Pangatlong Beses

Nanaginip ako.

Nakahiga ako sa sahig ng isang maliit at tahimik na kuwarto. Hindi ako makagalaw habang nakatitig sa malamlam na liwanag ng bumbilya.

Maya-maya, dahan-dahang bumukas ang maliit na pinto na nasa paanan ko. Tumambad sa akin ang isang mahabang hallway. At . . . isang kamay na siyang nagbukas ng pinto.

Nanlaki ang mga mata ko sa takot, lalo na nang sumilip siya sa loob ng kuwarto kung saan ako nakahiga. Ulo lang ang nakita ko sa kanya. Natatakpan ang mukha niya ng buhok niyang mahaba at kulot.

Sunod-sunod na kumabog ang dibdib ko sa takot dahil papalapit siya sa akin. Hinahabol ko ang hininga ko. Hindi ako makasigaw at walang salita na lumalabas sa bibig ko. Pagbukas ng mata ko mula sa pagpikit, nawala ang ulo na nagpakita sa akin.

Maya-maya lang--THUD! Isang malakas na tunog ang narinig ko sa pader na parang may nag-untog ng malaking bato sa kongkretong pader.

Paglingon ko, may nakita akong mukha ng karumal-dumal na multo. Nakalutang siya sa ere, hindi ko makita ang katawan niyang parang makapal na usok na lumabas sa pader. Mahaba ang buhok nito na parang mga galamay at sinasakal ako ng mga ito.

"Umalis ka!" sa wakas, lumabas sa bibig ko ang salitang ito at doon siya parang hinigop ng pader at nawala. Akala ko, hindi na siya babalik.

Kinalampag ng multo ang pader na parang kinulong siya sa isang kuwarto at dinadabog ang pinto. Kongkreto ang pader ng maliit na kuwarto kung saan ako nakahiga pero nagawa niyang itulak iyon para idagan sa akin. Gusto niya akong patayin.

Habang pinipigil ko na madaganan niya ako ng mabigat na pader, tumawa siya nang malakas . . . isang tawa na parang sinapian ng demonyo. Doon na ako umiyak sa takot dahil nadagdagan ng dalawa pang ulo ang nag-iisa niyang katawan!

May mga matatalim at mahahaba silang pangil, namumutla ang mga balat nila na parang pinahiran ng polbo, mahahaba ang maiitim nilang kuko, at namumula ang mga naglalakihan nilang mga matang nakatingin sa akin saka sila biglang nawala.

Tumabi sa akin ang nilalang na may ulo na nakita ko sa pinto kanina. Ang sabi niya, hindi na raw siya aalis sa tabi ko para hindi na raw ako lalapitan ng mga multong iyon kahit kailan.

Doon na biglang naputol ang panaginip ko.

Pagbangon ko, isang malamig na hangin ang biglang yumakap sa katawan ko.

Ito na ang pangatlong beses na pagdalaw nila sa panaginip ko.

Comments