Anim na Araw

Ala seis y medya. Nakatutok na ako sa balita matapos maghapunan. Tapos ko na rin ang mga gawain sa kusina at sa sala.

Alas siyete. Naliligo na ako sa malamig na tubig ng shower. Nag-ayos na ako ng sarili bago matulog.

Pasado alas otso. Nagpunta na ako sa higaan matapos isara ang lahat ng pinto at ilaw.

Alas nueve. Nakahiga lang ako. Nananahimik at gising. Wirdo. Natutulog na dapat ako ng mga ganitong oras. Kailangan ko ng tulog.

Alas dyes. Wala akong iniisip ng mga oras na iyon. Nakahiga na ako pero gising na gising ako. Hindi ako dinadapuan ng antok.

Alas onse. Wala naman akong iniisip o anumang dahilan para hindi ako makatulog nang ganito. Wala naman akong nararamdamang kakaiba maliban na nga sa hindi ako makatulog.

Alas dose. Pinilit ko nang matulog pero wala pa rin. Sobrang mailap sa akin ang antok. Kailangan ko nang matulog.

Ala una. Nag-isip ako ng mga problema pero hindi sila nagtatagal sa isip. Mabilis din silang nawawala. Maaliwalas naman ang gabi, kumportable ang higaan ko at walang abala. Hindi ba dapat makakatulog na ako nito nang mahimbing?

Alas dos. Kahit isang hikab, hindi ko magawa. Uminom ako ng tubig at bumalik. Maya-maya, bumangon ako para umihi. Muling uminom saka bumalik. Muli akong bumangon para umihi. Paulit-ulit.

Sa buong maghapon, bigla kong naalalang hindi ako nakapag-work out. Nag-push up ako sa kuwarto, nag-sit-up, at nag-pull up na pare-parehong tig-trenta (4 counts and 30 good repetition). Napagod lang ako at pinagpawisan.

Itinigil ko rin naman kinalaunan dahil baka lalong hindi ako dapuan ng antok. Akalain mong hindi nga ako nagkamali, hindi nga ako lalong nakatulog!

Nagbasa na lang ako ng libro. Baka sakaling dapuan na ako ng antok pero wala pa rin.
 
Habang nagbabasa, naligaw nang bahagya ang paningin ko sa book shelves. Nakita ko roon ang libro kong general psychology. Pagbukas ko sa content, napansin ko ang abnormal psychology. Under nito ang sleeping disorder at isa na nga rito ang insomnia, ang kasalukuyan kong nararanasan ngayong gabi (madaling araw, technically).

Alas tres. Ayon sa kuwento ng mga matatanda, hatinggabi na raw ang oras na ito sa mundo ng mga engkanto. Lalo raw silang lumalapit sa iyo sa tuwing binabanggit mo raw ang salitang 'engkanto.' Maaaring nasa tabi mo na sila sa ikatlong pagbigkas mo pero hindi mo lang nakikita. Tumataas ang balahibo ko sa kilabot tuwing naiisip ko ito.

Alas kuwatro. Halos papaumaga na. Napamura na lang ako dahil walang dumating na antok sa sistema ng katawan ko. Humiga na lang ako at nanahimik.

Alas singko ng umaga. Nag-ayos na ako ng sarili.

Ala seis ng umaga. Bago ako pumasok, doon ko napansing anim na araw na akong ganito.

Comments