Nangungulila Ako

May isang maliit na batang babae. Nakatira siya sa isang malaking bahay na nadadaanan ko papunta sa boarding house kung saan ako mag-isang pansamantalang nangungupahan.

Hindi siya nag-iisa. Lagi niyang kasama ang kanyang lola na nag-aalaga sa kanya. Inuubos nila ang buong maghapon sa ilalim ng mga puno ng dalandan sa tapat mismo ng kanilang bahay.

Ayon sa mga narinig ko, nag-iisang anak lang daw siya ng mga magulang niyang kahit minsan ay hindi ko pa nakita (o namukhaan) sa personal. Hindi na ako nag-usisa pa tungkol doon.

Madalas ko siyang makita tuwing hapon. Nag-aaral siyang magbilang sa Ingles gamit ang pagbibilang ng mga bunga ng dalandan sa puno. Tuwang-tuwa siya dahil 'achievement' na para sa kanya ang magbilang ng 1 to 10. At kapag napapansin niyang napapadaan ako, lagi niya akong tinatawag na 'kuya!' Kitang-kita ko sa kanya na natutuwa siya tuwing makikita niya ako.

Ngumingiti lang ako lalo na kapag tumingin na ang lola niya sa akin. At pagkatapos, doon ako dadapuan ng pagkailang o pagkahiya. Pakiramdam ko pa nga sa tuwing papansinin ako ng bata, wala akong emosyon o reaksyon. Aaminin ko: hindi ako marunong maglambing ng isang bata.

May bunso rin naman akong kapatid. Dalawa lang kaming magkapatid pero wala akong matandaan na naging mabuting kuya ako para sa kapatid ko. Hindi ko alam kung paano maglambing ng bata. Mabait naman ang kapatid ko, sadyang ako lang talaga ang gago. Hindi ako nagpaka-kuya noon sa kapatid ko sa panahong hindi niya naranasang lumaki kasama ang tatay namin na iniwan kami para lang sumama sa ibang pamilya. Tuwing naiisip ko ang mga bagay na iyon, naiinis ako sa sarili ko. At sa tatay kong iniwan kami.

Naisip ko, mahirap pala iyon para sa kapatid ko (na di naglaon 'kuya' na rin ang tawag ko sa kanya) noong bata pa siya. Iniwan na nga kami ng tatay namin, hindi niya naranasang lumaki sa tabi ng tatay, hindi pa ako naging mabuting kuya para sa kanya noon. May guilt ako na hindi ko naiparamdam sa kanya na kakampi niya ako kapag tinutukso na siya ng iba na 'iniwan kami ng tatay namin para sumama siya sa iba.'

Ni minsan, hindi ko naipagtanggol ang kapatid ko laban sa mga tarantadong yun. Napakasama kong kapatid. Napakasama kong kuya. Pero mas masama ang tatay namin na iniluklok kami ng kapatid ko sa ganoong nakakahiyang sitwasyon. Balik-tanaw lang naman ito at isa lang naman ang ibig kong sabihin: hindi ako marunong manglambing ng isang bata (hindi ko ma-connect).

Muli akong tinawag ng batang babae saka siya lumapit para ibigay ang isang dalandan (na sa sobrang baba ay abot-kamay lang niya) na siya pa mismo ang nagpitas para sa akin. Nahihiya ako noong una pero nagpasalamat ako sa kanya saka ko tinanggap ang dalandan.

"Thank you!" sabi ko na medyo nahihiya pa saka ako umalis. Naiintimidate ako. Panay ang sigaw niya noon sa akin ng 'bye-bye, kuya!' hanggang makapasok ako noon sa bahay nang hindi man lang siya nililingon (bastos lang?). Pero napakabait niyang bata, wala akong masabi. Lagi siyang ganoon, araw-araw.

Naisip-isip ko rin, medyo awkward na rin iyon para sa akin. Isipin mo, bata na ang sumusuyo sa matandang kuya tulad ko? At lalo, hindi ko na naman ipinaramdam sa batang iyon na masaya rin akong makakita ng isang bata na tulad niya. Masaya ako dahil naaalala kong ganoon ang kuya ko noong bata pa siya--madaldal at masiyahin. Cute.

Makalipas ang ilang mga araw, hindi ko na siya nakikita. Ang sabi, isinama na raw siya ng mga magulang niya doon sa Cavite, kung saan talaga sila nakatira. Nalungkot ako. Bigla kong namiss ang batang iyon saka ako nakaramdam ng pangungulila.

Kinagabihan, magdamag akong umiiyak dahil bigla ko ring namiss si Kuya ko. Namimiss ko na siya at gusto ko siyang makita at makakuwentuhan.

Comments