Granada

May granada ako rito sa kuwarto ko na nakalapag sa bintana. Wala lang, display ko lang. Napulot ko ito noong Grade 5 pa ako, doon sa restricted area ng ammo (sa may bundok), dito sa Camp Aquino pero wala ng laman (fully drain) nang mapulot ko. Nakita ko ito noon na nakabaon ang kalahati ng katawan nito sa lupa at wala na rin yung pin nito. Atis-type ito na parang may maliliit na square ang katawan na siyang magsisilbing debris nito kapag sumabog. Mas maporma at mapaminsala ito kumpara sa mansanas-type (bilog na makinis) na granada. Pero alin man ang maganda at hindi maganda sa dalawang nabanggit, delikado pa rin iyan. At nakamamatay.

Wala lang. Bigla ko lang nabanggit. Hindi ko intensyon na mag-promote ng firearm dito pero naalala ko kasi ang granada ni mommy ko noon (alam kong kanya iyon na ibinigay ni daddy). Mansanas-type iyon at makinis. Iyon ang kauna-unahang granada na nakita ko sa buong buhay ko. Sabi ko, gusto ko ring magkaroon ng ganoon pero bawal sabi ni daddy. Nakakatakot na nakakamangha, oo. Pero hindi ako namangha sa naging tadhana ng putang inang granada yun na bigla na lang naglahong parang bula. Saka ko na idedetalye ang ibang kuwento (sa restricted area ng ammo) pero heto ang mga naganap.

1
Ayon kay mommy, ibinigay daw iyon ng kaibigang opisyal ni daddy. Taong 2000 iyon ng Marso. Inuwi iyon ni daddy sa bahay at nakita ko sa mga lalagyanan ng bala niya sa kuwarto namin. Manghang-mangha ako pagkakita nito na halos gusto kong agawin sa kanya at paglaruan. Bilin niya, nakamamatay iyon kapag pinaglaruan o hinila ko yung pin. Magagawa raw nitong pasabugin ang isang buong bahay. Delikado. At kailangang ilayo sa anumang mainit. Tandang-tanda ko pa na tuwang-tuwa si mommy ko dahil sa granadang iyon at sinabing maganda itong gamitin bilang depensa sa mga may masasamang-loob.

Nakabalot iyon ng shorts ko na ginawa nilang basahan saka maingat na inilapag sa loob ng kahon ng mga bala ng baril. Pero isang araw, bigla na lang itong nawala sa kahon. Sabi sa kuwento ni mommy, kinuha raw ni daddy ang granada saka itinago sa armory ng 1303 Dental Headquarters. Taong 2001 na ito. Doon ko nalaman na takot pala si daddy na baka nga totohanin ni mommy ang pagbabanta nito na gagamitin niya ang granadang iyon para pasabugin ang kabit ni daddy (na naparanoid at naalarma na ng mga sandaling iyon) kaya itinago na lamang ito sa armory. Minsan na kasing nahuli ni mommy si daddy na naka-brief lang, doon sa bahay ng kabit (na kaopisina pa ni daddy). Hindi ko na idedetalye kung gaano kasalimuot ang pamilya namin noon dahil sa granadang iyon na pinoprotesta ni mommy, at agresibo siya dahil gusto niyang malaman kung nasaan ito, AGAD-AGAD!

Ipinakita naman daw ng commanding officer (o C.O.) kay mommy ang granada sa armory at kinumpirmang ito nga ang granada ni daddy. Naginhawaan siya. At, siguro, dahil malikot akong bata noon, naisip ni mommy na doon na lamang ito itago para hindi ko itangay at nasa ligtas itong lagay. Siniguro naman ng C.O. na hindi iyon mawawala. At paglipas nga ng ilang buwan, nawawala na ang granada sa armory. May nagnakaw, ilang araw matapos mag-outgoing ang C.O. Suspek nila ay isa sa mga ka-opisina ni daddy sa dental (maaaring naging kapitbahay) at hindi nila malaman kung sino. Hindi pa uso noon ang mga CCTVs. Nag-aaway na noon ang mag-asawa dahil doon, hanggang sa hindi na nila inasahan na makikita pa nila itong muli, kahit kailan.

Aaminin ko, takot ako sa mga tagpong iyon lalo na nang magsalita si mommy ng may buong lakas at maotoridad na galit. Isinumpa niya na sana, makita ng dalawa niyang mata ang pagsabog nito sa bahay ng nagnakaw ng pinakamamahal niyang granada. Masama ang loob niya noon pero pabiro niya lang itong sinabi. Alam ko, tanghaling tapat iyon, Martes, at bilog pa ang buwan kinagabihan. Hindi ko iyon makakalimutan. Nakaramdam ako ng pangingilabot.

2
Nabulabog kaming mga nahihimbing sa tulog dahil sa pangangalampag ng isang misis ng sundalo sa lugar namin. May nasusunog daw na apartment. Nag-panic kaming agad na mag-iina saka lumabas ng bahay. Laking pasasalamat naman namin nang malamang hindi sa amin ang nasusunog. Taong 2003 na ito ng ika-24 ng Agosto iyon. At dalawang taon na ring nakadestino si daddy sa Mindanao dahil wala siyang maiharap na mukha sa issue nila ng kabit niya.

Isang daang metro yata ang layo nito sa apartment namin (basta malayo). Dalawang apartment muna bago sa amin. Nakita namin, napakalaki na ng sunog. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na makasaksi ako ng ganoong uri ng trahedya. Takot na takot ako. Marami nang tao ang gising noon. May mga nagsisigawan at nag-iiyakan. Kahit malayo, kitang-kita ko noon na tinutupok na ang linya ng kuryente at doon nawala ang supply maging sa amin nang magliyab ito na parang malakas na kidlat. Otomatiko na palang nag-shut down ang mga safety breaker sa bawat bahay upang hindi magkasunog. Sobra nang dilim at tila nagsilbing bonfire naman ang nasusunog na apartment para sa aming lahat. Huli na nang dumating ang fire truck ng Camp Aquino mula sa maagang pag-report nito sa NOLCOM. Inigiban pa raw yata ng tubig?

Wala kaming nagawa, gayundin ang iba naming kapitbahay, kundi panoorin ang tagpong iyon. Yung ibang kapitbahay namin na may kaaway sa apartment na iyon, tinatawanan nila dahil nasusunog na ang bahay nito. Kilabot daw kasi itong chismosa na ito at mahilig magkalat ng mga false alarm (hindi pa uso noon ang mga katawagang fake news). At may ibang chismosa na rin ng mga oras na iyon ang gising na nagsasabing may isang pamilya raw doon na ang tangi lang daw nilang naisalba ay ang kanilang malaking refrigerator (realtime relay no-commercial broadcast po ang bilis ng mga chismis sa amin).

Kung babalikan natin ang tagpong iyon, masasabi kong maaari pa silang magsalba ng kanilang gamit dahil (medyo) mahina pa naman ang apoy pero nagdududa na kaming lahat. Ayon sa mga legitimate correspondent (mga chismosa) na nakatira malapit sa pinangyarihan, ayaw raw sabihin ng pamilyang iyon ang tunay na dahilan. Basta ang maliwanag lang sa kanilang mga mukha ay takot. Natural lang dahil nasusunog ang bahay nila. Pero kaduda-duda raw ang takot ng pamilyang ito na hindi ko na papangalanan. Tuloy kami sa pagtutok ng mga nagaganap.

Sa kabilang banda, tulong-tulong naman ang ilang sundalo sa isang malapit na armory na buhusan ng tubig ang bubong nito. Kailangang tuloy-tuloy. Napansin daw kasi nila na doon lumalapag ang mainit na abo at baka masunog din ito gaya noong sumabog ang ammo noong 1997. Tanda ko na may mga ga-hitang bala ng kanyon ang meron doon. Nakalapag ito at nakaharap sa direksyon papunta sa bahay namin. Alam ko dahil paborito kong hide out ang lugar na iyon kapag naglalaro kami ng taguang-lata. 50 meter ang layo nito mula sa nasusunog na apartment.

Samantala, under control na raw ng pangalawang firetruck ng kampo ang sunog (mahina na). Para kaming nabunutan ng tinik sa dibdib pero agad ding itong binawi ng isang higanteng pagsabog. Nagising ang diwa ko noon lalo na nang magliwanag ang kalangitan sa amin. Nagsigawan ang mga kapitbahay, may isa pa yatang nahimatay at yung iba, nagtakbuhan sa kani-kanilang bahay. Yung ibang malapit lang sa pinangyarihan ay napatakbo sa teritoryo namin dahil sa takot. Ramdam ko, umuga pa yung lupa sa pagsabog, basta sobrang lakas. At dahil gabi, dinig na dinig daw ito sa mga kalapit na lugar na sakop ng 2 kilometer radius. Ganyan katindi.

Iniakyat na ang report na ito sa general ng Camp Aquino saka humingi na ng tulong sa BFP-Tarlac. Tatlong firetruck na ang dumating at hindi pa rin tumitigil ang sunog. Saka lamang ito tumigil nang dumating ang firetruck ng Filipino-Chinese Community sa Tarlac at doon na tulong-tulong na nag-imbestiga. Sa awa naman ng Diyos, wala namang naiulat na nasaktan pero pakiramdam ko, parang na-guilty ako sa hindi malamang dahilan.

3
Nagmula raw ang sunog sa ikaapat na bahay. Nakatira doon noon ang malaking dalaga na inumpog ang ulo ko sa matigas na case ng Red Horse Beer (sa isang tindahan sa apartment namin) matapos niya akong asarin sa issue ng tatay kong may kabit at nang sabihan ko siya na 'baboy' (nalaman din kasi niya ang kuwento na aksidente kong nahuli na binabayo ng tatay ko ang kabit niya sa bahay nila). Bata pa ako noon, umiiyak at masama ang loob, saka ko siya sinundan ng tingin pauwi sa apartment nila. Hindi ako nagsalita. Tinignan ko siya nang masama. Isinumpa ko siya noon na sana, masunog ang bahay nila. Martes din iyon, tanghaling tapat. Hindi ko na maalala kung bilog ang buwan kinagabihan basta, gigil na gigil ako hanggang mawala siya sa paningin ko.

Ayon sa kuwento, naputulan sila ng kuryente kinabukasan at gumamit ng kandila sa gabi. Napabayaan itong nakasindi saka kumalat daw sa kurtina, pader, kisame, hanggang mabilis na lumipat sa kadikit na bahay (kasi nga, apartment). Ayon sa report ng mga otoridad, nangyari ang pagsabog sa ikatlong bahay (sa bahay ng pamilya na tanging malaking refrigerator lamang nila ang kanilang naisalba). Sa ilan pang impormasyon, nalaman nila na ang sumabog pala ay isang mansanas-type na granada base sa ilang mga debris nito na natagpuan sa CR. Napataas pa ng kilay si mommy nang marinig ito dahil kasamahan ni daddy ang sundalong iyon sa dental. At oo, siya ang kumuha ng granada nilang mag-asawa na nawala sa armory.

Tulad nga ng una kong sinabi, hindi ko ginusto ang nangyari. Pero, kung hindi iyon mangyayari, hindi pa rin malalaman ni mommy kung sino talaga ang nagnakaw ng granada nila, hanggang ngayon. Natatandaan ko rin na iyon ang isinumpa niya sa nagnakaw ng granada nila at panigurado, hindi niya rin iyon kagustuhan. Sa katunayan, matalik na kaibigan ito ng pamilya namin ngayon. At yung dalagang inumpog ang ulo ko sa case ng beer? Ewan kung nasaan na.

Nakatago raw ito sa isang kuwarto. Gawa sa light material ang sahig ng kuwartong ito sa second floor. At nasa ibaba nito ay ang kanilang C.R. Totoo ang balitang hindi na raw nila kinuha ang ibang mahahalagang gamit at papel nang malamang hindi na mabuksan ang kuwarto kung saan nakatago ang granada. Nasusunog na ang buong kuwarto at sasabog na raw ito ano mang oras.

Iniwan na nila ang lahat: radyo, TV, gamit sa kusina, damit, at lahat na maliban lang sa isang malaking refrigerator. At nang maganap na ang pagsabog, kitang-kita raw nila na bumuka ang buong bahay hanggang bubong at lumipad daw sa ere ang Saniwares (the brand) nilang inidoro mula sa malakas na pagsabog saka nagpira-piraso. Nakakatawa pero hindi nakakatuwa. Doon ko napagtanto na ganoon pala talaga kalakas ang pagsabog ng isang granadang gustong-gusto kong agawin kay daddy para paglaruan noon.

Kinaumagahan, sa sampung bahay na nasunog, kanila lang ang talagang pulbos na pulbos.

Afterword
Kaya sa mga sandaling tinititigan ko ang napulot kong granada rito sa kuwarto ko, natatawa ako. Ipinapaalala nito ang isang trahedyang nagdulot din sa akin ng trauma 15 years ago. Masyadong psychological. At hindi ko iyon makakalimutan, kahit kailan. Marami na ang may gustong humingi nito pero hindi ko ibinibigay dahil mahalaga na ito sa akin. Remembrance. Ilang beses na ring nawala pero muling bumabalik sa akin.

Isa pang muling balik-tanaw na maikling kuwento tungkol sa granadang ito. Dala-dala ko ito noon kahit saan ako magpunta. Bumibili ng sofdrinks ni mommy noon nang tawagin niya ako para tulungang bitbitin ang pinamili niya... at nabitiwan ko ang granadang pinaglalaruan ko. Nagtakbuhan ang mga tao sa San Miguel, Riverside pagkakita nito. Tawa ako ng tawa noon at sinabing wala itong laman. Gusto pang bilihin ito noon ng isang tricycle driver sa halagang isang libong piso pero hindi ko binenta.

Wala pa rin nagbago mula nang mapulot ko ito doon sa restricted area ng ammo dito sa kampo. Kalawangin na ito pero hindi nababakbak. Mabigat ito at naroon pa rin sa loob nito ang igniter na napitpit at hindi ko matanggal sa tuwing inaalog ko. At muli, ipinangako ko sa sarili na hindi ko na ito pababayaan, kahit kailan. Ngingiti-ngiti ako habang tinititigan ito sa tabi ng bintana. Naalala ko kasi na tuwang-tuwa ako nang mapulot ko ito noon at iniuwi sa bahay.

Comments