Sabay

Umaga. Rush hour. Nagmamadali na ako sa paglalakad dahil ilang sandali na lang, iiwanan na ako ng company service sa San Miguel.

Maya-maya, nagkasalubong kami sa kanto. Parang sinadya pa na nagmula kami sa magkatapat na kanto pauwi sa amin at biglang magtatagpo sa crossing. At dahil papunta kami sa iisang destinasyon, alam ko, pareho kaming nagmamadali.

Noong una, nginitian ko siya. Alam kong hindi niya makikita ang ngiti ko dahil may suot akong face mask. Siguro naman e napansin niya iyon sa mga mata ko nang magpantay ang paningin naming dalawa.

Nginitian ko siya dahil gusto kong magmukhang mabait para sa paningin niya. Gusto ko siyang makilala at syempre, maging kaibigan. Mukha naman siyang mabait.

Naglalakad kami nang sabay pero nasa magkabilang kalsada. Napansin ko na maya't maya siyang tumitingin sa akin. Oo, alam ko dahil maya't maya rin ang tingin ko sa kanya.

Sa sobrang bilis niyang maglakad, nakalayo agad siya sa akin. Hindi ko siya mahabol. Binato niya pa ako ng isang sulyap, sa pagkakataong iyon e matalim na ang pagtitig sa akin.

Napakunot ako ng noo sa inasta niya.

Pagdating sa highway, nakita ko na agad siyang nakasakay sa humintong jeepney. Mula roon, binusinaan ako ng tsuper. Sinenyasan ako, hinintay, at hindi agad umalis.

Maraming pasahero sa jeepney kaya umupo ako doon pa mismo sa isang bakanteng katapat lang ng kung saan siya nakaupo.

Pagtingin ko sa kanya, nakita ko na naka-tiger look siya sa akin.

Nag-abot siya ng bayad pero walang sinuman sa mga katabi niya ang nag-abot ng bayad niya.

At dahl malapit lang naman ako sa tsuper, ako na ang nag-abot na isinabay ko na rin sa bayad ko. Ramdam ko pa na padiin niya pang inilapag ang mga barya sa kamay ko, tanda iyon ng galit niya sa akin sa hindi malamang dahilan.

Hala siya.

Tatlong araw na siyang ganyan sa akin.

Comments