Birthday

"Kailan ba ang birthday mo?"

Inililihis ko na ang usapan kapag ganito na ang tanong ng sinuman sa akin.

"Ilang taon ka na ba?"

Kapag mapilit ang kausap ko, ang ginagawa ko e hindi na ako umiimik. Mananahimik lang ako, hindi ko sasagutin ang tanong, hanggang sa titignan ko na lang nang masama ang kausap ko para tumigil na siya sa pagtatanong.

"Mahalaga pa bang malaman mo kung kailan ang birthday ko?" tanong ko sa kanya.

"Oo naman. Kasi gusto kita. Para naman pagdating ng birthday mo, gusto ko, i-celebrate nating dalawa. Tapos reregaluhan kita."

Ngumisi lang ako. Ako? Gusto niya? Joke 'yon?!

"Seryoso nga ako," sagot niya.

Seryoso rin ako kaya nanahimik na lang ako.

***

Ang totoo, hindi ko na alam kung kailan ang birthday ko. Hindi ko na alam dahil kinalimutan ko na. Ewan ko, basta hindi na iyon mahalaga sa akin kaya kinalimutan ko na.

Well, I do remember that my dad surprises me a birthday party na kaming pamilya lang ang magkakasama at wala nang iba. Hindi ko na alam kung kailan pa iyon dahil maliit pa ako noon at isang beses lang nangyari.

Pinaghanda niya ako ng spaghetti. Grabe, ang sarap ng luto niyang spaghetti! Mula noon, naging paborito ko na ang spaghetti. Tapos, mayroon siyang black forest cake na ang nakasinding kandila ay number 8 (kaya siguro paborito ko ang number 8).

Pero hanggang doon lang iyon at hindi na naulit.

***

Tuwing nasa school, may mga kaklase ako na pinatatayo sa harap ng klase namin at kakantahan namin ng "Happy Birthday" song. May ibang kaklase na nagdala pa ng handa sa school, at may ibang kaklase rin naman na may invitation pa sa isang fast food restaurant at makiki-celebrate nang may mga palaro kasama ang mga higanteng mascot.

Tapos, meron pa na kapag late dumating ang birthday celebrant, magd-drawing ang teacher namin ng "Happy Birthday" greetings sa blackboard gamit ang mga colored chalk para ipang-surprise sa kaklase namin pagpasok niya sa classroom tapos may picture opportunity (selfie ang term natin ngayon) ng celebrant. Ganoon kasaya.

Sa kabilang banda, naisip ko, sana, may pasok din ang birthday ko para naman maranasan ko ring sopresahin ng mga kaklase at teacher ko sa ganoong paraan. Ang sarap kasi sa pakiramdam ng ganoon lalo na kapag kinakantahan na ng "Happy Birthday" song ng mga malalapit na kaklase at teacher.

Pero dahil nga laging walang pasok ang araw ng birthday ko, e hindi ko na inasam na sorpresahin pa nang ganoon. Sabi ko nga, kahit sana isang beses lang.

Hindi ko alam kung anong naisip ko para mag-imbento noon ng sarili kong birthday para lang maranasan kong batiin man lang ako ng mga kaklase ko. Ang ginawa ko, ipinagkalat ko sa mga kaklase ko na birthday ko sa ganitong araw ng klase. Naging laman ako ng usap-usapan nila hanggang sa makarating nga ito sa isang kaklase na nakakaalam ng totoong birthday ko.

"Sinungaling!" sabi niya sa harap ng klase habang wala pa ang teacher namin noon. "Malayo pa ang birthday niya kahit itanong mo pa kay teacher!"

Pagkarinig nito, gusto kong maglaho na parang bula.

Pinagtingingan ako ng mga kaklase ko.

***

Kapag tinatanong na ng iba kung kailan ang birthday ko, kadalasan, tango na lang ang isasagot nila at mananahimik na lang. Hindi ko na alam kung kailan pa iyon nagsimula pero matagal na akong nasanay sa ganoon. Kadalasan, hindi ko na rin sinasagot kapag may nagtatanong.

Iyon siguro ang dahilan kung bakit nakalimutan ko na kung kailan talaga ang birthday ko. Hindi na rin naman ako nagtanong sa iba kahit kailan. Hanggang sa lumilipas na lang ang maraming taon nang hindi ipinagdiriwang ang sariling birthday.

Sobrang weird lang sa pakiramdam. Wala akong alam kung kahapon o bukas pa ang birthday ko. Puwede ring ngayong araw kasi, malay ko bang baka ngayong araw nga ang birthday ko, diba? Kasi kinalimutan ko na, wala na akong alam, at wala na akong balak alamin pa.

Wala naman akong mapagtanungan kung kailan ang birthday ko. May bago nang pamilya ang tatay ko kaya nagpakalayo-layo na siya. Ganoon din ang nanay ko na hindi ko rin alam kung nasaan na sa ngayon. Hindi ko kilala ang mga kamag-anak ko at kung kilala man nila ako, malamang, wala sila rito sa bansa.

Sarili ko lang ang alam at dala ko. Yung mga litrato noong birthday ko, hindi ko na alam kung nasaan na. I do have my copy of birth certificate pero hindi ko tinitignan ang petsa kung kailan ako ipinanganak. Ewan ko pero naroon sa likod ng isip ko na mukhang tama lang iyon, na hindi ko na dapat pang malaman kung kailan ako ipinanganak, mula sa mga walang kuwentang magulang.

Magulo ang buhay ko kaya pinabayaan ko na ang lahat ng meron ako. Siguro, dahil gusto ko nang makalimutan ako ng tao at/o gusto ko nang mawala. Dahil mula nang iwanan ako ng mga magulang ko, pakiramdam ko, wala nang magandang dahilan para umiral pa sa mundong ito.

Sa huli, ramdam kong hindi ko na kilala ang sarili dahil wala akong matinong pagkakakilanlan. May kulang sa sarili ko na ayoko nang punan para maging buo uli.

Sa madaling sabi, wala na akong silbi.

Comments