Balut Moment

Isang hapon sa LRR Fort Magsaysay, magkakasama kaming mga daan-daang aplikante ng pagsusundalo. Katatapos lang naming mag-masemase at wala na kaming ginagawa. At dahil kota lang ito para sa mga lalake, wala kaming kasamang babae.

Magkatabi kaming dalawa ng kapwa ko aplikante habang nakaupo sa tabi ng gate noong hapong iyon. Malamig ang paligid gawa ng nasa palibot lang namin ang mga bundok, dagdag pa ang panahon ng amihan. At para mainitan, bumili siya ng isang mainit na balut mula sa isang malapit na vendor.

"Hindi ako kumakain ng ganyan," sabi ko sa kanya pagbasag niya ng itlog. "Pero masarap."

"Sige, tikman mo muna," sabi niya.

Napasubo ako. Ayoko talaga ng lasa ng balut. Pinagbigyan ko siya dahil hindi raw dapat tinatanggihan ang pagkaing alok ng sinumang sundalo kaya humigop ako sa sabaw ng itlog niya.

"Ayoko na," sabi ko. "Salamat."

Ngumiti lang siya nang pagkatamis-tamis. Iyon ang ngiti na gustong-gusto ko sa kanya. Gusto ko ang ngiti niyang iyon . . . na ayoko rin minsan dahil may halong kalokohan. Napangiti na lang din ako at malapit nang tumawa.

Binalatan niya pa ang itlog niya. Nang malantad ang ulo ng sisiw, doon niya ito inilapit sa labi ko.

"Kagat," sabi niya sa akin, nakangiti. Siya ang may hawak ng itlog niya, "Isubo mo yung ulo."

"Uy, hindi na! Salamat!" sabay tawa.

"Sige na, isang kagat lang. Masarap 'yan!"

"Hindi na talaga, salamat!"

Nagtatawanan na kaming dalawa, halos naghaharutan dahil lang sa balut. At yung ibang mga aplikante, makahulugan na ang tingin sa aming dalawa, nanunukso ang mga ngiti.

Comments