Si Ophelia

"Saan ka pupunta?"

Napahinto ako nang marinig ko ang maotoridad na boses ni Lola. Nakikita ko sa sulok ng paningin ko na nakatingin siya sa akin. Hawak niya ang manipis na kawayan na madalas niyang ipalo sa akin. Takot ako sa pamalo ni Lola pero mas takot ako sa kanya dahil ayan na siya, galit na naman siya sa akin!

Tinignan ko siya nang mata sa mata. "Kukuha lang po ako ng tubig. Iinom po ako ng gamot," sagot ko, pilit nilalabanan ang takot.

Hindi ako nakaalis agad nang marinig ko ang halakhak niyang parang nangungutya. Alam ko na kung ano ang kasunod nito na lagi niyang binabanggit: "Huwag ka nang umasang gagaling ka pa mula sa sakit mo! Wala ka nang pag-asa! Hanggang diyan ka na lang!"

Hindi ko napigil na maiyak. Galit ako at gusto ko siyang saktan. Nagpatuloy ako sa kusina para kumuha ng tubig habang patuloy siya sa pagsasalita ng masasakit sa akin. Bigla akong nalungkot kaya hindi ko na lang siya pinapansin.

"Nasaan na ang tapang mo? Galit ka, diba? Ilabas mo, dali!"

Masakit ang lalamunan ko dahil sa mga ininom kong gamot. Una rito ay para sa depresyon. Wrong timing pa dahil hirap akong lumunok sa sobrang sama ng loob dahil kay Lola. Para akong sinasakal at gusto kong sumabog!

"Wala ka nang magagawa! Bakit hindi mo pa kasi tanggapin na ipinanganak kang may ganyang uri ng sakit, samantalang hindi naman iyan mawawala sa iyo hanggang mapeste ka!"

Galit ako dahil hindi na ako nilubayan ng sakit kong dementia praecox. Namana ko ito sa angkan nina nanay at tatay kaya ininom ko ang pangalawang gamot laban dito.

"Believe me, hindi na 'yan tatalab sa iyo!" dugtong niya sa maharot na boses.

At ang huling gamot ay para sa mga hallucinasions ko. Nag-away pa kami ng doktor ko dahil ayaw niyang maniwala sa akin na lagi kong kasama si Ophelia na pinatay ko tatlong taon na ang nakalipas. "Patay na siya at hindi ka na niya babalikan," sabi pa ng doktor ko saka niya ako pinayuhang inumin ang gamot na kanyang inireseta pero walang kuwenta. Nailibing na siya, sabi ko, pero buhay siya, buhay!

Binalaan ko siya, "Sawang-sawa na ako sa pang-aabuso ninyo! Ayoko na!"

"O, edi magpakamatay ka na lang tulad ng ginawa ng mga magulang mo dahil wala ka nang pakinabang! Kailangan mo nang mamatay! Wala ka nang kuwenta! Hindi ka na maaasahan! Wala nang magmamahal sa iyo dahil isa kang kriminal!"

Nagpigil ako at nagpunta sa sala saka nagdasal.

"Wala kang Diyos! Sarili mo lang ang sinasamba mo! Huwag na tayong maglokohan dahil mag-iimpyerno ka rin tulad ng mga magulang mo!" sabay sabog ng halakhak na parang nanggagaling pa sa ilalim ng lupa. Kinikilabutan ako sa halakhak niyang iyon at minsan, nagtataka ako kung bakit nakakatagal ako sa ganoong lagay. Nakakatakot.

Kinuha ko ang posporo at isinindi ang itim na kandila para matahimik na si Ophelia, ang aking lola.

Comments