Pasulyap-sulyap

Nasa harap ko siya nang magkasagian ang sapatos namin. Hindi sinasadya.

Saglit siyang sumulyap sa akin pero agad ding umiwas nang magpantay ang paningin namin. Napansin kong ibinaling niya ang paningin sa dinaraanan ng sinasakyan naming jeepney na siya ko ring ginawa. Pero habang nasa ganoon akong ayos, nagdududa naman ako kung sumusulyap siya sa akin nang hindi ko alam.

Muli kong sinubukang sumulyap sa kanya. At hindi sinasadya, tulad ng inaasahan, muling nagtama ang paningin namin. Pansin ko pa nga na medyo may katagalan na ang pagtitig namin sa isa't isa at agad ding umiwas ng tingin, siguro, sa hiya.

Ramdam ko, may kakaiba. Hindi ko maipaliwanag, basta parang may kuryente ang mga pagtitig niya sa akin.

Tumugtog sa sumasabog na radyo ng tsuper ang 'Pasulyap-sulyap' ni Tootsie Guevarra. Parang sinasadya. Pansin kong pareho pa kaming nagtaguan ng ngiti. At sa ngiti niyang iyon, nasulyapan ko ang kilig niyang hindi niya nagawang itago.

"Para po!" bilin ko sa tsuper saka itinabi ang jeepney sa may kanto.

Kahit hindi ko siya tinignan, alam kong sinundan niya ako ng tingin hanggang makababa. Nang lignunin ko siya, nakita ko, nakatingin nga siya sa akin.

Napahinto ako, hindi dahil sa napansin kong hindi siya bumitaw ng tingin hanggang sa ipaglayo kami ng sinasakyan niyang jeepney kundi, nakita ko sa mukha niya ang bahid ng pagkabigo.

Pagkabigo siguro, na hindi man lang namin nakilala ang isa't isa.

Comments