Goodbye, California

Nagkita kami ng isang dating kaibigan. Matapos ang ilang kumustahan, mayroon siyang ibinalita sa akin. "Alam mo bang hiwalay na silang dalawa?"

Tinignan ko lang ang kaibigan kong ito at sumipsip ng Vanilla Cream Frappuccino.

Hindi ako sumagot. Hindi ko na rin ikinabigla.

***

Niloko niya ako. Hindi ko matanggap. Masakit.

Three years na pala siyang in a relationship bago niya ako nakilala. Sa iba ko pa nalaman. Ang masaklap, alam pa iyon ng lahat ng mga kaibigan ko pero wala man lang ni isa ang nagsabi sa akin para lang sana alam ko at nang hindi ako nagmukhang tanga.

Marunong naman akong lumugar. Kapag alam kong in a relationship na ang isang tao, lalayo ako. Iiwas ako dahil ayoko ng anumang gulo. Isa pa, takot ako sa karma.

Pero hindi, eh. Hindi ko siya mabitiwan. Ayoko na siyang mawala.

Parang sasabog ang dibdib ko. Hindi ko alam kung paano ako lulugar. Hindi ko alam kung sino ang hihingian ko ng tulong dahil sa huli, pinili niya yung karelasyon niya.

Ganoon naman dapat, diba? Ano naman ang laban ko sa nagtagal ng ilang taon? Saka, legal pala ang pagsasama nila kahit hindi pa sila kasal. May basbas ng kani-kanilang mga pamilya. At ang mali ko lang, naghabol ako kahit hindi dapat. Nagpakatanga. Sa huli, wala rin akong napala.

Ako ang naging talunan, at isang taon ko rin iyong pinagdusahan.

***

Kung kailan mabuti na ang lagay ko, doon siya biglang dumating.

Nagkita kami nang dahil sa common friends. Pagkakita ko sa kanya, bigla kong naalala ang lahat ng sakit. Sa abot ng makakaya ko, hindi ko ipinakita sa kanya na hindi pa rin ako okay dahil sa kagaguhang ginawa niya sa akin. Nagliliyab ang galit sa loob ko.

Ang naisip ko, dapat, maranasan niya rin ang hirap ng pinagdaanan ko sa mga nagawa niya sa akin. Gusto ko siyang magbayad nang mahal. Gusto ko siyang magdusa.

Mukha siyang masaya. Hindi--mas masaya talaga siya ngayon. Maaliwalas ang mukha niya, gumanda ang hulma ng katawan, at abot tainga ang saya. Tapos ang dinig ko, going stronger daw sila ng karelasyon niya. O, edi wow!

Pero, isinumpa ko na siya.

***

"Uy, John! Ibang klase rin palang magalit ang karelasyon niya, ha," ibinalik ng kaibigan kong ito ang usapan tungkol doon sa ex ko.

Napahinto ako sa pagsipsip. Tumingin ako sa kaibigan ko. Nagtataka.

"Alam mo bang bugbog-sarado siya sa karelasyon niya?"

Nabigla ako lalo na nang sabihin niyang hindi iyon basta hiwalayan lang. Hindi ganoon ang inaasahan ko nang magkuwento na siya.

Naganap ang lahat ng iyon sa condo nila sa Taguig. Ang nangyari, nakaranas daw siya ng matinding torture sa karelasyon niya--sinikmuraan, tinadyakan, hinataw gamit ang sinturon, nilunod, walang awang ginahasa, pinaso ng sigarilyo, pinilay hanggang malumpo, ginutom ng tatlong araw--hindi ko na maalala pa ang iba. Ang pinakanakakatakot, may multiple slices pa raw siya sa mukha na ginamitan ng box cutter na nahahawig sa hiwa ng hotdog.

Wow!

Tapos, ang sabi, dapat patay na siya ngayon kung hindi niya lang naiwasan agad ang paghampas sa kanya ng isang malaking maso sa ulo niya pero tumama lang ito sa matibay na pader saka ito nabitak.

Hindi ako halos makakilos. Hindi ba dapat, sanay akong makarinig ng ganoong kuwento kasi ipinalaki kami ng tatay ko sa ganoong paraan? Hindi ako makahinga nang maluwag sa nalaman ko. Hirap akong lumunok dahil parang nakikita ko pa ang aktuwal na nangyari. Halos masuka-suka ako sa mga nalaman ko.

Hindi pa roon nagtapos ang kuwento. Bilang ganti, binawi raw ng karelasyon niya ang lahat ng pag-aari nila: singsing (may balak daw kasi silang magpakasal sa U.S.), mamahaling gadgets, condo unit sa Cebu at Taguig, Kawasaki Ninja 1k, at ang naipundar nilang Toyota Wigo.

Tapos, nagsampa siya ng kaso sa karelasyon niya pero ang nangyari sa huli e, natalo siya. Agad naibasura ang kaso dahil mabilis na nakapagpyansa ang karelasyon niya at hindi ito nakulong.

"Ang dinig ko," dugtong ng kaibigan ko. "Ang ginamit na pampyansa ng karelasyon ng ex mo is yung ipon pa nila na gagamitin sana nila sa trip to Europe!"

Natulala ako sa mga narinig ko, sa kaparehong paraan na natuwa ako sa mga nangyari. Pakiramdam ko, parang na-satisfy nito ang cravings ko sa isang pagkain na matagal ko nang gustong tikman. At pakiramdam ko, parang naiwan pa ang lasa ng tinikman kong pagkain sa dila ko.

"Walang itinira ang karelasyon niya kahit isang kusing! Grabe, John, ex mo, luhaan na!"

Naghanap ako ng sasabihin.

"Huhulaan ko," sumipsip muna ako bago nagsalita. "Nangyari iyan bago magtapos ang buwan noong nakaraan, tama?"

"Eh? Bakit alam mo?" tanong ng kaibigan ko.

Hindi na ako nagsalita.

***

Kagaya nga ng una kong nasabi, isinumpa ko na ang ex kong 'yan.

Kaya lang, may napansin lang ako at naitanong sa sarili: bakit ba lagi niyang itinatago sa akin ang karelasyon niya? May kinakatakutan ba siya?

Hindi ko maiwasang hindi ito pansinin dahil sa totoo lang, nakakairita na siya. Nakakairita sa paraang hirap na hirap siyang itago ang pagkakakilanlan ng karelasyon niya pagdating sa akin. At dahil na rin sa ikinikilos niyang iyon, nalaman at nakilala ko rin siya, dahil mismo sa katangahan niya!

Hindi niya kayang magtago.

Ang nalaman ko pagkatapos ng mahabang panahon ng pagmamanman, napansin kong may kakaiba sa katauhan ng karelasyon niya. Sabi ko nga, may pag-asa pa ako sa sarili ko dahil mayroon pa palang hihigit sa akin na tinawag niya noong may saltik. Kung paano ko nalaman at bakit...hindi ko na sasabihin.

Isa lang ang maliwanag: makakaganti ako sa ex ko gamit ang karelasyon niya!

Idinetalye ko ang lahat ng mga nangyari sa amin ng ex ko sa karelasyon niya: kung paano kami nagkakilala, kung paano kami unang nagsama, unang date, halik, at kung paano siya umungol tuwing nasa kama kami...habang wala akong kaalam-alam na "sila" pa.

Syempre, hindi ko yun sasabihin sa kanya sa personal. Sinabi ko ang lahat sa isang sulat at hindi nagpakilala. Hinainan ko siya ng mga patunay. Nilaglag at idinamay ko ang mga kaibigan namin na nakakaalam ng tungkol sa amin ng ex ko, kasama ang mga screenshots ng mga usapan namin sa text. At nang maglabo-labo at namuo na sa kanya ang matinding galit, doon ko na siya pinabayaang sumabog mag-isa.

Iyon naman talaga ang gusto ko--ang magsiraan silang lahat.

Hanggang sa nagkita na nga kami ng isang dating kaibigan. Matapos ang ilang kumustahan, mayroon siyang ibinalita sa akin. "Alam mo bang hiwalay na silang dalawa?"

Tinignan ko lang ang kaibigan kong ito at sumipsip ng Vanilla Cream Frappuccino.

Hindi ako sumagot. Hindi ko na rin ikinabigla.

Pero, hindi ko inakalang ganoon pala katindi.

The Last Trip
Photo Credit: Marco-art

Ang dinig ko, pangarap nilang dalawa na maikasal sila sa California at maghoneymoon sa isang 5-star hotel. Sabi ko nga, ako ang naging talunan dito pero hindi ako papayag na ako lang ang natalo. Sa huli, ako mismo ang naglagay sa kanya sa karma niya. Iyong pangarap na kasal-kasal nilang 'yan sa California, wala na yan!


Comments

  1. Grabe, it's been ages since I last visited my blogger account at eto ang una kong nabasa. whew. kelangan ko ng pampakalma. buti na lang fiction kasi kung totoo to, yakap na mahigpit for whatever purposes it may serve. lol

    ReplyDelete
    Replies
    1. hello po! salamat po sa pagbisita! at maraming salamat din po sa pagbibigay ng virtual hug! appreciated much po dahil ito ang kailangan ko. ingat!

      Delete

Post a Comment