Christian's Chicken Corn Soup

Iginisa ni Christian ang sibuyas at bawang. Payo niya na unahin muna ang sibuyas para hindi gaanong masunog ang bawang. Kapag nasunog ang bawang, magbabago ang lasa ng lulutuin.

Sunod niyang iginisa ang hinimay na pinakuluang pitso ng manok hanggang masangag. Mas maganda raw na pakuluan muna ang manok para madaling lutuin.

Matapos isangag ang manok, ibinuhos niya rito ang tubig na pinagpakuluan niya na itinabi niya kanina sa isang malinis na lalagyan. Sabi niya, hindi naman daw talaga marumi ang pinagpakuluan ng manok. Sa katunayan, nandito raw ang talagang lasa ng manok na naikatas raw sa buto nito. Hindi ko alam kung gaano iyon katotoo.

Inilagay niya ang limang mais na matyaga niyang ginadgad gamit ang kutsilyo. Dinagdagan ng kaunting tubig. Tinakpan at pinakuluan hanggang lumapot. Maya-maya, tinimplahan niya ng asin hanggang makuha niya ang tamang lasa.

Nilagyan niya ito ng dahon ng malunggay bago niya ihango mula sa apoy. Kumuha siya ng dalawang mangkok para sa aming dalawa. Magkaharap kami sa hapag kainan.

"Masarap," puna ko.

"Salamat," matipid niyang sagot.

Nakakabingi ang katahimikan naming dalawa. Walang nagsasalita.

"Pusher ang tatay ko," sabi niya sa wikang Pampango. Siya na ang nagtuldok sa katahimikan. Napatigil ako sa paghigop ng malapot na sabaw saka napatingin sa kanya.

"Nakulong na si papa noon pero nakalaya rin nang tulungan siya ni lola mula sa U.S. Dalawang beses na 'yan."

Hindi ako makatingin sa kanya nang diretso.

"Ayaw niyang magpa-rehab. Sabi niya, wala na raw siyang pag-asang magbago."

Humigop siya ng sabaw. Nakaramdam ako ng tensyon.

"Galit na galit ako sa kanya kasi nag-aalala kami para sa buhay namin lalo na ngayong panahon ng giyera laban sa droga. Hindi namin siya mapigilan."

Kahit kaunti lang ang alam ko sa wikang Pampango, naiintindihan ko pa rin ang ibig niyang sabihin. Hinayaan ko lang siyang magkuwento.

"Tapos noong panahong humihingi ako sa kanya ng baon, lagi niyang sinasabi na kinukuha raw ng kabit niya ang kinita niya sa pagbebenta. Ang sarap ng buhay ng babae niya sa bahay namin. Lahat ng luho niya nakukuha niya kay papa, samantalang kami . . ."

Nanikip ang lalamunan ko kaya napainom na ako ng tubig.

"Tsk," nanahimik siya saka nagpatuloy.

"Ginawang drug den ng mga parokyano ni papa ang bahay namin. Hindi naman nila pinapakita sa amin ng kapatid ko kung anong ginagawa nila. Isa sa mga kapitbahay namin ang nagsabing hindi na raw sila magbabago. Ang payo nila, huwag daw namin silang gagayahin at huwag na raw naming susubukan."

"Pasensya na," sagot ko na lang. Hindi ko talaga alam kung ano ang sasabihin ko.

"Sabi nga anuman ang mangyari, siya pa rin daw ang tatay ko. Wala na akong paki sa kanya. Bahala na siya sa buhay niya. Ayos lang ako, huwag kang mag-alala."

Uminom siya ng tubig. Hindi talaga ako makapagsalita. Ang alam ko, chicken corn soup itong ginawa niya pero may tawag talaga ito sa Kapampangan na hindi ko na matandaan na sa kanya ko lang unang narinig.

"Jay," tinawag niya ako.

"Bakit?" sagot ko.

"Hindi ko alam kung ano talaga ang ginawa sa 'yo ng tatay mo. Ramdam ko sa mga kilos mo, naging marahas siya sa 'yo pero hindi ko na 'yan aalamin pa."

Nagtaka ako. Tinitigan ko siya nang mata sa mata.

"May problema ka sa tatay mo, Jay," nagpatuloy siya. "Pansin ko lang kasing natatahimik ka na lang na halos hindi ka na humihinga kapag tungkol sa tatay na ang usapan."

"Sorry, kuya," nataranta ako, inayos ko ang sarili.

"Ito na lang ang sasabihin ko: huwag kang magtanim ng sama ng loob sa tatay mo."

Matagal bago ako sumagot, "Wala naman akong . . . sinasabi?"

"Pero kitang-kita ko sa mga kilos mo," mabilis niyang sagot. "Magkukunwari ka pa ba?"

Hindi na ako makatingin sa kanya nang diretso.

"Huwag mo akong lokohin," hinagilap niya ang baso at nilagyan ng tubig mula sa pitsel.

Ramdam ko para akong hinabol tapos kinorner sa isang sulok kung saan wala akong kawala.

"Isa pa," uminom siya ng tubig. "Huwag mo na akong tatawaging 'kuya.' Siguro, 'yan ang dahilan kung kung bakit hindi ka pa nagkakaroon ng boyfriend dahil lahat kinu-kuya mo."

"Ha?"

"Sagutin mo na kasi ako."

Nanikip ang dibdib ko. Hindi ko na siya inimik. Hindi ko na pinatulan pa ang huling biro niya pero seryoso siya.

Sa isip ko, binuhusan ko siya ng kumukulong tubig. Naiinis ako sa kanya sa dahilang . . . siguro, yung tungkol sa usapang tatay o dahil sa hindi sadyang pagtawag ko sa kanya ng 'kuya.'

Gusto kong isaksak sa kanya ang kutsilyong natatanaw ko sa kusina.

*

Kasumpa-sumpa ang paraan ng pambubully sa akin ni Christian pero isa siyang mabuting kaibigan. Paraan niya lang daw 'yon ng paglalambing bilang kaibigan. 'Chan' ang ipinalayaw ko sa kanya dahil nabibigkas kong 'Chrisshian' ang pangalan niyang 'Christian.' Matagal na kaming hindi nagkikita. Wala akong balita sa kanya pero namimiss ko na siya. Hindi na ako umaasang makita pa siya uli.

Comments