5 Lessons I Learned to Sir Cru

Sa tagal na halos kalahating taon, ito ang da best na natutuhan ko kay Sir Cru(z). Maaaring yung iba rito, alam mo na pero heto, isa-isahin natin para maiba naman:

***

PANINIWALA. Ito lang ang pinaniniwalaan kong doktrina (sa sarili): "When there's a threat, eliminate it!" Hindi kita puputukan ng baril kung hindi mo ako tututukan ng baril.

PAMUMUHAY. Kung hindi mahal ang halaga ng kinakain mo noon, dapat hindi 'yon magbabago kapag nagkaroon ka na ng trabaho ngayon. Hindi naman masama na kumain kayo sa marangyang kainan--kung isang beses sa loob ng isang buwan, OK--pero manatili sa dati mong hindi maluhong pamumuhay. Huwag mo nang gagayahin ang ibang taong may kaisipang 'sahod kahapon, gastos ngayon, at pulubi bukas.'

PAKIKIPAGRELASYON. Kapag lumilibot kayo sa mall ng ka-date mo (nililigawan mo pa lang o karelasyon mo na) tapos may nakita siyang gusto niyang bilihin mo, sige lang. Bilihin mo lang para sa kanya hanggang maubos niya na ang pera mo. Tapos, kinabukasan mismo, sirain mo na 'yang sim card mo, itapon at huwag mo nang ibibigay sa kanya kapag bumili ka ng bagong sim. Sa madaling sabi, iwanan mo na siya (o hiwalayan) dahil sigurado akong hindi mo gugustuhing magkaroon ng magastos at maluhong asawa balang araw.

PAMPAMILYA. Kung magkakaroon ka na ng sarili mong pamilya, siguraduhin mong may trabaho rin ang mapapang-asawa mo. Tandaan mo: sa isang buong pamilya, isa lang dapat ang wala o hindi nagtatrabaho (halimbawa, anak na hindi pa puwedeng magtrabaho). At kung nadagdagan kayo ng anak, kailangan, magkaroon ka rin ng iba pang income maliban sa trabaho ninyong dalawang mag-asawa. Kapag dumadagdag ang gumagamit ng plato't kaldero sa bahay, dapat dumadagdag din ang income.

PANGKAPERAHAN. "Divide your salary into three: Savings. Expenses. Contingency."

Sabihin na nating Php 8,448.38 ang nakuha mong sahod ngayong katapusan ng buwan. Kailangan mo siyang i-compute: 20% para sa savings, 50% para sa expenses, at 30% para sa contingency, bago hatiin ang buong sahod sa tatlo. Ganito:

8,448.38 x 0.20 = 1,689.68 (for SAVINGS)
8,448.38 x 0.50 = 4,224.19 (for EXPENSES)
8,448.38 x 0.30 = 2,534.51 (for CONTINGENCY)

1. Savings. Diretso na dapat 'yan sa bangko para kumita ng interest at hindi na dapat gagalawin pa. Tandaan: ikaw lang dapat ang nakakaalam ng savings mo at wala nang iba.

2. Expenses. 'Yan naman ang magiging allowance mo para sa buong cut-off: pambili ng pagkain, pamasahe, pambayad ng kung ano-ano, at iba pa. Hindi dapat kasama rito ang luho. Ito ang dapat gawin habang may expenses:
  • Sa isang buong cut-off, ilista mo ang lahat ng mga nagastos mo mula sa pisong kendi (yes, kailangang ilagay ang halaga ng kendi at kung ilan) hanggang sa sampung libong halaga ng bill mo ng kuryente at tubig. Dapat, walang labis, walang kulang
  • Pagkatapos ng isang buong cut-off, balikan mo ang listahan ng mga pinagkagastusan mo. I-total muna ang lahat ng mahahalagang pinagkagastusan (+). I-total din ang hindi mahalaga (-). Kung ano ang nakuha mo sa (-), iyan ang halaga na nasayang sa expenses mo at hindi na dapat 'yan mauulit sa susunod na sahod
  • Bawat sentimo ay mahalaga kaya kapag may natira sa expenses mo (malaki o maliit man ang halaga), dapat diretso na 'to sa savings mo

3. Contingency. O yung tinatawag nilang "back up" allowance. Gagamitin mo lang ito kung sakaling nagkulang ang allowance mo sa expenses, at/o para sa emergency purposes. Nakatabi lang 'to sa kung saan na madali mong makuha kung kinakailangan at ikaw lang dapat ang nakakaalam. Kung magkano ang natira sa contingency (at kung sakaling hindi ito nadamay o nagalaw dahil sa expenses shortage), diretso na dapat ito sa bangko para idagdag sa savings.

***

Sa huli, ang bonus na bilin lagi nitong si Sir Cru, "Hindi dapat humihinto ang pagdagdag mo ng kaalaman habang tumatanda, tumigil ka man o nagtapos ng pag-aaral. Magkaroon ka ng puso at laging maging mabuti."

Comments