Imaginary Friend

Noong bata pa ako, mayroon akong isang kaibigan. Hindi ko na matandaan noon kung paano, saan, at kailan ko siya nakilala. Basta ang alam ko, kaibigan ko siya dahil dumating siya sa buhay ko.

Lalake rin siya. Magsinggulang kami. Mabait siya at tahimik. Pareho ang tangkad at pangangatawan namin. Lagi kaming magkasama. At higit sa lahat, hindi kami nag-uusap.

Naipakilala ko na siya kina mommy at daddy ko (hindi ko maalala kung paano ko iyon nagawa gayong hindi naman kami nag-uusap). Naipakilala ko na rin siya sa ibang mga kaibigan at teacher ko sa school. Pero may isang problema silang nakita sa kaibigan kong ito na hindi ko nakita at maintindihan.

Iisa lang ang sinasabi nila: hindi raw nila nakikita ang kaibigan kong iyon.

Imaginary friend. Ito raw ang tinatawag ng mga dalubhasang sikolohista tungkol sa mga batang may ganitong uri ng karanasan. Hindi naman daw ito sakit sa pag-iisip at normal lamang daw iyon para sa mga batang tulad ko. Hindi rin naman ako tinukso ng sinuman tungkol doon.

Nakahinga noon nang maluwag sina mommy at daddy nang una itong napuna ng teacher ko. Paano naman kasi, mukhang makatotohanan daw ang mga sinasabi ko. Baka raw magkaroon ako ng problema kung hindi raw niya sasabihin kina mommy at daddy ko. Salamat naman kung ganoon.

Pagkatapos noon, nawala na lang ang imaginary friend ko. Nakalimutan ko na rin ang tungkol dito at kung anong pangalan niya. At kahit kailan, hindi na rin ako nakarinig ng mga kuwento tungkol sa mga may imaginary friend.

Pero bigla ko na lamang itong naalala nang damputin ko ang pakalat-kalat na librong General Psychology sa isang bus stop at nagbasa. Naiwan yata ito ng isang estudyante. At habang inip na inip ako noon sa kahihintay ng masasakyan, binabasa ko ang isang paksa tungkol sa imaginary friend ng mga bata na nasa ikaapat na kabanata ng libro.

Habang nakaupo ako sa hintayan, dumating ang isang college student. Nakapayong siya. Basang-basa na ang laylayan ng pantalon niya dahil sa malakas na ulan. Palingon-lingon siya sa paligid, parang may hinahanap.

"Iyo ba 'to?" itinaas ko ang libro saka hinarap sa kanya.

Pagkakita, nakitaan ko siya ng paghinga nang maluwag.

"Oo. May quiz pa naman kami dyan bukas, maraming salamat!"

Hindi ko siya napansin. Hindi ko alam kung bakit, bigla akong natahimik at natulala nang mapansin ko ang pangalan niya sa pabalat.

'Bryan James Garcia.'

Napatingin ako sa kanya. At sa sarili, mukhang matagal na panahon ko na siyang nakilala.

"Ayos lang ako," sabi ko sa binata nang bigla niya akong tapikin sa balikat. Doon ako nahimasmasan.

Sinabi ko sa kanya ang totoo (kung bakit bigla na lang akong nagkaganoon) saka siya napakunot ng noo. Bago siya umalis, muli siyang nagpasalamat sa akin saka muling sumugod sa malakas na ulan.

Huli ko nang naalala: Bryan James Garcia. Iyon ang natatandaan kong ipinangalan ko sa imaginary friend ko.

Comments

Post a Comment