Sampalan

Habang mahimbing na ang tulog ko, kinagat ako ng lamok sa binti. Sinampal ko kahit pa antok na antok na ako. At pagtingin ko sa palad ko gamit ang liwanag ng phone, nakita ko ang maraming dugo. Alas onse y media na 'yon ng gabi.

Muli kong sinampal ang hita ko dahil sa lamok. Nahuli ko agad at tulad noong una, maraming dugo uli ang napatay ko. Pasado alas dose na 'yon ng hatinggabi.

Kaya lang, hindi ako kaagad nakatulog dahil sa malakas na pagpalo ko sa hita. Parang pati hita ko, nagkaroon ng bakat (o pasa) ng kamay ko. Ganoon katindi at kalakas dahil inistorbo ng lamok ang tulog ko. Bwisit na bwisit ako.

Ang alam ko, hindi napapasukan ng lamok ang kuwarto ko. Parang literal kasing binalot ng net ang buong quarters at dahil mag-isa lang naman ako sa inuupahan ko ay hubo't hubad lang ako natutulog nang walang kumot kaya parang welcome na welcome sa akin ang mga lamok.

Muli rin naman akong nakatulog nang pinilit kong huliin ang nawalang antok. At kung kailan naman ako nakatulog, muli akong kinagat ng lamok sa braso at agad pinalo. Malakas. Parang may kasama nang kamao . . . na parang hindi akin.

Ala una na iyon ng madaling araw. Doon ko na naisipang magkumot. Nagtiis ako sa kaunting init nito hanggang makatulog.

Pagsapit ng sumunod pang oras, may lamok na kumagat uli. Sa ngayon, ang pisngi ko naman ang dinadale nila. Hindi ako basta namalo sa pisngi ko (kasi baka malakasan ko ang pagsampal sa sariling mukha) kaya binugaw ko na lang ito saka ako nagkumot.

Manipis ang kumot na ginamit ko kaya nakakagat pa rin ako ng mga pesteng lamok. Nanggigil ako. Inabangan ko siyang dumapo sa pisngi ko habang paikot-ikot siya sa mukha ko.

Hinanda ko ang kamay ko sa pagpalo nang dumapo na ang lamok sa kanang pisngi ko. Pero bago pa ako makabuwelo para manampal ng lamok ay may isang kamay na ang biglang lumitaw at sinampal ang kaliwa kong pisngi. Nagulat ako at natakot. Napasigaw ako sa gulat at napa-'aray!' sa sobrang lakas ng sampal na iyon.

Agad kong sinindi ang ilaw. Nasindak ako nang makarinig ako ng maliit at mahinang halakhak ng babae hanggang mawala. Hindi ko nahuli kung kaninong kamay iyon na sumampal sa akin hanggang mapagtanto kong may ibang nilalang akong kasama sa kuwarto ko na hindi nakikita.

"Mahuli ko lang kung sino ka," pagbabanta ko na may takot, "punyeta, masasampal ka rin sa akin nang matindi. Yung mamimilipit ka sa sakit . . . at hindi mo kakayanin!"

Walang sumagot sa mga babala ko. Tahimik na ang buong kuwarto pero takot na takot pa rin ako. Pinakiramdaman kong mabuti ang buong paligid. Wala na siya, kung sinumang demonyong lamang-lupang nilalang na nananampal sa kalagitnaan ng kahimbingan ko ng tulog. Doon, medyo nakahinga na ako nang maluwag dahil ilang sandali pa ang lumipas, wala na ang nilalang na iyon. Mukhang sumuko na siya . . . o natakot sa akin.

Maya-maya, tumumba ako sa higaan nang sinampal ng kamay na iyon ang kanang pisngi ko. Hataw. Malakas. Doon na ako tuluyang nakatulog.

Comments