Wednesday, August 31, 2016

Miss Na Kita

Nagkatagpo tayo sa syudad ng hindi sinasadya, pero wala kang pakialam sa akin.

Ilang beses na akong nagpapapansin sa iyo noong nagkita tayong dalawa pero nainis ako nang magbulag-bulagan ka din tulad ng ginagawa ko. Napa-'uy' ka pa nga nang magkasalubong tayo. Alam mong 'ako' ang nakita mo. Papansinin mo na sana ako pero hindi mo itinuloy. Huwag mong ikaila, kilala kita.

Nahihiya kasi ako na kausapin ka kaya nagkunwari akong hindi kita napansin. Ang gusto ko, ikaw ang unang babati sa akin. Ganoon ka naman noon kung hindi ka lang nahawa sa ugali ng mga gago mong kaibigan kaya nadismaya ako sa iyo. At nasaktan.

Matagal na kitang gustong makita, alam mo ba iyon? Sabik ako sa iyo. Naroon ang mga pagkakataong gusto na kitang lapitan noon para mangumusta pero lumalayo ka. Hindi ko alam kung sinasadya mo iyon o hindi. Pero sayang lang kasi hindi ko man lang nasabi sa iyo na gusto ko nang bumalik ka sa akin. Miss na kita. Miss na miss na kita. Sobra.

Hindi na ako umasang mapapansin mo pa ako dahil mukhang ayaw mo na nga. Masaya na akong nakita kitang muli. Hahabulin na sana kita pero biglang kumapit sa bisig mo ang bago mong mahal.

Aray.

Sakit.

Di bale, ayos lang ako. Masaya na akong muli kitang nakita... after 5 years! Hehe...

Sunday, August 28, 2016

Passenger's Seat

Pumagitan ang puwesto ko sa tsuper at sa kasasakay pa lamang na dalaga. Napansin kong maganda siya at sexy. Ito na yung kausap ni kuya tsuper sa telepono kanina pero 'Pareng Karding' ang pangalan sa phone book. Bago iyon, tumawag naman ang misis nito at palagay ko, nag-away sila.

'Other woman' issue... ayon sa pagkakarinig ko.

"Kumusta na si Pareng Karding?" tanong ni kuya tsuper pero hindi umimik itong si dalaga. Napansin na lamang niya ang patagong pagpahid nito ng luha sa pisngi.

"Ba't karami mong pasa?! H-huwag mong sabihing may alam na siya (si Pareng Karding) sa ating dalawa..." si kuya tsuper.

Pasimple akong tumingin sa babae. Hindi lang basta pasa sa katawan ang nakita ko kundi mga kalmot. Sariwa, malalim, at namumulang kalmot. Nangangalmot ba ang asawa niyang lalake tuwing nakikipag-away?

"Asawa mo ang may gawa nito. Alam na ng asawa mo na may namamagitan sa atin.

Napa-'uy!' ako sa sagot ni dalaga sa loob ko lang. Nagpatuloy siya.

"Sabi niya, may ilang beses na rin niya tayong nakikita na nag-check in tuwing gabi sa Sogo."

Medyo awkward pa nga dahil nadaanan pa namin ang Sogo Hotel Tarlac na along the hiway lang. Muntik pa akong matawa pero napayuko ako. Kunwari, nagbabasa ako ng mga ebook pero ang totoo, kinakabahan ako nang biglang dinabog ni kuya tsuper ang nanggigigil nitong kamao sa manobela. Pati yung mga pasaherong ubod ng ingay sa likod, napatahimik dahil sa kanya. Nilakasan na lang ni kuya tsuper ang radyo.

"Sigurado, magsusumbong na ang misis mo kay Karding..."

Napahinto ito nang may tumatawag sa telepono ni dalaga. Tulad ng inaasahan, ito na ang sinasabi nilang si Karding. Nahagip ng paningin ko sa telepono ng dalaga ang 'Asawa ko' na pangalan ng numero.

"Sasagutin ko ba?"

"Huwag," at agad kinalas ni kuya tsuper ang baterya ng Cherry Mobile phone ni dalaga.

"P-paano naman ako? Ano nang gagawin ko? Anong sasabihin ko? Saan ako pupunta?"

Katahimikan.

Aaminin kong pati ako, pasimpleng naghihintay din sa isasagot ni kuya tsuper. Hiwalayan na ba ito? O ang isa't isa na ang kanilang forever? Matagal sumagot si kuya. Naghihintay ako. Bumilis ang takbo ng jeepney.

"O sige, ganito na lang ang gagawin natin: Mag--."

"Boss, tabi lang," sabi ko sa wikang Pampango.

Bumaba ako sa tapat ng Camp Aquino. Tinanggal ko ang earphone na wala naman talagang tunog. Hindi ko man lang nalaman ang katuloy ng kanilang kuwento...

Letche.

Friday, August 26, 2016

Abanduna

"Saan po ako galing?" mahinahong tanong ng batang babae.

"Sa basurahan."

Wala itong imik.

"Sa basurahan ka rin ba nanggaling?" tanong ng bata.

"Oo. Sa mabahong basurahan."

"Ayoko nang bumalik sa basurahan."

"Hindi ka na talaga makakabalik sa basurahan... kahit kailan."

Nagpatuloy ito sa pagkain ng mainit, masarap, at masustansyang sopas.

"Ano po ang salitang 'nanay'?" tanong muli ng bata.

"Wala. Walang salitang ganoon."

"E 'tatay'?"

"Hindi ko din alam. Wala din kasing salitang ganoon eh."

Katahimikan. Nagpatuloy sa pagkain ng mainit na sopas ang mala-anghel na batang babae.

"Alam mo ba kung ano ang itsura mo?" tanong ng bata.

"Hindi."

"Bakit?"

"Hindi ko makita ang sarili kong mukha eh. Ikaw, kaya mo bang tignan ang sarili mong mukha?"

"Hindi po."

"Ako din eh. Pero ang masisiguro ko sa iyo, maganda ka."

"Ikaw din po!" Humagikgik ito ng tawa. "Pero hindi ko naman makita na maganda ako..."

"... pero maaari mo naman itong maramdaman. Kapag mabait ka, maganda ka."

"Mabait po ako!" pagmamalaki ng bata. "Napakaganda ko dahil mabait ako!"

"Dapat lang."

"E ikaw po? Ramdam mo po bang maganda ka? Na mabait ka?"

"Oo."

Nag-ngitian sila ng napakatamis. Mayroon pang hagikhikan. Nagpatuloy sa pagkain ng sopas ang batang babae.

"Ano po ba ang 'kamera'?"

"'Kamera'? Hindi ko iyon alam. Nakakita ka na ba ng ganoon?"

"Hindi pa po."

"Ako rin. Sabi nila, marumi iyon."

"Ayoko po ng kamera..."

Maya-maya, dumating ang isang dalaga, "Oy! Kumusta iyang alaga mo?"

"Heto, palatanong ng mga... alam mo na..."

"Kita tayo mamaya ha. Sabay tayong kumain."

"Sige."

At narinig niya ang paghigop ng sabaw ng sopas mula sa batang babae.

"Wow! Simot agad? Galing mo naman!"

"Opo dahil mabait ako!" binigyan niya ng tubig ang bata. "Tapos na po akong kumain!"

At tapos na rin ang usapan nilang dalawa. Iyon ang akala niya.

"Ano po ba ang salitang 'salamin'?"

Ooops, hindi pa pala. "'Salamin'? Hindi ko alam. Wala namang salitang ganoon eh."

"Ah... bakit?"

"Ewan."

"TV?"

"Wala."

"Bakit?"

"Ewan."

"Litrato?"

"Wala."

"Bakit?"

"Ewan."

"Pangalan?"

"Wala."

"Bakit?"

"Ewan."

"Kapatid?"

"Wala."

"Bakit?"

"Ewan."

"Kapamilya?"

"Wala."

"Bakit?"

"Ewan."

"May ganda ka ba?"

"Wal--haha, ikaw ha. Niloloko mo na ako."

Sabog ng tawanan saka tatahimik.

"Sige na. Puwede ka nang makipaglaro sa ibang bata!"

"Sige po! Bye bye!"

Nakahinga siya ng maluwag. Wala na ang batang palatanong. May ADHD sa madaling sabi. Nakakatuwa siya pero hindi ang kanyang sinapit. Isa siya sa iba niyang kalaro ngayon ang inabandona ng mga magulang nilang walanghiya. At masasaktan lang sila kung malalaman nila ang katotohanang iyon.

"Kawawang bata..." bulong nito sa sarili.