Nawawala, Naliligaw

Minsan, nagising ako ng umaga. Pagbangon ko, bigla akong nagtaka: Nasaan ako? Anong ginagawa ko rito? Ang nakakatakot pa, sino ako?

Totoo, hindi ko makilala kung sino ako. Wala akong alam.

Bago ko inimulat ang mata, nananaginip ako na naroon daw ako sa isang lugar kung saan maraming itim at puting linya. Para silang naglalaban, naghahalo, at parang nakaharap ako sa isang static ng TV.

Hindi, parang naroon ako mismo sa loob nito.

Titingin ako sa paligid. Inaalala, kung anong lugar 'to at kung totoo o hindi. Tapos, doon ko na lang maaalala na oo nga, nandito nga pala ako sa sariling kuwarto.

Napansin ko, parang bago ang lahat. Hindi, bagong-bago sa paningin ko ang lahat kahit pa alam ko sa pinakailalim ng isip ko na matagal ko nang pag-aari ang mga bagay na nasa paligid ko: damit, higaan, mga libro, maging ang buong kuwarto.

Nakakabigla at nakakalito. Sumisigaw ang isip ko, sinasabing, 'Hindi ko pag-aari ang lahat!'

Mukhang naniniwala ako sa kanya, sa sinasabi ng isip ko.

Lalapit ako sa isang lamesa, sa tapat ng bintana. Makikita ko roon ang tambak na mga lumang test paper at mga burador ng thesis noong college. Pagtingin ko sa isa sa mga nakakalat na papel, makikita ko roon ang sulat-kamay na mga kuwento.

'Isinulat mo 'yan, lahat ng 'yan,' sumabad na naman itong isip ko, halos pabulong. Para siyang nakikipag-usap sa akin, na parang narinig mismo ng tenga ko mula sa mahinang hangin. 'At mahilig ka ring magbasa.'

Ako?
Nagsusulat?
Nagbabasa?
Talaga?
Paano?
Kailan pa?

Marami akong tanong pero walang sumagot. Hirap na rin akong maniwala sa sinasabi niya.

Kinapa ko ang sariling katawan mula ulo hanggang paa. Pero . . . wala akong maramdaman. Hindi ko alam kung malamig ba o mainit ang balat ko. Nagmamanhid ang kamay ko. Wala akong pandama.

Parang . . . hindi ko 'to katawan.

Maya-maya, nakaramdam ako ng matinding pangungulila na halos ikaiyak ko. May kasama siyang nakakatakot na mga alaalang mukhang naganap noon pang matagal na panahon, parang panaginip, na biglang nagpakita sa isip ko.

May hawak akong rebolber. Tumatakbo ako sa maraming puno. May kasama akong batang lalake at babae na ang edad ay sampu pababa. Pareho silang may bitbit na bayong. Tumatakbo kami sa dilim habang maliwanag ang buwan. Umiiyak sila.

May tatlong armadong lalake ang humahabol sa amin. May hawak silang sulo na unti-unti nang lumalapit sa amin. Pagliko namin sa puno ng Kasmeralya (na buong buhay ko e hindi ko pa narinig at nakita pero matatalim daw ang dahon nito na parang pinunit-punit na tela o panyo, matinik ang sanga, dilaw ang mabangong bulaklak na singliit ng isang buttercup, lila ang bunga na singliit ng pingpong, at may pulang mabangong dagta), nalaglag sa isang patibong ang batang lalake, na nakakapit sa batang babae, kaya dalawa silang nalaglag.

Natunton kami ng mga humahabol nang sumigaw ang mga bata para humingi sa akin ng tulong. Sinisigaw nila ang pangalan kong hindi ko na matandaan. Hindi ko na nagawang tumakas dahil hindi ko maiwan ang dalawang bata sa patibong.

Ginapos nila ako sa puno ng Akasya. Kinuhanan ng mga armas at patalim. Nilagyan nila ng mga tuyong dayami at bi-gaas (bigas na nagliliyab kapag sinindihan ng apoy, parang kerosin) ang patibong, saka sinindihan ng apoy hanggang magliyab ang buong hukay. Naghiyawan ang mga bata sa hukay hanggang mamatay sila sa sunog. Matalim naman ang tingin sa akin ng tatlong lalake.

Halos mabasag ang lalamunan ko sa pagtawag sa mga bata sa nagliliyab na hukay. Maya-maya, isang matandang babae ang dumaan at huminto sa harap ko. Kinuha niya ang pendant sa leeg ko na yari sa kapirasong kahoy saka niya itinaas sa ere. May mga salita siyang binibigkas na hindi ko maintindihan (at mabilis), saka siya biglang naglaho sa ere na parang bula, sa harap mismo ng paningin ko. Takot na takot ako at nangingilabot.

"1545," biglang lumabas sa bibig ko--hindi sinasadya--habang nakaharap ako sa bintana. "Dyan mismo sa labas, sa likod ng bahay."

Ewan ko, pero may nagsabing nabuhay ako noong panahong iyon.

Wirdo. Para akong nawawala, o naliligaw.

Comments