dapat pinag-uusapan. Tapos na. Nangyari na at dapat nang kalimutan.

Magpapaliwanag pa sana ako sa kanya pero para saan pa? Wala namang kami.

Hindi na siya nagreply. Hindi ko na siya hinabol.

Hinayaan ko na lang. Nag-off na ako.

Naisip ko, makakalimutan din namin ang isa't isa.

Comments

Post a Comment