Friday, September 30, 2016

Langaw

"Puwede po bang humiram sa inyo ng pera? Pangako ko pong babalik din ito sa susunod na Linggo. Gipit na po kasi ako at wala pong natira kahit isang barya. Sa ngayon, hindi po ako mabibigyan ng amo ko ng sahod dahil sa Sabado pa ang kanyang balik mula sa ibang bansa. Tulungan niyo po ako, kababayan..."

Hindi siya tinablan ng pagmamakaawa ko. Nagbingi-bingian pa nga yata sa maingay kong sikmurang walang laman. Ang isang binatang banyagang may-ari ng bahay, nakatingin sa amin, nagtataka siguro kung bakit maluha-luha akong nakikipag-usap sa kababayan kong ipinagtabuyan ako, hindi inabutan ng tulong, at pinagsarhan pa ng pinto.

Putang ina mo kababayan, kako sa sarili. Wala siyang malasakit sa kapwa kababayan. Naging boyfriend lang niya ang anak ng kanyang amo, feeling rich na siya samantalang pareho lang kaming tagakuskos lang ng kasuka-suka nilang inidoro. Mukha siyang langaw sa ibabaw ng kalabaw. Buwisit!

Friday, September 23, 2016

Proposal

"May sorpresa ako sa iyo."

Dumating si Christine sa parke kung saan kami nagkita ng hapong iyon. Pagkakita sa kanya, hindi ko naiwasang mamangha sa napakasimple niyang ganda. Iba sa lahat ng babaeng nakilala ko. At ang ngiting iyon, na hindi ako magsasawang pagmasdan, ay matamis na naghahaplos sa puso kong walang ibang laman kundi siya. Isa siyang tunay na babaeng ibig kong makasama hanggang libing.

"Ano iyon?" Nasasabik na tanong ni Christine sa akin.

"Malalaman mo," saka ko siya piniringan ng mata gamit ang panyo na iniregalo niya sa akin, isang taon na ang nakalipas. Saglit pa akong lumapit sa kanya at bumulong, "Magtiwala ka sa akin."

Humigpit ang kapit niya sa kamay ko saka kami naglakad. Pinagsaluhan namin ang lamig ng hihip ng hangin, pinong buhangin na aming nilalakaran, at ingay ng hampas ng alon sa baybay habang masayang nakukuwentuhan tungkol sa mga masasayang alaala ng aming pagsasama tulad ng una naming pagkikita, panliligaw ko sa kanya, matamis niyang 'Oo' sa akin, unang date, unang away, at batian.

"Gusto mo na bang makita ang sorpresa ko para sa iyo?" Pagpuputol ko ng masayang kuwentuhan.

"Oo. Sige. Kinakabahan ako!" Masayang sagot ni Christine.

Ipinaharap ko siya sa gawing kanluran kung saan tanaw ko ang sunset at dagat. "Napakaganda pero malungkot," sabi ko sa sarili.

Dahan-dahan kong tinanggal ang piring sa kanyang mata. Maya-maya, napahawak siya sa kanyang dibdib at napatakip ng labi, siguro sa sobrang saya, nang makita niya ang mga katagang, "CHRISTINE, WILL YOU MARRY ME?"

"Yes, Jerico! Yes! I will marry you!"

Yumakap siya ng mahigpit matapos maisuot ang proposal ring. Naaalala ko ang yakap na iyon na sobrang init at higpit na magpapasigurong hindi kami mawawala sa isa't isa. Nakakamiss.

"Salamat! Maraming salamat!" Sabi ni Christine sa akin.

"Syempre, para sa iyo, lahat gagawin ko! I promise!"

"Salamat, Pareng Jay!" Si Jerico, habang masayang nakahawak sa kamay ni Christine.

Aray.

"Congratulations!" Ngumiti ako kahit masakit. Best wishes for you, Christine and Jerico!"

Wednesday, September 21, 2016

Santong Kabayo

"Balong, kumusta?"

Siya si Tita Rita Faltoyano. Maganda, konserbatibo, mabait, nakasalamin, di makabasag pinggan, laging masaya, mapag-alaga kay pinsan, at...

"Halika, magbasa tayo ng Bibliya!"

Teka, nasabi ko ba kanina na siya ay maka-Diyos din?

Ngumiti lang ako bilang pagtanggi. At habang abala sila sa paglipat ng pahina ng Bibliya, nagpatuloy ako sa pagtingin ng mga photo album nila papa noong kabataan nila sa sala. Lihim akong natatawa sa mga itsura nilang nakangiti at bungal sa litrato. No exception, mula panganay hanggang bunso, lahat sila ay tila mga mukhang Chaka Dolls!

Maya-maya, nagulantang ako sa mga malulutong na mura ni tita, habang hawak ang Bibliya, para kay pinsan na di sinasadyang matapon ang pulbos ng pinapapak na Milo chocolate. Doon nanginig sa takot si pinsan nang makitang hawak na ni tita ang kapaki-pakinabang niyang bakya.

Kinagabihan, nakatulog si pinsan na may tadtad ng pasa ng bakya sa iba't ibang parte ng kanyang katawan. Nanginginig, humihikbi, at lumuluha, habang yakap ang maliit niyang unan na isang taon nang hindi nalalabahan.