Ber Month Na

Ber month na. Ilang buwan na lang, pasko na naman.

Totoo, kahit naghihirap kami sa buhay, masaya ang pamilya namin dahil kasama namin sila.

Noong mga panahong nalulunod kami sa matinding lungkot, sila lang ang nagpapasaya sa amin. Oo, nararanasan din namin na hindi kumain ng tatlong beses sa isang araw pero masaya pa rin kami dahil kasama naman namin sila, sa hirap man ng buhay o ginhawa.

Sabi nga, ayos lang na magutom kami kaysa may buhay na mawala. Mas mabigat ang problemang iyon. Sanay naman ang pamilya namin sa hirap.

Pinipili pa rin naming maging masaya sa kabila nito (kahit ang hirap yata ng ganoon) dahil kasama namin sila. At inggit na inggit sa amin ang iba dahil masaya pa rin kami kahit naghihirap (edi, gumaya na rin sila hahaha).

But kidding aside, alam kong tinatanong mo sa akin kung sino sila na tinutukoy ko. At alam kong tatawanan mo ako kung sasabihin ko sa 'yo na sila ay ang mga alaga naming aso (pero maiintindihan ako ng sinumang pet owner out there). Sigurado, nasa isip mo ngayon na maliit na bagay lang ito para sa 'yo. Pero para sa amin, kabaligtaran ito ng iniisip mo.

Kapamilya na ang turing namin sa kanila. Subok na ang aming samahan sa tagal ng panahon. Masasabi naming ni minsan ay hindi sila pumalpak sa paghaplos ng mga puso namin tuwing nalulungkot. At dahil sa kanila, nagagawa naming piliin ang kasiyahan sa kabila ng kalungkutan (at kahirapan sa buhay, hehe).

Ber month na. Ilang buwan na lang, pasko na naman. Bago pumasok ang taong 2019, naisip ko na sana, masaya pa rin kami sa darating na pasko at bagong taon, kasama ang mga alaga naming aso. Ang ganda siguro kung lahat ng ito ay masusunod ayon sa kagustuhan ko para sa amin (hindi naman masama, diba?).

Sasapit ang pasko at bagong taon na kasama namin sila: Ito na ang natatanaw ko pagdating ng panahong iyon . . . pero nagkamali ako.

Bakit?

Nabawasan kami ng mga asong mandirigma. Tanggap namin dahil hindi namin naagapan agad ang sakit ng isa at ang isa nama'y sa katandaan na. Oo, sa limang aso, namatayan kami ng dalawa.

Hindi kami handa sa ganitong pangyayari. Dagok at pagsubok ito para sa pamilya namin. Akala ko kasi, mararanasan naming maging masaya hanggang pasko at sa susunod na taon na kasama sila. Malungkot. Sobrang lungkot. Hindi ito ang inaasahan ko ngayong taon. Parang sasabog ang puso ko dahil sa tagpong iyon. Parang muling naging miserable ang buhay ko dahil doon pero wala akong magagawa.

Masakit gumawa ng isang hukay para maglibing ng isang mahal sa buhay. Alam 'yan ng sinumang pet owner na sobrang nagmahal sa kanilang alaga. Sana, tama na iyon dahil masakit, eh . . . pero nagkamali ako.

Ilang buwan lang ang nakalipas, tatlo sa natitira naming aso ang pinatay sa pagkalason. Pinatay. Sa pagkalason. Walang tinira. Inaraw-araw ng kung sinuman ang nanglason sa bakuran namin. Hindi namin alam kung sino. Mahirap magbintang.

Hindi na ako nakapagpigil. Idinaan ko na sa iyak ang lahat ng sama ng loob ko sa pagkawala nila. Halos mahimatay ako sa pinakahuling aso na tumumba mismo sa harap ng mata ko at nawalan ng buhay. Na kahit ano pang gawin ko sa kanya noon ay hindi na siya mabubuhay. Hindi ko na maibabalik pa ang buhay niya kahit kailan. Na parang may isang bagay ang biglang sumabog sa isip ko dahil sa mga tagpong iyon.

Hindi ako (kami) makapaniwala. Iyak ako nang iyak habang inililibing namin sila. Hindi ako tumitigil kasi sobrang sakit na talaga. Parang nawalan ako ng isang kapatid. Hirap na hirap akong magluksa. Ayoko namang sabihin pa sa mga kaibigan para sana damayan ako para lang sa nawalang aso. Naroon kasi ang takot na mapagtawanan.

Masama ang loob ko. Sobra. Malungkot ako noon at may malalim na galit sa kung sino man ang responsable nito. Hindi makatarungan ang ginawa nila sa mga alaga namin. Buong galit ko 'tong sinumpa: matindi at malala. Yung tipong may lagim at sakit na hindi niya kakayanin, kung sino man siya. Hanggang isang linggo ang lumipas, nakilala ko rin kung sino ang salarin dahil sa hiniling kong mangyari nga sa kanila (oo, dalawa sila at malala ang sinapit).

Wala na ang mga alaga naming aso. Ang mga masasayang samahan namin na kasama sila tuwing nalulungkot kami o nagugutom ay sa alaala na lang. Na hindi sila tulad ng ibang tao na nang-iiwan na lang sa ere pero sila, nariyan pa rin sila anuman ang mangyari sa 'yo. Na kahit nalulunod ka sa matinding lungkot e pinipili mo pa ring maging masaya dahil nariyan sila. Pero paano na ngayong wala na sila? Sila na siyang sandalan namin?



Ber month na. Ilang buwan na lang, pasko na naman. Kung kailan naging mabuti ang lahat, doon naman sila nawala. Ito ang magiging unang pasko ngayong taon na wala silang lahat.

Comments