Usapang Betsin

Isang umaga sa bahay ng boss namin dito sa Antipolo, Rizal, nagluto itong kasama kong Kapampangan ng almusal: tocino, sinangag at itlog.

Namangha itong boss namin sa kasama kong naghanda ng almusal. Ang puna niya, malasa raw ang itlog at sinangag. Masarap daw at malinamnam. Ginanahan siya at naparami ng kain maliban sa tocino dahil masama raw ang pagkain ng mga preservatives dahil may betsin.

Kaya lang, ako naman, bigla kong nalasahan sa niluto niyang sinangag at itlog ang betsin. Madali ko lang nalaman iyon dahil iba ang panlasa ko kapag may betsin ang isang pagkain. Sagot naman niya, tinimplahan niya raw iyon ng isang dilaw na leading brand seasoning granules (hereinafter called the *brand*).

Napahinto ngayon itong boss ko. Inusisa niya ang *brand* at nakumpirmang mayroon nga itong sangkap na betsin: MSG (monosodium glutamate).

Nagtanong siya na may pagkabigla, "Alam mo bang lason sa katawan ng tao ang betsin?" sinita ni boss itong kasama ko. "Nakakaikli ng buhay 'yan! Alam mo bang ipinagbawal na ang paggamit ng *brand* sa Taiwan? Hindi na ako nagbebetsin! Dapat hindi mo 'to nilagyan ng ganoon . . . blah blah blah, da da da, aha aha aha and sha la la la la . . ." mahaba-haba na ang monologue ni boss sa kasama ko.

Bigla kong naisip: may ganoon din ba sila sa Taiwan?

Mula noon, hindi na kami gumamit ng betsin o ano mang mga pampalasang may betsin sa pagluluto. Pero boss namin mismo ang nagsusuply ng mga ganoong seasonings sa stock room.

Luh!

***

Nag-general cleaning kaming dalawa ng kasama ko sa bahay ni boss dito sa Antipolo. Maganda na 'yun para maaliwalas naman ang bahay pagdating niya galing sa Cavite.

Maya-maya, nakatanggap ako ng tawag mula sa kanya. Ni-loudspeak ko para marinig na rin ng kasama ko.

Inutusan ni boss na magluto raw itong kasama ko ng tinola para sa labing isang tao ngayong tanghalian. Papunta na raw sila rito sa bahay. Dinig pa namin ang mga halakhak ng mga binatang kasama niya sa sasakyan.

Nang makabili ng mga rekados, nagsimula nang magluto itong kasama kong Kapampangan. Nagsaing na rin ako ng kanin sa dalawang malaking kaldero habang maya't maya naman ang pagtawag sa akin ni boss, nagtatanong kung ano na'ng lagay ng niluluto ng kasama ko.

"Oy, alam na, ha," paalala ni boss, na ang ibig niyang sabihin, huwag daw niyang titimplahan ng betsin o ng seasoning mix ang tinola.

"Yes, sir!" sagot na lang namin bago pa siya mag-monologue sa phone.

Dumating sila makalipas ang ilang oras. Agad na naming hinain ang pagkain sa hapag saka kami kumain. Humiwalay ako sa kanila at kumain sa sala dahil amoy pawis ako at . . . mukhang yayamanin ang mga kasama ng boss ko dahil mukha silang mga modelo at spoken in dollar!

Ipinagmalaki ng boss ko na ang kasama kong Kapampangan ang nagluto ng masarap na tinola. "Syempre," sabi ni boss, "The best talaga ang pagluluto ng mga Kapampangan!"

Masayang-masaya ang pagtawa ng boss naming ito. Masaya rin ang mga binatang panauhin, lalo na nang ako na ang pinuputakti nila ng mga tanong tungkol sa abnormal psychology: tungkol sa sex at iba pang mga sakit sa pag-iisip.

Ang hindi alam ng boss namin, halos tatlong pakete ng *brand* ang naubos namin para lang maging malasa ang tinola nilang ulam!

Makasakit ya murin itang bosing mi,
karagul na kasing bolang!

***

Isang araw, dumating ang misis ni boss at nagluto ng specialty niyang beef caldereta para sa kanya. Habang kumakain, masama ang tingin ni boss sa misis niya. Nagtatampo siya dahil tinimplahan ng misis niya ang beef caldereta ng *brand*.

"Mama, may kutsilyo sa kusina," sabi ni boss. "Saksakin mo na lang 'tong dibdib ko kaysa patayin mo ako gamit ang betsin!"

Noon ko lang nakita kung gaano katindi ang galit ni boss. Halos hindi magkamayaw sa katatawa itong misis niya. Tensyonado kaming dalawa ng kasama kong Kapampangan habang nasa hapag-kainan.

***

Bago umuwi sa probinsya nila itong si misis ni boss, nagkaroon ako ng pagkakataon na makakuwentuhan (at maka-inuman) siya nang pumasyal kami nina boss sa Overlooking ng Cloud 9 dito sa Antipolo. Nagkasundo kami dahil sa mga gulay dahil isa rin siyang Iloko.

Napag-usapan din namin si boss. Lola's boy pala itong boss namin. Ayaw niya raw talaga ng betsin dahil iyon ang isa sa mga ibinilin sa kanya ng lola niya, na para humaba ang buhay nito, dapat huwag siyang kumain ng mga may betsin.

Pumanaw ang lola niya tatlong taon na ang nakalilipas dahil sa katandaan. That time, she was 109 years old!

Doon ko lalong naunawaan kung bakit ayaw talaga ni boss ng betsin.

Oo nga pala, turning 75 years old na ni boss ngayong darating na June pero mukha siyang 50's!

Comments