Alas Tres

Alas tres na naman ng hapon. At tulad ng inaasahan, maririnig na naman ang sigaw ng isang dalaga sa ward 6--kung saan ako nakadestino. Lagi niyang isinisigaw ang pangalan ng isang babae. Para siyang nagmamakaawa o umiiyak, o ewan...basta, ramdam sa matinis nitong boses ang matinding lungkot.

Ang sabi ng isang kasamahan, tatlong buwan na raw siyang ganyan. Araw-araw iyon, laging tumataon sa panalangin tuwing alas tres ng hapon. "Masasanay ka rin sa kanya," dugtong niya.

Araw-araw, tuwing sasapit ang oras ng alas tres ng hapon, walang palya, sumisigaw ang dalaga. Para siyang time indicator o kaya alarm clock.

Minsan, malaki ang tulong niya sa tulad kong walang relo dahil may mga inaasikaso ako na kailangan kong tapusin bago mag-alas tres ng hapon. At kapag sumigaw na siya at hindi pa ako natapos, patay ako.

Pero madalas, hindi ako natutuwa. Sino nga naman kasi ang matutuwang makakita ng isang dalaga na sumisigaw na halos mabasag ang lalamunan, umiiyak at nagmamakaawa. Para pang nakakahawa ang lungkot niya na hindi ko alam kung saan niya hinuhugot.

Bumibigat ang pakiramdam ko lalo na kapag iisipin kong para siyang tinutorture sa mahirap at masakit na paraan. Naisip ko tuloy, ano ba ang nangyari sa kanya bago siya humantong sa ganito?

Gusto kong alamin pero ayokong magtanong. Invasion of privacy. Bawal.

"Nawala sa katinuan nang dahil sa sobrang guilty."

Nabigla ako nang magsalita ang isang kasamahan. Hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin. "Iyon bang dalaga sa ward 6?"

Tumango itong kasamahan ko. "Mister niya ang nagdala sa kanya rito pagkatapos yata ng walong buwan mula nang ipanganak niya ang panganay nila. Ang dinig ko, di inaasahan ang pagbuntis niya."

"Bakit 'di inaasahan,'?" usisa ko.

"Eh, paano, may karelasyon talaga itong dalaga na hindi si binata. Magkarelasyon pa rin sila, oo. Mahal din nila ang isa't isa pero palihim nga lang."

Nakatingin lang ako sa kanya habang nagkukuwento siya. Medyo hindi ko maintindihan kung ano ang gusto niyang ipunto.

"Hindi rin naman natin masisisi ang dalaga dahil may mga hinahanap din siya bilang babae na hindi magagawang ibigay ng karelasyon niyang dalaga."

"Tibo?"

"Oo, sa katunayan, sila ang legal at tanggap ng kani-kanilang mga pamilya. Mahal nila ang isa't isa at nakaplano na ang pagpapakasal nila. Hindi nga lang matuloy dahil...alam mo naman, diba? Hindi naman daw puwede ang same-sex marriage sa bansa natin."

"Eh, anong nangyari? Bakit siya humantong sa ganito?" usisa ko, na matagal ko nang gustong malaman.

"Hindi agad ipinaalam sa lahat na buntis na ang dalaga. Basta na lang daw siyang nawala kasama ang nakarelasyong binatang nakabuntis. Ang hinala, nagtanan sila at nalaman ngang nanirahan sila sa Cebu. Nagbalik na lang daw sila rito matapos isilang ng dalaga ang panganay nila ng binata na ngayon ay mister niya."

"Tapos?"

"Nagpakita siya--kasama ang mister niya--sa karelasyon niyang tibo. Inamin niya kahit masakit sa kanya. Ang nakakamangha, tibo pa raw ang nakiusap na handa raw niyang akuhin ang bata at hiwalayan na lang ang misis niya, pero hindi pumayag ang mister. Mahal niya ang mag-ina niya at hindi niya raw ito isusuko, kahit kailan."

Natulala ako.

"Higit dalawang linggong sinuyo ng tibo ang mag-asawa para lang bumalik ang lahat sa dati. Pero isang araw nang minsang dalawin ng babae ang nakarelasyong tibo, nadatnan niyang nakabigti ito sa kuwarto niya habang nag-iisa sa bahay nila. Nag-iwan pa nga raw ito ng tula ng pamamaalam na nakaipit pa sa photo album nilang dalawa. Naganap iyon ng mga alas tres ng hapon. Sinisisi ng dalaga kung bakit nagpakamatay ang nakarelasyon nitong tibo kaya naman, heto siya, ganyan ang sinapit niya ngayon."

Noon ko lang naintindihan ang lahat, "kaya pala..."

Tahimik kaming dalawa na naroon lang sa bukana ng ward 6 nang magulat ako sa matinis na sigaw ng babae. Nag-echo ang boses niya kasunod nito ang pangalan ng isang babae na lagi niyang binibigkas.

"Alas tres na pala."

Bumibigat ang pakiramdam ko kapag ganito na ang nangyayari, pero hindi ko maaaring ipakita na apektado ako sa iniinda nitong sakit. Muling mage-echo sa buong ward 6 ang boses niya, binibigkas ang isang pangalan ng babae.

"Iyon ba ang pangalan niya?" tanong ko.

"Pangalan iyon ng nakarelasyon niya."

Tumango ako.

"Hindi ko alam kung darating ang araw na makakalimutan niya rin ang lahat. Lagi niyang naaalala ang lahat tuwing sasapit ang alas tres ng hapon. Ang hirap."

"Sinasaktan siya ng oras."

"Pero sana, hilumin din siya ng oras...at ng panahon."

Matagal bago siya huminto saka ako bumuntong-hininga. Maiisip ko: sasapit uli ang alas tres ng hapon, bukas.

Comments