Tatlong Buwan

Paggising ko, napansin kong nakakabingi ang katahimikan ng umaga. Matagal akong nakahiga bago ko naisip na bumangon at buksan ang bintana. Pagbukas, agad kong naramdaman ang malamig na paghihip ng hangin sa mainit kong katawan. Ramdam ko pang parang nanoot ang lamig sa kalamnan ko.

Maya-maya, unti-unti ko nang narinig ang ingay ng mga kulisap at huni ng mga ibon sa mga puno. Tanaw sa bintanang kinaroroonan ko ang magandang hardin na hitik sa makukulay na bulaklak, na dahil sa sobrang pagkamangha e halos hindi ako makahinga dahil sa ganda. Dagdag pa rito ang ingay ng mga puno na banayad na hinihihip ng hangin na masarap pakinggan.

Nasa gitna ng hardin na ito ang isang magandang fountain na nagbubuga ng tubig sa ere, na siya namang naglilikha ng isang magandang reflection ng rainbow sa ilalim nito nang dahil sa liwanag ng araw. At sa paligid nito, padapo-dapo sa mga bulaklak ang makukulay ding mga paruparo.

Habang boxer brief lang ang suot ko sa katawan, bumaba ako sa kuwarto at nagpunta sa veranda kung nasaan ang open garden. Naramdaman ko ang lamig pagtapak ko sa damuhan hanggang makarating ako sa gitna kung saan naroon ang fountain. Doon pa lang, nalalanghap ko na ang bango ng mga bulaklak na bagamat hindi ko man tikman ay parang matatamis.

Masarap sa pakiramdam ang napapalibutan ako ng mga mababangong bulaklak. Pakiramdam ko, para akong nasa gitna ng isang malaking higaan ng bulaklak at may mga kulay na nagliliparan gawa ng mga paruparo. Isang senaryo na parang sa isang magandang panaginip ko lang makikita.

Nasa dulo nito ang isang magandang gate na unti-unting nagbukas gawa ng paghihip ng hangin. At paglabas ko rito, naramdaman ng mga paa ko ang malamig at pinong puting buhangin na nagdurugtong sa isang maganda at asul na dagat. Dinig ko mula sa kinaroroonan ko ang ingay ng alon na may layong hindi bababa sa isandaang metro mula sa pampang.

Hindi ako agad nakakilos nang makita ko ang ganda ng dagat na parang karugtong ng malinaw na langit. Mainit ang araw pero presko ang hangin na may dalang amoy ng dagat. Parang bumagal ang pagtakbo ng oras sa mga sandaling iyon.

Inilibot ko ang paningin habang unti-unting lumalapit sa pampang. Namamangha ako sa kung gaano kaganda ang dagat, ang langit, at ang puting buhangin na inalunan ng tubig dagat.

Humiga ako sa puting buhangin at nagbilad sa araw. Dinama ko ang banayad na init ng araw sa katawan ko habang malamig ang panahon. Ang sarap sa pakiramdam!

Tatlong araw lang ang bakasyon kong ito. Pero pakiramdam ko, nakapagpahinga na ako ng tatlong buwan.

Comments