Basura

Rapture
Laman ng balita ngayon sa buong bansa na maraming tao sa pampublikong lugar ang bigla na lamang nawawala sa ere. Yung tipong parang rapture sa apocalipsis na ang isang katawan ng tao ay maglalahong parang bula na walang iiwanang bakas maliban sa suot nitong damit. Marami na tuloy ang takot lumabas ng bahay, sa araw man o sa gabi.

Nakakatakot isipin na baka ito na nga ang tinatawag na panahon ng katapusan ng mundo na sinasabi sa Banal na Kasulatan. Dahil dito, naging agresibo ang mga religious group sa bansa sa pagpapakalat nila ng mga Salita ng Diyos para lang mailigtas ang tao. Lahat sila ay nagulantang, nataranta, at nasindak.

Hindi na masama. Maraming tao ang nagbago. Marami na ang nagsisimba, bumait ang mga taong tarantado't gago, at kahit yung mga taong may sala sa pitong nakamamatay na kasalanan, aba, nagbago na rin! Pero wala ring ligtas ang iba sa hindi malamang dahilan kahit na hindi naman gumagawa ng masama.

Wala nang masasamang balita ang naririnig sa iba't ibang mga news platforms. Wala nang patayan, wala nang nakawan o korupsyon (#realtalk: gumaan ang ekonomiya ng bansa nang mawala sila!), o anumang mga masasamang gawain na madalas marinig sa TV . . . wala, wala na lahat. Sa halip, 24/7 religious program na ang nasa mga radyo at TV (hindi na lang puro Linggo).

Sa kabila nito, walang paliwanag ang mga dalubhasa sa siyensya kung paano ang isang tao na nasa isang pampublikong lugar ang bigla na lamang maglalaho sa ere na parang bula. Aelien (o extraterrestrial) abduction? Malabo. Wala namang bagong tuklas na sakit ng tao ang world health organization para mangyari ang ganitong kaso (kung isa 'tong uri ng bagong sakit) at sa halip, lalo pa itong naging masalimuot. Wala ring alam ang forensic team ng kapulisan kung mayroong foul play ang ganitong karanasan.

Isa itong malaking tanong na walang sagot. Nahihiwagaan na ang lahat.

Salot ang turing ng lahat sa ganitong nangyayari. Tapos, pansinin mong kailangan pang magkaroon ng ganitong uri ng salot para lang muling maalala ng mga tao ang Diyos na matagal na nilang kinalimutan.


Hula
Isang araw, may isang lalake ang bigla na lamang nagreport sa malapit na pulisya na nawawala raw ang anak niyang babae. Sa paglalarawan ng ama sa hitsura ng bata, isang pulis ang lumapit at sinabing saksi siya sa biglang paglaho ng anak nito sa ere, doon sa kabilang kanto. Ayon pa sa kanya, wala raw itong naiwang bakas kundi ang suot nitong damit at tsinelas.

May gumaganang CCTV sa bahaging iyon ng sinasabing kanto. Binalikan nila ito at inabangan. Doon nila nakita ang bata na naglalakad pauwi ng bahay, binuksan ang biniling kendi sa isang tindahan at bigla na lamang naglaho. Walang natira sa bata kundi ang damit, tsinelas at ang balat ng biniling kendi. Hindi naiwasan ng lahat ang matakot at kilabutan sa eksenang iyon.

Kaya lang, hindi raw maaaring magreport ang ama ng nawawalang bata kung hindi pa ito umabot ng apatnaput walong oras. Minura-mura niya ang ganitong paliwanag ng pulisya at nagtangkang sunugin ang buong presinto. Nakulong ang ama sa kasong arson nang paliyabin niya ang gasul pero agad namang naagapan ang pagkalat ng apoy sa mga mahahalagang papel.

Halos mawala sa sarili ang misis dahil sa sinapit ng nakulong niyang asawa. Pero hindi niya ito gaano pinagtuunan ng pansin. Sa halip, gumawa siya ng paraan para hanapin ang nawawalang anak.

Umuwi siya sa malayo nilang probinsya upang lapitan at humingi ng tulong sa matandang babaylan ng kanilang baryo na nakatira sa isang maliit na kubo. Nang sumapit ang gabi ng Biyernes, habang bilog ang buwan, nagsagawa ang matandang babaylan ng isang orasyon sa kakila-kilabot na paraan.

"Heto po ang pasalubong kong milk tea. Masarap po 'yan. Pero nakikiusap po ako sa inyo, alamin n'yo po kung nasaan ang anak ko at bakit siya nawala . . ."

Lumingon lang sa kanya ang matandang babaylan. Ngumiti ito na parang isang demonyong mangkukulam at ipinakita sa kanya ang sagot.


Sumpa
Mag-isang inilibing ni Aling Marie sa tabi ng isang malaking damp site ang nag-iisa nitong anak na babae, sampung taong gulang. Hindi niya na nabigyan pa ito ng disenteng libing dahil wala siyang sapat na pera at, dumagdag pa sa kanyang pasakit ang pagsama ng kanyang pedicab driver na mister sa ibang babae dala ang kanilang naipon na pera sa alkansyang yari sa maliit na lata ng biskwit. Walang sinuman--kahit isa--ang nagbigay man lang ng tulong na pinansyal sa kanya.

Namatay ang anak ni Aling Marie dahil sa naganap na pagguho ng bundok ng basura sa tabi ng pinagtagpi-tagpi nilang bahay. Isang operator ng dump truck ang nagsunog ng basura noong hapong iyon hanggang kumalat ito malapit sa kanilang bahay. Habang isa-isang kinukuha ng mag-ina ang mahahalagang gamit, isang malakas na pagsabog ang dumagundong sa tuktok ng bundok ng basura, dahilan upang gumuho ito sa kanilang tinitirahan. Nakaligtas si Aling Marie pero hindi ang anak nitong naiwan sa loob ng natabunang bahay.

Mabilis na nagliyab ang mga basura at makalipas ang halos kalahating oras, sunog na katawan ng batang babae na lamang ang nahanap nila na balot pa ng mga nasunog at natunaw na plastik.

Noong una, parang sasabog ang puso ni Aling Marie sa matinding lungkot nang mamatay ang nag-iisa niyang anak. Masama naman ang kanyang loob dahil wala sa tabi niya ang inaasahang mister. Maliban pa rito, nagkaroon siya ng isang hindi makontrol na bagay na sobrang lakas, isang bagay na hindi niya pa naramdaman sa buong buhay niya: ang matinding galit.

Oo, matinding galit ang dumadaloy sa bawat ugat ni Aling Marie papunta sa kanyang puso. Iyon ang pinakamadilim na bahagi ng buhay niya na hindi gugustuhing maranasan ng sinuman.

Nang mailibing ang anak, sumigaw ito at isinumpa na papatayin niya ang lahat ng mga taong iresponsable sa paggawa at pagtapon ng basura, na siyang isinisisi niya ngayon sa pagkamatay ng kanyang anak. At pagkatapos, nagbigti ito sa itaas ng puno ng Alateris. Tulad ng kanyang anak, hindi siya binigyan ng taumbayan ng maayos na libing dahil sa paniniwalang karumal-dumal na krimen ang pagpapakamatay.

Naging isang masamang espiritu si Aling Marie. Pagala-gala ang espiritu niya sa buong bansa upang humanap ng bibiktimahin sa sinumang iresponsable na nagtatapon at gumagawa ng basura. Pinapatay niya ito at pinarurusahan sa pamamagitan ng pagkuha niya ng mga katawan ng tao na ang iiwanang bakas ay ang suot nitong damit. Naniniwala siya na isa itong karapatan na ipinagkaloob sa kanya at wala siyang pinipili, kahit pa ang mga inosente.

Matindi ang galit ng espiritu ni Aling Marie. At walang sinuman ang makapagpipigil nito.


Aftermath
"Isipin mo, ha. Balat lang ng kendi ang tinapon ng anak mo sa kalsada, aba'y pinatay na ng bruhang ito!" galit ang matandang babaylan habang sumisipsip sa milk tea. "Nakita mo? Nakita mo na ang dahilan?! Lahat ng mga taong burara sa pagtapon ng basura e pinapatay niya, nationwide!"

Biglang na-drain ang lakas ng Ina ng nawawalang bata, mistulang nalumpo nang bumagsak sa sahig, nang malaman nito ang tunay na dahilan na nakita ng babaylan. Tumingala siya sa matanda, nakikiusap ang pagtingin.

"Wala nang paraan para maibalik pa ang buhay ng anak mo at ng mga kinuha niya," umirap ang tingin ng babaylan sa Ina. "Kasalanan niya 'yon! At ikaw, bilang magulang, hindi mo ba tinuruan ang anak mo sa pagtapon ng basura sa mga proper bins? Hindi ba kayo tinuruan ng mga magulang ninyo before?!"

"Tumigil ka na."

"The nerve!" nagtaray na ang matandang babaylan. "Isipin mo, bago pa mabuo ang devilish spirit ng Marie na 'yan, ilang inosenteng tao na ba ang naperhuwisyo ng iresponsableng pagtatapon ng basura, ha? Nagkaroon ng sakit? Mga buhay na nawala? Kalikasang nasira tulad ng hangin, tubig, lupa, at buhay ng mga hayop? Dapat pa ba nating sisihin ang Marie na 'yan sa kung anong nangyayari ngayon? Ano? Sagot?!"

"Tama na, tama na!" pakiusap ng Ina, luhaan.

"Alam mo, isa ka lang sa larawan ng mga taong walang disiplina sa pagtatapon ng basura. Tapos, kapag naperhuwisyo kayo ng mga kalat ninyo, aba, magaling pa kayong magreklamo!"

"S-sorry po."

"Sorry-sorry?" ngumisi ang babaylan saka sinimot ang milk tea. "Patawarin mo, sarili mo dahil nawala ang anak mo nang dahil sa basura. Alam mo, disiplina lang talaga ang kulang, eh. Wala kang disiplina. Disiplina lang!"

Biglang naglaho ang babaylan sa ere nang lumabas ito sa kubo at maangas nitong ibinasura ang baso ng milk tea sa kalsada.

Comments