Simula

"Malapit ka na bang matapos?"

"Oo, kaunti na lang."

At may ilang minuto pa ang lumipas, muli siyang nag-text sa akin.

"Tapos na ba?"

"Oo, is-save ko na lang tapos is-send ko sa iyo via email. Sandali lang, ha."

"Sige."

Nakailang tipa na ako sa keyboard. Pagkatapos, lumitaw sa screen ang Save, Don't Save, at Cancel. Sa wakas, sabi ko, matatapos na ako sa ginagawa ko. Makakatulog na rin ako.

Pero sa kamamadali ko, hindi sinasadyang na-click ko ang Don't Save. Nawala ang pinaghirapan ko ng higit tatlong oras. Ang masaklap, wala akong kopya ng anumang burador.

Napasigaw ako nang malakas at narinig ako hanggang sa kuwarto kung saan nahihimbing na sa tulog ang mga housemates kong nabulabog ng sigaw ko.

Malalim na raw ang gabi, bakit gising pa raw ako? Bakit daw ako sumigaw nang malakas?

Halos hindi ako makapagpaliwanag sa kanila nang maayos. Sa halip, nagpigil ako sa pag-iyak habang pinaliliguan ako ng matinding di-malunok na sermon.

Sa kabilang banda, nakatanggap na ako ng text, "Yung ginawa mo, nasaan na? Wala pa sa email ko, tapos mo na ba?"

Hindi na ako sumagot.

"Kailangan ko na iyon after 30 minutes. Ibigay mo na 'yan sa akin pagkatapos ng 15 minutes. Maghihintay ako."

Lagot!

Paano ko sasabihin sa kanya na nabura ko na ang mga naisulat ko? Wala na rin akong maalala sa mga iyon!

Hindi na ako nagsalita. Hindi na ako kumilos. Hindi ko alam kung paano ko sisimulan pero kung gusto kong magkaroon ng suweldo, kailangan kong bumalik sa simula.

Comments