Formation

May magaganap na formation sa Manila: 0800 October, Lunes.

Ito ang abiso ng admin.

Linggo pa lang, maayos na ang mga gamit ko dito sa San Mig, Tarlac. Pagkatapos manood ng mga 'di-umano' sa KMJS, agad akong natulog ng isang oras at gumising ng mga hatinggabi.

Pinili kong umalis ng hatinggabi dahil (1) mahirap mag-abang ng bus na tutungong Cubao, (2) may matagal na stop-over pa ang bus sa Dau (o minsan sa Marquee Mall), at (3) ayokong ma-stuck sa malalang trapik ng EDSA o sa Taguig. Naisip ko pa na hindi ito ang magandang oras para matulog sa biyahe kaya dilat ang mga mata ko kahit antok na antok pa.

Wala pa akong masakyan ng mga alas dose y media. Nang tumambay ako sa bus stop, napagtanto kong maganda pala ang McArthur highway kapag walang sasakyan: malinis, tahimik, tapos puwedeng-puwede kang mag-budot dance sa gitna tulad ng sa EDSA.

Pero nakakapraning na ito kapag nagmamadali, lalo na ng mga sandaling iyon. Gusto ko nang umiyak. Paano naman kasi, ilang minuto na lang bago sumapit ang ala una, wala pa akong nasasakyan!

Pisting yawa! I said to no one in particular.

Pagsapit ng ala una, dumating ang isang kilalang bus company na bibyahe ng Pasay. Tuwang-tuwa ako, sobra. Pero hindi niya (yata) napansin ang pagkaway ko para sana sumakay sa kanila. Bwisit! 'kako. Hindi kayo makakarating sa destinasyon ninyo nang mas maaga!

Lumipas na ang kalahating oras. Inip na inip na ako. Medyo natataranta at nangangamba na rin dahil baka mahuli ako sa pagdating ko sa pinag-usapang oras. Ayoko pa namang nahuhuli o sumasakto ng dating dahil sobrang nakakahiya. Para sa akin, mas mahalaga ang isang pulgadang oras kaysa sa isang pulgadang ginto. Therefore, time is gold!

Maya-maya, dumating naman ang isang sosyal na bus na bibyahe naman sa Cubao. Akalain mong parang nag-usap silang dalawa ng naunang bus kasi hindi niya rin ako hinintuan?!

Galit na ako ng mga sandaling iyon. Galit na galit!

Matagal naging tahimik ang buong kalsada.

'Humingi naman ako ng paggabay sa Inyo bago ako umalis ng bahay, diba, Lord?' hinawakan ko ang dibdib ko. 'Bakit . . . ?'

Pero nawala iyon nang dumating ang isang reginal bus. Huminto ako sa pagd-drama.

Kung ang paghawak ko sa dibdib ang siya palang sagot para makasakay ako nang mas maaga sa bus, sana, kanina ko pa ginawa. 'Anyway, thank you po Lord, lovelots!' I said, smiling unconsciously nang makapuwesto ako sa kanang bahagi.

Kaya lang, pagdating namin sa Concepcion, Tarlac, hindi ko alam kung matatawa ako o maiiyak, o kikilabutan, nang makita ko ang dalawang bus na hindi nagsakay sa akin. Nagkasagian sila at nakaharang pa sa kalsada. Nanlaki naman ang mga mata ko dahil sa biglang takot.

Basag ang harapang salamin ng isang bus habang nakadikit ito sa likuran ng sosyal na bus. Maraming salamat pa rin dahil walang naitalang nasaktan ang mga otoridad sa insidente (wala namang ambulansya). At salamat na rin dahil hindi nila ako sinakay sa bus na 'yon nang--

Teka . . . ano nga ba ang ginawa ko bago ako umalis ng bahay . . . ?

Comments