Librito

Isang gabi, binabangungot ako.

Sa panaginip ko, may tumatawag ng pansin ko mula sa dilim, "Pssst!"

Narinig ko 'to sa kung saan pero hindi ko pinansin. Hindi ko pinansin dahil . . . dahil nakakatakot ang paraan niya (kung sino man siya) ng pagtawag niya ng pansin ko mula sa dilim.

"Pssst!" muli niya akong tinawag. Tapos, binigkas niya na ang pangalan ko nang mabagal, halos pabulong na medyo malapit pa sa tainga ko.

Doon . . . doon na ako inakyat ng matinding takot at kilabot dahil ang lamig ng boses niyang parang nanggagaling pa sa ilalim ng lupa, lalo na sa pagbigkas niya ng pangalan ko. Di ko na naiwasang taasan ng balahibo mula ulo hanggang paa.

May nagsabing huwag akong lilingon pero sa huling salita na binanggit ng nagbabala, doon ko siya nakita.

Isa siyang itim na babae. Nakatayo siya sa likod ko, dalawang talampakan ang taas, nakatingin siya sa akin at nakangiti. Nakakatakot ang hitsura niya at hindi ko mawari kung anong uri siya ng nilalang.

Gusto kong tumakbo pero hindi na ako makagalaw.

Pumikit ako saka nagdasal, "Ama namin sumasalangit ka, sambahin ang Ngalan Mo, mapasaamin ang Kaharian Mo, sundin ang loob Mo . . ." pero saglit akong natigilan. Napalingon ako sa mga mata niyang nakatitig sa akin, na may masamang balak sa akin, saka ko nakalimutan ang susunod na linya ng dasal.

Muling nagsalita ang nagbabala at nagsabing hindi raw siya aalis kapag hindi ko tinapos ang dasal. Ang problema, hindi ko na alam ang susunod doon dahil hindi naman ako pala-dasal tapos papalapit na ang nilalang na iyon sa akin, gusto akong hulihin.

"Halika," sabi niya sa akin. "Dadalihin na kita sa hukay mo," dugtong niya, nakangiti sa akin.

Nataranta na ako sa takot lalo na nang tumawa siya na parang isang mangkukulam.

Hinanap ko ang librito ng Doctrina Christiana. Habang kumakapa sa diim, may naghagis nito sa harap ko at binasa agad ang dasal. Hindi ko pa nababasa ang kalagitnaan ng dasal nang mapansin kong nawala na ang nilalang. Nawala rin ang librito.

Nagising ako mula sa panaginip.

Comments