Bakit Hindi Mo Ako Matanggap

Caliber 45
"Paul, lagpas ka na sa curfew. Ala seis na ng gabi, ba't huli kang umuwi?" maotoridad na tanong sa akin ni Papa.

Hindi pa ako sumasagot nang mapansin niyang kasama ko si Bryan. Kinabahan ako nang tumalim ang tingin niya sa amin.

Kasama ko si Bryan dahil gusto raw niyang ipaalam ang relasyon namin sa tatay kong sundalo. Ang problema, hindi pa nito alam na nagladlad ako at galit ito sa mga baklang tulad ko.

Siguro dahil sa takot, tumanggi nang tumuloy si Bryan sa bahay at sinabing pauwi na siya.

"Sigurado ka bang kaklase mo lang si Paul?" tanong ni Papa. Mukhang may nalalaman na siya.

"Opo, sir," sagot ni Bryan habang tumatagaktak ang pawis niya. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang takot sa tatay ko at hindi niya alam kung ano ang gagawin.

Nagtaka kami at nakaramdam ng tensyon nang ipakita ni Papa kay Bryan ang isang piraso ng bala ng Caliber 45.

"Pareho kayong lalake, bata," uminom si Papa ng alak. "Tuldukan mo na ang relasyon ninyo ni Paul kung ayaw mong iputok ko sa bungo mo ang balang ito."

***

One-star
Nagalit nang matindi sa akin ang tatay kong sundalo nang magladlad ako bilang bakla.

Hinigpitan niya ako sa lahat ng bagay. Kung anuman ang mga gagawin ko, kailangan nang dumaan sa desisyon niya. Pati pangarap kong maging guro, tinutulan din niya.

Siya mismo ang nagpasok sa akin sa Mechanize, ang frontline sa giyera. Baka sakaling bumalik daw ako sa pagiging lalake at kung hindi, hahayaan niyang sa giyera na lang ako mamatay.

Hinarap ko ang lahat ng sakit sa training mula pisikal at emosyonal, gayundin ang diskriminasyon ng mga sundalo at kapwa-trainee na ayaw at galit sa mga tulad kong bakla. Masakit. Pero nagsumikap ako.

Lumipas ang maraming taon, bumalik sa akin ang respeto. Nakamtan ko ang ranggong one-star (ikaapat sa mga heneral) saka nila nakitang hindi dapat minamaliit ang mga tulad kong bakla na subok na sa mga nagdaang giyera, sa bansa man ito o sa buhay ko.

Ginamit ko ang kapangyarihan upang ipatupad ang batas sa pagtanggap ng militar sa LGBT. Marami ang humanga sa akin gayundin ang tatay kong tinanggap din ako sa huli.

At bago siya pumanaw, natawa siya sa sinabi ko, "You should be proud, Papa. Nakagawa ng kasaysayan ang anak mong bakla!"

***

Panaginip
Nagising ako dahil sa isang bangungot. Ang kuwento, napatay ko raw ang tatay ko dahil hindi niya raw matanggap ang pagladlad ko bilang isang bakla. Galit raw siya at takot na takot ako. Gusto niya raw akong patayin pero naunahan ko siya.

"Tahan na. Panaginip lang naman 'yun," sabi ng tatay ko nang tumakbo siya sa kuwarto ko at pinakinggan ang kuwento ko.

Agad ko siyang niyakap. Doon ko nasigurong buhay nga ang tatay ko, tanggap niya ako, at hindi ako nananaginip. Sinabi ko sa kanya na mahal na mahal ko siya at kahit kailan, hindi ko siya magagawang saktan.

"Tanggap kita dahil ako ang ama mo. Anak kita kahit bakla ka man o ano ka pa, basta't huwag ka lang mawawala sa buhay ko."

Napatingin ako sa kanya at nakahinga nang maluwag. Muli ko siyang niyakap nang mahigpit.

"Tandaan mo," humarap siya sa akin. "Mahal na mahal kita, anak. Pero pakiusap ko lang, huwag ka lang gigising... sa panaginip mong ito."

***

Saranggola Blog Awards

*ang mga dagling ito ay kalahok sa 2018 Saranggola Blogs Award 10.
At ang lahok na ito ay inihatid sa atin ng mga sumusunod na Saranggola Blogs Award Sponspors:
DMCI Homes Cultural Center of the Philippines Gold Leaf Production

Comments