Abanduna

"Saan po ako nanggaling?" mahinahong tanong ng batang babae.

"Sa basurahan. Kapag nakakita ka ng basurahan, buksan mo, doon ka nanggaling."

Wala itong imik.

"Sa basurahan ka rin ba nanggaling?" tanong ng bata.

"Oo. Sa mabahong basurahan."

"Ayoko nang bumalik sa basurahan."

"Hindi ka na talaga makakabalik sa basurahan... kahit kailan."

Nagpatuloy ito sa pagkain ng mainit, masarap, at masustansyang sopas.

"Ano po ang salitang 'nanay'?" tanong muli ng bata.

"Wala. Walang salitang ganoon."

"E 'tatay'?"

"Hindi ko rin alam. Wala din kasing salitang ganoon, eh."

Katahimikan. Nagpatuloy sa pagkain ng mainit na sopas ang mala-anghel na batang babae.

"Alam mo ba kung ano ang hitsura mo?" tanong ng bata.

"Hindi."

"Bakit?"

"Kasi kahit kailan, hindi ko mamakita ang sarili kong mukha, eh. Ikaw, kaya mo bang tignan ang sarili mong mukha?"

"Hindi po."

"Ako din. Pero ang masisiguro ko sa iyo, maganda ka."

"Ikaw din po!" Humagikgik ito ng tawa. "Pero hindi ko naman makita na maganda ako..."

"... pero maaari mo naman itong maramdaman. Kapag mabait ka, ibig sabihin nun, maganda ka."

"Mabait po ako!" pagmamalaki ng bata. "Napakaganda ko dahil mabait ako!"

"Oo naman, ramdam ko rin."

"E, ikaw po? Ramdam mo po bang maganda ka? Na mabait ka?"

"Oo."

Nag-ngitian sila ng napakatamis. Mayroon pang hagikhikan. Nagpatuloy sa pagkain ng sopas ang batang babae.

"Ano po ba ang 'kamera'?"

"'Kamera'? Hindi ko iyon alam. Nakakita ka na ba ng ganoon?"

"Hindi pa po."

"Ako rin. Sabi nila, marumi iyon na galing sa basurahan."

"Ayoko po ng kamera dahil galing sa basura."

Maya-maya, dumating ang isang dalaga, "Hi, kumusta iyang alaga mo?"

"Heto, palatanong ng mga... alam mo na."

"Kita tayo mamaya, ha. Sabay tayong kumain."

"Sige."

At narinig niya ang paghigop ng sabaw ng sopas mula sa batang babae.

"Wow! Simot agad? Galing mo naman!"

"Opo, dahil mabait ako!" binigyan niya ng tubig ang bata. "Tapos na po akong kumain!"

At tapos na rin ang usapan nilang dalawa. Iyon ang akala niya:

"Ano po ba ang salitang 'salamin'?"

Ooops, hindi pa pala. "'Salamin'? Hindi ko alam. Wala namang salitang ganoon, eh."

"Ah... bakit?"

"Ewan."

"TV?"

"Wala."

"Bakit?"

"Ewan."

"Litrato?"

"Wala."

"Bakit?"

"Ewan."

"Pangalan?"

"Wala."

"Bakit?"

"Ewan."

"Kapatid?"

"Wala."

"Bakit?"

"Ewan."

"Kapamilya?"

"Wala."

"Bakit?"

"Ewan."

"May ganda ka ba?"

"Wal—haha, ikaw ha. Niloloko mo na ako."

Sabog ang tawanan nila saka tatahimik.

"Sige na. Puwede ka nang makipaglaro sa ibang bata!"

"Sige po! Bye bye!"

Nakahinga siya nang maluwag. Wala na ang batang palatanong kung saan masaya niya itong pinagmamasdang nakikipaglaro sa ibang mga batang kagaya niya.

Sabi nga, mabuti lang na malaman nilang nanggaling sila sa basura kaysa malaman nila ang masakit na katotohanang inabanduna lang sila ng mga magulang nilang walanghiya.
 
"Kawawang bata..." bulong nito sa sarili.

Comments