Siomai

March 2021
Linggo. Pinasyalan ko si Nelson sa dorm niya sa San Miguel (noong maayos pa kaming dalawa).

Bumili kami ng siomai. Pulutan man lang namin habang magkasama kaming dalawa.

At doon ako nabigla sa kanya: ayaw niya raw ng maanghang!

Tinignan ko siya ng taas-baba. Naisip ko, napakaarte niya! At nang magpantay ang paningin namin, doon ko siya sinabihang "weak!" pero sa isip ko lang iyon. Ayoko siyang magalit sa akin. Ayoko siyang mawala sa akin.

Wala lang. Binanggit ko lang, bakit ba? The end.

March 2008
Vacant time. Hindi ko alam kung bakit wala at saang lupalop naglungga ang mga teacher namin.

Wala kaming magawa kaya nakipagdaldalan ako sa kaklase kong babae. Naroon kami sa canteen, nakikipagkuwentuhan din sa kaibigan naming serbidora.

Sabi ng kaklase kong babae, ililibre niya raw ako ng siomai. Sakto namang hindi ako nakakain ng tanghalian gawa nga ng naipambayad ko ang allowance ko sa walang silbing tiket ng isang walang silbing pelikula.

Bumili siya ng isang order. Nakalagay ito sa maliit na platito. At nang dahil sa pagmamadali niya sa pagkuha ng siomai, nalaglag niya nang hindi sinasadya ang isang siomai doon sa maruming pasamano.

Iyon ang pinakain niya sa akin. Masasayang kung itatapon ko lang daw.

Third year high school ako nang mangyari iyon. Iyon din ang unang pagkakataon na nakatikim ako ng siomai sa buong buhay ko.

***

May pagkain pala na ang tawag ay siomai. Grade 6 pa yata ako noon nang una ko itong marinig.

Ang totoo, wala talaga akong alam sa siomai. Pero, madalas ko lang itong makita sa mga tindahang malapit sa school. Pinipilahan ng mga mamimili at mabilis maubos. Iyon lang.

Third year high school na ako pero hindi ko pa rin alam ang lasa ng siomai. Noong pauwi na ako at nadaanan ang isang tindahan, nalanghap ko ang bango ng siomai. Amoy masarap at gusto kong matikman.

Lagi akong naiintriga sa lasa ng siomai. Iniisip ko kung ano ang magiging lasa nito kapag isinawsaw na sa toyong may chili oil at pinigaan ng kalamansi, dagdag pa ang dinurog na pritong bawang na ibinudbod sa ibabaw ng siomai, at kakainin habang mainit-init pa. Iyon kasi ang laging binabanggit ng iba, na masarap nga ito at dapat ko ring matikman.

50 pesos lang ang baon ko tuwing papasok. 14 pesos ang pamasahe papasok-pauwi (7 pesos ang isang byahe ng jeepney). 30 pesos naman ang para sa pagkain ko. Ang natira, hindi sapat para ipambili ng sampung pisong siomai sa canteen.

Hanggang sa nilibre na nga ako ng kaklase kong babae. Nalaman ko rin--sa wakas--ang lasa ng siomai, pero marumi nga lang.

Tandang-tanda ko ang mga nangyari, pero hindi na ang lasa ng mismong siomai.

Anyway, hindi naman ako namatay.

March 2023
Gusto kong manghablot ng kahit isang kakilala lang, para lang makasama ko sa food trip. Matagal-tagal na rin kasi nang huli kong malasahan ang masarap na siomai. At naisip kong mas masaya sana kung may kasama ako para kahit papaano e mayroon akong kakuwentuhan pero, wala.

Nagpunta pa rin ako nang ako lang. Tutal, nasanay na rin naman akong laging mag-isa.

Siomai

Masarap ang timpla ng siomai kung saan ako laging bumibili. Pinipilahan ito ng maraming tao lalo na tuwing rush hour. At para mang-inggit ng ilang mga kakilala, nag-post ako ng isang litrato at may ilang mga natakam.

At habang nagsosolo, binalikan ko ang unang beses na natikman ko ang siomai noong high school. Maya-maya, napagtanto ko ang isang magandang tanong: Alam mo ba kung ano ang nakakatuwa?

Noon: nakikinood lang ako sa ibang tao na kumakain ng siomai.
Ngayon: nakakabili na ako ng siomai at hindi ko na kailangang humingi pa sa iba.

Comments

  1. Tara sir siomai. Iniwan na nya ko napakasakit pero kailangan tanggapin. 🙃

    ReplyDelete
  2. kamusta, jay? ngayon na lang ulit ako nakabisita sa mga blogs (at isa nga ito sa nadaanan ko).

    ayun... kung siomai ang sa iyo, calamares naman ang sa akin, hahaha. high school ata or college, sa lasa naman ako ng calamares naiintriga. makakabili naman ako kaso parang hindi kasi ako marunong bumili ng calamares at ayoko bumili nang mag-isa kasi baka di ko alam kung paano kainin, hahaha. gaya ng observation mo sa siomai, kapag pauwi ako ng school marami akong nakikitang kumakain ng calamares sa daan - mga estudyante din, mga galing ng trabaho. kaso never talaga akong bumili noon kasi sabi ng nanay ko madumi raw yun, hahaha. so, ayun di ako bumibili.

    pero naka-kain na ako, di ko lang natandaan yung unang beses. at oo buhay pa rin naman ako (kung totoo man o hindi ang sabi ng nanay ko na marumi yun, hahaha)

    nakaka-miss mag-blog hopping. tc.

    ReplyDelete
    Replies
    1. jep! huuuyyy! ayos lang hehe oo nga, masarap nga rin pala ang calamares! (yung malutong na ang pagkakaluto tapos mainit-init pa) hahaha tapos isasawsaw sa tinimplang sauce o sukang maanghang, sarap! sakali mang mag-food trip ka ng siomai o calamares, ipangkain mo na lang ako, tapos ipangkakain din kita ng siomai! hehehe basta ingat lagi! hehehe

      Delete
  3. Try ntin minsan kain ng siomai s my kanto kbilang kalsada mrami tao bumibili, curious lng bk msarap ang siomai don.. kylan save d date?

    ReplyDelete

Post a Comment